Puksain ang halimaw na si Duterte
Nakatakda nang higitan ng rehimeng Duterte ang lahat ng nagdaang reaksyunaryong rehimen sa sukatan ng korapsyon, pang-abuso, panunupil at pagtataksil sa loob lamang ng apat na taon. Sa ilalim ng kanyang tiranikong paghahari, nagkamal ng labis-labis na yaman at kapangyarihan ang halimaw na si Duterte, pati na ang kanyang mga alipures na burukratang kapitalista at burgesyang komprador at kanilang mga dayong imperyalistang amo.
Habang nangabundat ang mga naghahari, subsob naman sa labis-labis na pagdarahop at pagdurusa ang sambayanang Pilipino. Mula 2016, tuluy-tuloy na sumasadsad ang kabuhayan ng bayan—ng mga manggagawa, magsasaka, malaproletaryado, petiburges at pambansang burges. Pahirap at pasakit ang hatid ng mga patakarang dikta ng dayong malalaking kapitalista at bangko.
Pinakabusabos ang kalagayan ng masang anakpawis. Nilulumpo sila ng malawakang disempleyo, mababang sahod at kita, kawalan ng lupa, sumisirit na presyo ng mga bilihin, pabigat na buwis, kawalan ng tirahan, sakit at nabubulok na serbisyong pangkalusugan at panlipunan.
Nagkakamal ng yaman ang iilan habang lugmok at hindi makatayo-tayo sa sariling paa ang ekonomya ng Pilipinas. Habang nilulunod ang bayan sa dagat ng dayong pautang, pumapaimbulog naman ang kinakamkam na tubo ng mga burgesyang kumprador at dayuhang malalaking kapitalista. Hindi mabusug-busog ang mga manghuhuthot at mandarambong sa yamang likas at lakas ng Pilipinas; habang nangangayayat naman ang bansang atrasado sa produksyong agrikultural at walang mga kailangang kailangang mga industriya.
Lalong naagnas ang pambansang kasarinlan ng Pilipinas dahil sa pagsuko ng mga karapatan ng bansa sa harap ng papatinding pandarambong at tagisang militar ng magkaribal na imperyalistang US at China. Kapalit ng ilambilyong dolyar na pangakong pautang, suhol, at personal at pampulitikang pabor, isinuko ni Duterte ang teritoryo ng Pilipinas sa dagat at lupa, pinabayaan ang China na wasakin ang yamang karagatan, at pagkaitan ng pangisdaan ang mamamalakayang Pilipino. Kapalit ng patuloy na suportang militar at pampulitika ng US, tinapos ni Duterte ang usapang pangkapayapaan at nangakong gagapiin ang rebolusyonaryong kilusan. Binawi niya ang huwad na bantang ibasura ang Visiting Forces Agreement at patuloy na isinusulong ang kontra-mamamayang kampanya sa kontra-insurhensya.
Sa tuktok ng bayang nagdarahop, nakaluklok sa trono si Duterteng halimaw. Sa ilalim ng apat na taong paghahari, nilabusaw ang Pilipinas sa krimen at korapsyon ng mga naghaharing burukratang kapitalista. Ibinulsa ang pondo ng bayan at pinagkakitaan ang mga kontrata sa imprastruktura. Pinaburan ang mga negosyong marunong “makisama” habang inipit ang mga tumangging yumuko sa kanyang buktot na kapangyarihan. Pinalibutan niya ang sarili ng mga binusog na upisyal ng militar upang ipagtanggol siya laban sa kanyang karibal.
Sa nagdaang apat na taon, sinalanta ang bayan ng walang-habas na teroristang gera laban sa api at naghihirap. Ilampung libo ang pinaslang sa huwad na “gera sa droga” para paluhurin at pasunurin ang mga sindikato. Ilampung libo ang sinalanta ng pagwasak at okupasyong militar sa Marawi City at nagpapatuloy na gera laban sa mamamayang Moro. Kaliwa’t kanang kalupitan, pamamaslang, maramihang paninindak, panlilinlang, at pagsupil sa demokratikong karapatan ang hatid ng gera laban sa bayan sa tabing ng anti-komunismo. Sunud-sunod na ipinatupad ang batas militar sa Mindanao, Memorandum Order 32 at Executive Order 70 upang ipataw sa buong bayan ang paghaharing militar.
