IATF, palpak sa pagsugpo sa Covid-19

,

Malayo pa ang Pilipinas sa pagsugpo sa pandemyang Covid-19 matapos ang halos apat na buwan sa ilalim ng Bayanihan To Heal as One o Bayanihan Act. Tumataas pa rin ang bilang ng mga nagpopositibo sa bayrus. Noong Hulyo 6, mahigit 46,000 na ang may sakit na Covid-19 sa bansa. Hindi pa kasali rito ang sinasabing 8,000 kaso na nagpositibo pero naghihintay ng kumpirmasyon mula sa Department of Health.

Palpak si Duterte at kanyang mga heneral sa Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na sawatain ang pagkalat ng bayrus. Ang pinalalaganap nitong mga datos ay bungi-bungi, mali-mali, atrasado, at sa gayon ay walang silbi sa pagmapa ng pandemya. Limitado pa rin ang isinasagawa nitong testing (14,000/ araw, wala pa sa kalahati sa ipinangakong 30,000/araw sa katapusan ng Mayo.) Mabagal pa rin ang isinasagawa nitong contact tracing. Dagdag na pulis at mga tropa ang naging tugon ni Duterte sa pagtaas ng bilang ng mga nahawa sa Cebu, sa halip na dagdag na pondo at manggagawang medikal.

Malala pa, ikinalat ng IATF ang bayrus sa mga prubinsya nang ora-orada nitong pinauwi ang mga naistranded sa Metro Manila na walang wasto o labis na naantalang paglabas ng resulta ng pag-eeksamen para matiyak na hindi nila dala ang bayrus. Wala ring ginawa ang IATF para ihanda ang mga ospital at pasilidad pangkwarantina na sasalo sa kanila sa mga prubinsya. Noong Hulyo, lumitaw ang walong bagong “hotspot” ng bayrus na dala ng mga umuwi mula sa Metro Manila at Cebu.

Hanggang ngayon, kapos na kapos pa rin ang ayuda sa mga nawalan ng trabaho sa lockdown. Sa halos ₱3 trilyong inako at inuutang ni Duterte gamit ang Bayanihan, 31.5 milyong pamilya pa lamang ang nabigyan ng unang serye ng ayuda noong Hunyo 29. Nasa ₱186 bilyon pa lamang sa ₱272 bilyon ang naipamahagi sa mga lokal na gubyerno. Samantala, wala pa sa kalahati o ₱14 bilyon sa ₱30 bilyong pondo ang ginamit nito sa badyet pangkalusugan.

Nasa 3.1 milyong manggagawa lamang ang nabigyan ng ayuda, gayong mahigit pitong milyon ang nawalan ng trabaho, pansamantala at permanente, dahil sa lockdown. Sa sarbey noong Mayo, umaabot sa 5.4% ng mga manggagawa o 4.1 milyon ang naistranded sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Pinakamalaki rito ang sa Metro Manila (490,000). Marami sa kanila ang nagdurusa dahil sa pabagu-bago at arbitraryong mga patakaran ng IATF sa pagbyahe. Iniinda nila ang kalagayang wala silang pera, walang natatanggap na ayuda, walang matutuluyan, walang makain at walang posibilidad ng mapapasukan o mapagkakakitaan.

Nakapailalim pa rin sa iba’t ibang antas ng lockdown ang bansa. Ang Pilipinas ang may pinakamahaba at pinakamarahas na lockdown sa buong mundo. Patuloy ang paghihigpit sa mamamayan pero maluwag naman pabor sa ilang negosyo, ahensya at sektor.

Limitado pa rin sa mga manggagawa ng “esensyal na mga negosyo at serbisyo” ang pinapayagang lumabas sa lahat ng tipo ng “kwarantina.” Tiniyak nito ang tuluy-tuloy na operasyon ng dayuhang mga negosyo ng BPO, pasugalan, konstruksyon, manupaktura at malalaking mall.

Limitado pa rin ang pampublikong transportasyon kahit marami na ang pinabalik sa trabaho. Nitong Hulyo, walo lamang sa bawat 100 tradisyunal na dyip sa Metro Manila ang pinayagang pumasada. Ito ay kahit mas ligtas ang naturang mga dyip kumpara sa mga bus, van at “modernong” dyip na nakakulob at sa gayo’y mas malaki ang posibilidad ng pagkalat ng bayrus sa mga pasahero.

Arbitraryong ikinukulong pa rin sa kanilang mga bahay ang mga kabataang 21-anyos pababa. Mayorya sila sa 30 milyong pinagkakaitan ng karapatan sa edukasyon at trabaho na dulot pabagu-bago at kontra-mahirap na plano sa edukasyon at pagbubukas ng mga eskwelahan.

Mula Marso 7 hanggang Mayo 31, umaabot na sa 188,348 ang hinuli ng mga pulis dahil sa mga “paglabag sa kwarantina.” Mahigit 57,700 ang kinasuhan at 23,377 ang pinagbayad ng multa.
Kinwestyon naman ng ilang mga abugado ang ligalidad ng lockdown, laluna ng mga restriksyon nito sa negosyo, byahe at kilos ng mamamayan. Anila, taliwas sa itinatakda ng konstitusyong 1987 ang pagpapataw ng pagbabawal na ito. Mali ang palagay na nakasaad ito sa Bayanihan dahil walang ganitong partikular na mga probisyon sa batas. Lalong nawalan ng ligal na tuntungan ang mga restriksyon sa byahe, pagtitipon at curfew matapos mawalan ng bisa ang Bayanihan Act noong Hunyo 24.

IATF, palpak sa pagsugpo sa Covid-19