Nakapokus na operasyong militar sa Leyte
Iba’t ibang paraan ang ginagawa ng 802nd IBde para palabasing nagapi na nito ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Leyte. Masinsin ang inilunsad nitong mga nakapokus na operasyong militar mula Marso hanggang Abril. Kasabay nito, nagpapakalat ito ng disimpormasyon gaya ng gawa-gawang mga operasyon, engkwentro, o maramihang pagsurender.
Naglunsad ng operasyong kombat ang 78th IB sa di bababa sa 11 baryo sa mga bayan ng Mahaplag at Abuyog sa Leyte, at Sogod at Bontoc sa Southern Leyte. Inokupa naman ng mga sundalo ang Pandan, Maligaya, at Sta. Cruz sa Mahapalag, Pinamanagan sa Abuyog, Kahupian at Pancho Villa sa Sogod, at Ulisihan sa Bontoc sa ilalim ng Retooled Community Support Program (RCSP). Tinatakot, ipinapatawag sa kampo ng militar at sapilitan nitong “pinasusurender” ang mga natukoy nilang lider-magsasaka. Binabantayan ng mga sundalo ang kilos ng mga residente, kabilang ang pagpunta nila sa sakahan.
Nagtayo ang mga sundalo ng pahirap na mga tsekpoynt sa haywey sa Hilongos, Mahaplag at Sogod sa tabing ng kampanya kontra Covid-19. Babala nila, papatayin ang sinumang dadaan sa tsekpoynt na positibo sa Covid-19.
Sa ikatlong distrito ng Leyte, mahigit 100 tropa ng 93rd IB ang naglunsad ng mahigit isang linggong operasyon sa mga barangay ng Monterico, San Vicente at Manlilinao sa Ormoc, at Bulak sa Matag-ob. Sa ibang bahagi ng Ormoc, nagsanib pwersa ang AFP at PNP upang magsagawa ng operasyong kombat sa mga baryo ng Biliboy, Donghol, Mahayag, Boroc at Hugpat mula noong huling linggo ng Pebrero hanggang unang linggo ng Marso. Nagtayo rin ng tsekpoynt ang militar sa mga hangganan ng Ormoc at Kananga.
Nasa erya ang mga sundalo bilang pwersang panseguridad ng proyektong ekoturismo ng kongresista ng Leyte na si Vicente Veloso. Tatagos mula Matag-ob hanggang Merida ang pinaplanong resort na magpapalayas sa mga residente.
Nagkakampanya rin ang 802nd IBde ng pekeng pagpapasurender sa pamamagitan ng programang E-CLIP sa Carigara. Sa San Isidro at Calubian, “ipinagmamayabang” ng 802nd IBde ang 262 diumano’y mga dating rebelde na maramihang sumurender noong Pebrero. Ibinulsa ng mga upisyal ng brigada ang malaking bahagi ng ₱6,258,000 ayuda na inilaan umano para sa mga “surenderi.”