Sa pagpirma sa tinaguriang “Anti-Terror Law,” nakaputong ngayon sa kanyang ulo ang korona ng naghahari-hariang diktador. Hawak niya ngayon ang batas na nagbibigay sa kanya ng kapangyarihang gamitin ang buong bangis ng terorismo ng estado para sindakin, supilin o gapiin ang sinumang kritiko o kalaban. Sa pamamagitan ng batas na ito, inangkin ni Duterte ang mga kapangyarihang lagpas sa itinakda ng konstitusyong 1987. Niyuyurakan ng batas na ito ang mga batayang karapatang sibil at pampulitika.
Pinagkaabalahan ni Duterte ang kanyang iskema ng pagtatatag ng isang pasistang diktadura habang ang buong bayan ay dumaranas ng pandemyang Covid-19. Ang palyadong militaristang tugon ng kanyang gubyerno sa banta sa kalusugang pampubliko ay nagresulta sa patuloy at bumibilis pang pagkalat ng bayrus sa buong bansa. Matapos ang antalang pagkilos, bigong paghahanda at pagpapatatag ng sistemang pangkalusugan, ipinataw ni Duterte ang militaristang lockdown para kontrolin ang buong populasyon bilang nangungunang solusyon sa pandemya at bilang paghahanda sa mga paghihigpit sa ilalim ng bagong pasistang kaayusan.
Sinayang niya ang sakripisyo at hirap ng bayan dahil wala naman siyang ginawang hakbang para isagawa ang mass testing at malawak na contact-tracing, pagpapalakas ng mga laboratoryo at libreng paggagamot ng mga nagkakasakit ng Covid-19. Sa halip, dinambong ang bilyun-bilyong piso sa maanomalyang pagbili ng mga kagamitan, ginutom ang bayan, at winasak ang kanilang mga hanapbuhay. Malinaw na malinaw ngayon sa bayan, si Duterte ang numero unong banta sa kanilang kalusugan at kaligtasan sa gitna ng pandemya.
Sa harap ng malawak na pagdurusa at pagkasikil, nag-uumapaw ang galit ng buong bayan kay Duterte. Masidhi ang kanilang paghahangad na puksain ang halimaw at tapusin ang kanyang buktot na paghahari. Determinado silang tapusin ang paghahari ni Duterte sa lalong madaling panahon at papanagutin siya sa lahat ng kanyang krimen laban sa bayan at sangkatauhan.
Tapos na ang panahon ng pagtitiis at pagiging kimi. Pinangingibabawan nila ang takot at tinitipon ang tibay ng loob para sama-samang kumilos at lumaban. Nagiging mas matapang sila sa pagsasalita at paggigiit ng kanilang panawagang magbitiw o patalsikin si Duterte. Malapad na hanay ngayon ng iba’t ibang mga demokratikong pwersa ang nagkakapit-bisig laban sa kanyang tiraniya. Habang lalong lumalaki ang tinitipong kapangyarihan at kayamanan ng halimaw, lalo siyang nahihiwalay sa mamamayan. Mabangis man at makapangyarihan, walang laban ang halimaw sa lakas ng nagkakaisang bayan.
Hinihikayat ng Partido ang lahat ng demokratikong uri, sektor at grupo na tumindig, mag-organisa at buuin ang malapad na pagkakaisa upang puspusang ipaglaban ang kanilang mga karapatan, labanan ang terorismo ng estado, korapsyon, pagpapahirap at pagtatraydor ng rehimeng Duterte sa bayan.
Dapat silang maglunsad ng malalaking martsa at rali sa lansangan at isagawa ang iba’t ibang anyo ng paglaban upang tipunin ang lakas ng bayan at ang kapangyarihang baguhin ang takbo ng kasaysayan.
Sa harap ng tumitinding terorismo ng reaksyunaryong estado, dapat puspusang ipagtanggol ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang bayan laban sa teroristang atake sa kanilang mga karapatan. Habang patuloy na binibigyang-prayoridad ng BHB ang pagbibigay ng pangkalusugan at pang-ekonomyang serbisyo sa bayan sa harap ng pandemyang Covid-19, dapat tugunan ng mga yunit nito ang paghahangad ng bayan para sa katarungan at parusahan ang mga pasistang terorista at pagbayarin sila sa kanilang mga krimen laban sa mamamayan.
Ang walang kaparis na pagdurusa ng bayan sa ilalim ng rehimeng Duterte ay salamin ng pamalagiang krisis ng bulok na sistema sa Pilipinas. Idinidiin nito ang pangangailangang isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon upang wakasan ang nagnanaknak na sistemang malakolonyal at malapyudal, kamtin ang pambansang kalayaan at demokrasyang bayan, at itatag ang malaya, progresibo at maunlad na bukas.