Mga tanod, minasaker ng PNP sa Masbate
Tatlong barangay tanod sa Masbate ang dinukot ng mga pulis at sundalo noong hatinggabi ng Hulyo 4 at minasaker sa hangganan ng mga barangay ng Bagacay at Marintoc sa bayan ng Mobo. Pinaslang sina Edgar Mingoy, Marlon Bajar at Rolly de la Cruz sa sumunod na araw at pinalabas na mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).
Kabilang sa mga nangmasaker ang Regional Mobile Force Battalion 5, 9th Special Action Battalion, Regional Intelligence Unit, Masbate Provincial Mobile Force Company at Mobo Municipal Police Office. Sangkot din sa krimen ang 96th Military Intelligence Company.
Upang palabasin na nagkaroon ng engkwentro, mahigit isang oras na nagpaputok ng kanilang mga baril ang mga pulis sa lugar.
Si Mingoy ay 20 taon nang tanod. Si Dela Cruz naman ay nagsisilbi rin bilang kagawad sa kanilang barangay.
Pambobomba. Gamit ang dalawang FA-50 fighter jet, naghulog ng walong bomba ang militar malapit sa dalawang komunidad ng mga Lumad sa Diatagon, Lianga, Surigao del Sur noong Hulyo 15, dakong alas-2 ng madaling araw. Nagpalipad ng dalawang drone ang militar sa naturang lugar. Nagdulot ito ng troma sa mga residente laluna sa mga bata. Nagbakwit ang 37 pamilya matapos ang insidente.
Pag-aresto. Noong Hulyo 7 sa Barangay San Isidro, Nabua, Camarines Sur, iligal na inaresto ng mga elemento ng estado si Jenelyn Nagrampa-Caballero. Si Nagrampa ay tagapangulo ng Bicolana-Gabriela at kasalukuyang Pambansang Pangalawang Tagapangulo ng Gabriela.
Inaresto rin noong Hulyo 9 sa Sipocot, parehong prubinsya si Rev. Dan San Andres ng United Church of Christ in the Philippines. Si San Andres, 61, ang tagapagsalita ng Karapatan-Bikol.
Ang dalawang beteranong aktibista ay sinampahan ng gawa-gawang kaso ng pagpatay sa dalawang sundalo noong Mayo 2018.
Naglunsad ng mga piket ang mga aktibista sa Legazpi City at Naga City noong Hulyo 10 bilang pagkundena sa iligal na pag-aresto.
Militarisasyon. Hinahalihaw ng hindi bababa sa limang yunit militar at pulis mula pa noong huling linggo ng Hunyo ang mga bayan ng Juban, Magallanes, Bulan, Irosin at Matnog sa Sorsogon. Sa Irosin, 23 sa 28 barangay ng bayan ang saklaw ng mga “Community Support Program” ng militar. Nagsimula namang magtayo ng kampo ang 22nd IB sa Barangay Calomagon sa Bulan.
Nagbabahay-bahay ang mga pasista at inililista ang pangalan ng mga residente. Inoobliga rin ang mga konseho ng barangay na magpasurender ng kanilang mga kababaryo.
Noong Hulyo 7 at 8, hinalughog at ninakawan ng mga sundalo at pulis ang bahay ng walong residente ng Barangay Maalo at Calmayon sa bayan ng Juban.