Pananalasa ng terorismo ng estado sa unang hati ng 2020
Ulat sa kalagayan ng karapatang-tao (Enero-Hunyo 2020)
Ang Bayan
Download
EN: PDF | EPUB | MOBI
PIL: PDF | EPUB | MOBI
BIS: PDF | EPUB | MOBI
HIL: PDF | EPUB | MOBI
Ang ulat na ito ay halaw sa mga nakalap na balita ng Ang Bayan hinggil sa mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao na isinagawa ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at iba pang mga armadong ahente ng reaksyunaryong rehimeng US-Duterte sa unang hati ng taong 2020.
Sa inisyal na talaan ng Ang Bayan, 24,661 (o 136 kada araw) ang naging biktima ng mga paglabag sa karapatang-tao mula Enero 1 hanggang Hunyo 30 ngayong taon. Hindi pa kabilang sa suma na ito ang puu-puong libong ordinaryong mamamayan na inaresto at idinetine dahil sa “pagsuway” sa mga regulasyon sa panahon ng lockdown.
Sa pagsusuma, kada linggo, may dalawang kaso ng pampulitikang pamamaslang at 17 na kaso ng arbitraryong pag-aresto at pagdetine. Tinatayang 18 naman ang pinagbantaan at ginipit kada araw.
Mga paglabag sa karapatang-tao (Enero-Hunyo 2020)
- Pampulitikang pagpaslang 46
- Tangkang pagpaslang 21
- Pag-aresto at detensyon 446
- Pagbabanta, panggigipit, intimidasyon 3,296
- Pagbabakwit 17,193
- Pagwasak sa ari-arian 72
- Iligal na paghalughog at pagkumpiska 46
- Pagdukot 1
- Tortyur 7
- Pananakit 16
- Demolisyon 2,268
- Blokeyo sa ekonomya at pagkain 1,200
- Pamimilit 40
- Paglabag sa karapatan ng hors de combat 12
Ang mga kasong ito ay direktang resulta ng pinatinding kampanya kontra-insurhensya ni Duterte na pinangungunahan ngayon ng kanyang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Nakikitang sisidhi pa ang mga pang-aatakeng ito matapos isabatas ang Anti-Terrorism Act noong Hulyo 3. Gagamitin itong karagdagang armas upang supilin ang paglaban ng mamamayan sa harap ng tumitinding ligalig dulot ng tiraniya ni Duterte na lalong pinatindi sa panahon ng pandemya.
Nais naming ipabatid sa mga mambabasa na marami pang kaso ng paglabag sa karapatang-tao ang hindi naiulat dahil sa mga problema sa pag-uulat mula sa kanayunan dulot ng tindi ng mga operasyong militar. Inaanyayahan ng patnugutan ng Ang Bayan ang lahat ng mga yunit ng Partido, sa kanayunan at kalunsuran, na magsumite ng dagdag na mga ulat upang kumpletuhin ang paglalagom na ito.
Pagpaslang, bigong pagpaslang at tortyur
Sa loob lamang ng anim na buwan, umabot na sa 46 ang mga sibilyang biktima ng pampulitikang pamamaslang sa buong bansa. Kalakhan sa pinaslang (32) ay mga magsasaka. Pinakamarami ang pinaslang sa Bicol (14) at Eastern Visayas (8) na parehong nakapailalim sa Memorandum Order 32. Inilabas ni Duterte ang kautusan na ito noong 2018 na direktang nagdeploy ng dagdag na mga batalyon sa naturang mga rehiyon.
Apat na kaso ng pagmasaker ang naganap sa nakalipas na mga buwan. Ang mga minasaker ay pinalabas na namatay sa engkwentro o di kaya’y “nanlaban” Pinakamasahol dito ang pagmasaker ng pinagsanib na pwersa ng 31st IB at PNP sa limang magsasaka sa Barangay Dolos, Bulan, Sorsogon noong Mayo 8. Isa sa mga biktima ay may sakit sa pag-iisip.
Mga masaker
- Julius Marquez; Ennabel Balunos; Ma. Finela Mejia
2020-02-13 | Namatican, Santa Lucia, Ilocos Sur
BHB (hors de combat)
81st IB - Julius Soriano Giron, Dr. Ma Lourdes Denero Tangco, at Arvie Alarcon Reyes
2020-03-13 |MRR-Queen of Peace, Baguio City
(hors de combat) 2 PKP, 1 sibilyan
CIDG, PNP-Baguio, AFP - Jeric Vuno, Jerry Palanca, Robert Villafuerte, Raymundo Tañada at Jaime Tañada
2020-05-08 | Dolos, Bulan, Sorsogon
Magsasaka
31st IB, 9th Special Action Battalion - Rogen Orcales Languido; Danny Boy Tibay Pepito, Sr.; Jessie Boy Amador Pepito (minor)
2020-06-17 | Mahayhay, Placer, Masbate
Magsasaka
PNP-Masbate, 2nd PMFC
Pinaslang naman noong Mayo 28 ang pambansang pangkalahatang kalihim ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) na si Carlito Badion sa Leyte.
