Ligtas na pagbubukas sa mga paaralan
Inirekomenda noong Hunyo ng American Academy of Pediatrics, pangunahing samahan ng mga espesyalistang duktor pambata sa US na may 67,000 myembro, na buksan na ang mga eskwelahan at papasukin sa lalong-madaling panahon ang mga bata at kabataan. Naghapag sila ng walong prinsipyo na dapat isaalang-alang para sa ligtas na pagbubukas sa mga eskwelahan sa dokumentong “Mga Konsiderasyon sa Pagpaplano: Gabay sa Muling Pagpapasok sa mga Eskwelahan,” na huling inamyendahan noong Hunyo 25. Diin nila, lahat ng mga plano ay “dapat magsimula sa layunin na makapasok ang mga estudyante sa mga eskwelahan.”
Iginigiit ng mga duktor na hindi lamang nagbibigay ng kaalamang akademiko ang mga paaralan sa mga bata, binatilyo at dalagita. Nagsisilbi rin itong lugar para mapaunlad nila ang kanilang mga kasanayang sosyal at emosyunal, para makapag-ehersisyo at magkaroon ng suportang mental. Hindi nila ito makukuha sa pamamaraang online. Pero ayon din sa mga duktor, dapat ding handa ang mga eskwelahan sa mga pagbabago, at dapat lahat ng pagdedesisyon ay pleksible at mabilis na maaksyunan.
Marami nang pag-aaral ang nagdedetalye sa natatanging aspeto ng pandemya, kung saan hindi gaano nahahawa ang mga bata kumpara sa mas nakatatanda, at kung sila man ay mahawa, hindi lumulubha ang kanilang mga sintomas. Ang mga batang 12-taong gulang (10-taong gulang sa ibang pag-aaral) pababa ay hindi rin gaanong nakahahawa, kumpara sa mas nakatatanda. Sa mga kasong nagpositibo ang bata, mas madalas na nahawa siya ng mas nakatatanda.
Sa United Kingdom, umapela rin sa kanilang gubyerno ang mahigit 2,500 myembro ng Royal College of Paediatrics and Child Health. Anila, peligroso sa isang henerasyon ng kabataan ang dulot ng pagsasara ng mga eskwelahan. Sa pangkalatahan, hindi minamaliit ng mga dukor ang posibilidad na magkaroon ng biglang pagkakahawaan sa mga eskwelahan, at sa aktwal ay malamang na hindi ito maiiwasan. Pero anila, mas malaking banta kumpara sa bayrus ang samutsaring problemang ibubunga ng patuloy na pagsasara ng mga paaralan. Idiniin nila na lahat ng bata ay may karapatan sa tuluy-tuloy na pagkatuto.
Dahil sa pandemya, nasa 1.3 bilyong bata sa buong mundo ang napilitang tumigil sa pag-aaral noong Marso-Abril. Ayon sa UNICEF, malaki at lalupang lalaki ang pinsala sa mga batang wala sa eskwelahan laluna sa mga atrasadong bansa. Malaki ang panganib na hindi na makababalik kailanman sa mga paaralan ang mga bata mula sa mahihirap na pamilya. Magreresulta ito sa mas matinding hindi pagkakapantay-pantay, mahinang pangangatawan, karahasan, pagsasamantala sa lakas-paggawa ng mga bata at maagang pag-aasawa.
Hindi madaling desisyon kung kailan at paano bubuksan ang mga paaralan, ayon pa sa ahensya. Mangangailangan ito ng malaking pondo at matamang pagsubaybay. Ayon pa sa ahensya, hindi maaaring buksan ang mga paaralan nang hindi inaayos ang mga kahinaan nito sa nakaraan. Anito, dapat mulat ang mga gubyerno sa mga bentahe at disbentahe nito kumpara sa paglipat sa pagkatutong online. Liban sa mga pasilidad pangkalusugan, kakailanganin ng matinding pagpaplano at koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng gubyerno, mga guro at magulang. Kakailanganin din ng sapat na pondo para masalo ang nahuhuli at may espesyal na pangangailan na mga mag-aaral.