Tulong-tulong ang masa sa pagharap sa hirap at pandemya
Malaki ang epekto sa mga magsasaka ng arbitraryong paghihigpit sa pagkilos na iniutos ni Duterte sa ngalan ng pagsugpo ng Covid-19. Kabilang sa mga apektado ang mga magsasaka sa Bicol na hindi pa nakababawi mula sa pinsalang idinulot ng bagyong Tisoy noong nakaraang taon. Para makaagapay, inilulunsad ng mga rebolusyonaryong organisasyon ng magsasaka rito ang iba’t ibang inisyatiba sa kani-kanilang mga barangay.
Katuwang ang mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan, pinalakas ng mga magsasaka sa Barangay Kawayan ang mga “grutul” o pangkat sa pagtutulungan sa produksyon. Dahil sa restriksyon, hindi nila madaling naibebenta ang kanilang produkto at kung mailulusot, napakababa pa ng presyo. Umaabot lamang sa P600 ang tuyong palay at ang bigas ay nasa ₱1,500 bawat sako. Para makaagapay sa kagyat na mga pangangailangan, nagtanim ng mga halaman ang mga pangkat na mabilis nilang mapatutubo at mapakikinabangan. Ang sobrang ani ng mga grutul ay ipinamahagi sa kanilang mga kapitbahay.
Sa Barangay Narra, nag-organisa ang sangay ng Partido sa lokalidad (SPL) ng operasyong relief kung saan 700 pamilya ang nabigyan ng tig-5 kilong bigas. Naglunsad din ng feeding program ang mga organisasyon ng magsasaka. Kasabay nito, namahagi ang sangay ng mga polyetong naglalaman ng impormasyon hinggil sa Covid-19.
Sa Barangay Lawaan, idinaan sa kultural na pamamaraan ang kampanyang impormasyon laban sa Covid-19. Bumuo ang mga magsasaka ng mga dula, kanta, rap, sayaw at jingle hinggil sa kanilang kalagayan sa ilalim ng pandemya. Ginamit nila ang mga ito sa mga treyning medikal, klinikang bayan at mga pagpupulong sa komunidad.
Sa lahat ng mga erya, pinataas ng Pulang hukbo ang kapasidad at kaalaman ng mga residente hinggil sa alternatibong medisina tulad ng akupangtura at mga halamang gamot upang mapanatili ang kalusugan, makaiwas sa Covid-19 at iba pang karamdaman.
Naisagawa ang mga aktibidad na ito sa kabila ng makilos na operasyong kombat ng mga sundalo ng AFP sa kanilang barangay. Determinado at buo ang suporta ng mga magsasaka sa kanilang hukbo kung kaya’t mahusay silang naglihim, nagpatawag ng pulong at nagpasa ng impormasyon sa BHB.