#LabanKapamilya: Protesta ng mga empleyado at tagasuporta ng ABS-CBN
Gabi-gabi mula Hulyo 10, nagtitipon ang mga manggagawa at artista ng ABS-CBN sa tarangkahan ng istasyon nito sa Quezon City para magsagawa ng noise barrage laban sa pagtanggi ng Kongreso na bigyan ang kumpanya ng bagong prangkisa.
Noong Hulyo 18, nagkaraban ang kanilang mga tagasuporta mula Makati tungo sa istasyon sa Quezon City. Sumabay sa protesta ang mga manggagawa, kanilang mga tagasuporta at simpleng manonood ng ABS-CBN sa mga syudad ng Cebu, Olongapo, Bacolod, Tacloban, Davao, Cagayan de Oro at Zamboanga.
Nakiisa sa mga protesta ang mga kongresista ng blokeng Makabayan na nanguna sa paghahapag ng panukala para manatiling bukas ang istasyon. Kasama rin ang mga myembro ng National Union of Journalists of the Philippines, Altermidya, Photojournalists’ Center of the Philippines Inc., Kilusang Mayo Uno, Alliance of Concerned Transport Organizations at iba pang sektor na naninindigan para sa malayang pamamahayag. Nagpaabot naman ng suporta ang mahigit 500 mamamahayag sa iba’t ibang pahayagan.
Umaabot sa 11,000 manggagawa ang matatanggal sa trabaho habang tatanggap ng mas mababang sahod ang mga matitira. Nagsimula nang isara ang mga rehiyunal na istasyon nito sa iba’t ibang prubinsya. Una nang isinara ang mga libre nitong istasyon sa telebisyon at radyo. Liban sa mga manggagawa ng istasyon, mawawalan din ng trabaho ang mga manggagawa na kinokontrata nito mula sa iba pang mga ahensya, at maging ang samutsaring maliliit na negosyo sa paligid ng istasyon sa Quezon City. Sa ngayon, tanging ang mga programa nito na nasa internet at cable ang nasa ere.