Kabilang si Badion sa 12 pinaslang noong Mayo. Pinakamarami ang kaso ng pamamaslang noong Mayo kasunod ng pag-alok ng ₱2-milyon pabuya ni Duterte sa sinumang makapapatay o makapagbibigay ng impormasyon para sa ikaaaresto ng mga kumander ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).
Samantala, nakapagtala rin ang Ang Bayan ng 21 biktima ng tangkang pagpaslang at pitong biktima ng tortyur.
Pag-aresto at detensyon
Nakapagtala ang Ang Bayan ng 446 kaso ng arbitraryong pang-aaresto at detensyon sa nakalipas na anim na buwan. Sa buwan ng Mayo naitala ang pinakamaraming biktima (218) ng pang-aaresto.
Mga magsasaka rin ang kalakhan (280) sa mga inaresto. Pinakamarami (140) ang inaresto sa North Central Mindanao.
Nakapagtala rin ang Ang Bayan ng 30 insidente ng maramihang pang-aaresto sa naturang panahon. Pinakamalaki sa mga ito ang magkasabay na pag-aresto ng nag-ooperasyong mga tropa ng 88th IB sa hindi bababa sa 100 Lumad sa Barangay Mabuhay at Magkalungay, San Fernando, Bukidnon noong Mayo 18. Idinetine sila sa kampo ng naturang yunit-militar sa Maramag at ipinrisenta bilang mga sumukong kasapi ng BHB.
Hindi bababa sa 147 ang inarestong raliyista at boluntir dahil sa umano’y pagsuway” sa mga patakaran sa kwarantina mula Abril 1.
Dagdag pa rito, nakapagtala rin ang Ang Bayan ng 3,296 na biktima ng pagbabanta, panggigipit at intimidasyon.
Mga atake sa komunidad sa panahon ng Covid-19
Kahit sa gitna ng krisis pangkalusugan, nagpakat ang rehimen ng libu-libong sundalo sa kanayunan para paigtingin ang kontra-insurhensya at maglustay bilyun-bilyong piso sa magastos na mga operasyong pangkombat, pambobomba, saywar at paggamit ng mga drone.
Operasyong Kontra-insurhensya sa panahon ng Covid-19
(Marso 15-Hunyo 2020)
Barangay
625
Bayan at lunsod
247
Prubinsya
54
Pambobomba, pag-istraping, panganganyon, paniniktik
- Pambobomba at/o pag-istraping 12
- Panganganyon 5
- Aerial surveillance 54
Mula Marso 15, nakapagtala ang Ang Bayan ng iba’t ibang porma ng pang-aatakeng militar sa hindi bababa sa 625 barangay ng 247 bayan sa 54 prubinsya kasabay ng pananalasa ng pandemyang Covid-19. Pinakamaraming barangay ang apektado ng mga operasyong militar sa Southern Tagalog (149), kasunod ng Eastern Visayas (106) at Bicol (101). Kabilang ang mga rehiyong ito sa nakapagtala ng pinakamaraming kaso ng paglabag sa karapatang-tao sa naturang panahon. Nakapagtala rin ng 26 insidente ng aerial surveillance.
Naitala rin sa panahon ito ang 17 kaso ng walang patumanggang pambobomba, istraping at panganganyon, kung saan 14 ay naganap sa Mindanao. Apat na pambobomba ang naitala sa North Central Mindanao at tigatlo naman sa Northeast at Southern Mindanao.
Pinakabrutal ang walang patumanggang paghulog ng limang 230-kilo (o 500-libras) na bomba ng Philippine Air Force at 4th ID malapit sa komunidad ng mga Lumad sa Barangay Mandahikan, Cabanglasan noong Marso 27. Dalawang araw matapos nito, muling nagpabugso ng sampung rocket at kanyon ang AFP sa parehong barangay.
Nagresulta ang mga pang-aatakeng ito sa pagbabakwit ng hindi bababa sa 15,768 residente mula sa kani-kanilang mga komunidad sa iba’t ibang panig ng bansa. Pinakamarami sa mga bakwit ay mula sa Western Mindanao (11,810).