Pagpapasara sa ABS-CBN, bigwas sa malayang pamamahayag

,

Sa botong 70-11, tuluyan nang pinatay ng Kongreso noong Hulyo 10 ang prangkisa ng ABS-CBN, ang pinakamalaking network sa radyo at telebisyon sa bansa. Nagkaroon ng 13 pagdinig kung saan samutsaring usapin ang ibinato ng mga kongresistang alipures ni Rodrigo Duterte sa mga upisyal ng kumpanya. Kasama dito ang indibidwal nilang mga hinanakit at mga alegasyon ng hindi pagbabayad ng tamang buwis at pagdududa sa nasyunalida ng mga Lopez na may-ari ng kumpanya. Sinaklaw ng pagdinig maging ang mismong laman ng mga palabas sa telebisyon, gaya ng mga teleserye, bagay na lampas na sa awtoridad ng mga kongresista.

Liban sa mayor na istasyon nito sa Quezon City, mayroong 46 na lokal na istasyon ng libreng telebisyon ang ABS-CBN sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Mayroon din itong 12 digital channel na libre, at 10 cable at apat na satellite channel na parehong may bayad. Pinatatakbo nito ang DZMM at tatlo pang istasyon ng radyo sa AM at 17 istasyon ng MOR (My Only Radio) sa FM sa Metro Manila at 16 na prubinsya. Lahat ng ito ay isinara, liban sa mga may bayad na channel sa cable at satellite na hindi saklaw ng prangkisa. Ayon sa mga Lopez, nalulugi ang kumpanya ng ₱30-35 milyon sa bawat araw na nakasara ang istasyon.

Paulit-ulit ang pagtanggi ng mga kongresista na utos ni Rodrigo Duterte ang pagpapasara. Pero noong Hulyo 13, ipinagmayabang mismo ni Duterte ang pagpapasara niya sa ABS-CBN. Nagapi na umano niya ang oligarkiya nang “hindi nagdedeklara ng batas militar.” Mula nang maupo siya sa poder, binantaan na niya ang istasyon dahil sa pagpabor diumano sa kanyang kalaban sa eleksyong 2016. Lalo siyang nagalit sa pagbabalita nito sa madugong “gera kontra-droga” ng kanyang rehimen. Ipinasara niya ang kumpanya sa gitna ng pandemya at lockdown at sa ilalim ng kalagayang iilan na lamang ang istasyon sa libreng telebisyon na may kakayahang magbrodkas sa buong bansa.

Dati nang instrumento ng naghaharing pangkatin laban sa malayang pamamahayag ang sistema ng pagbibigay ng prangkisa na nakaasa sa kapritso ng presidente at mga kongresista. Katunayan, madalas na nababahiran ng maduming pulitika ang prosesong ito dahil ang kapangyarihan na magbigay ng prangkisa ay hawak ng mga nasa poder. Nakasaad sa Republic Act 3846 na kinakailangan ng mga kumpanya sa brodkas na kumuha ng lehislatibong prangkisa para makapag-opereyt. Ang mga aplikasyong ito ay dumadaan sa burukratikong butas ng karayom ng reaksyunaryong Kongreso at pinipirmahan ng pangulo sa porma ng isang bagong batas. Bagamat isinasalang ang bawat aplikasyon sa mga pagdinig at diskusyon, pangunahing nakasalalay ang pag-apruba sa pusisyon ng kung sinumang nasa poder, imbes na sa isang independyenteng komisyon. Malawakan ding ginagamit ang sistemang ito bilang malaking palabigasan ng mga burukratang kapitalista sa porma ng pagtanggap ng suhol.

Direktang pinahihina ng sistemang ito ang karapatan ng midya sa malayang pamamahayag. Tulad ng nangyari na sa ABS-CBN, maaari itong gamitin para busalan ang midya sa pagsisiwalat ng pang-aabuso at kapalpakan ng mga upisyal ng gubyerno. Sa bagong mga prangkisa na inaprubahan sa panahon ni Duterte gaya ng sa GMA at The 5 Network, isiningit ang probisyon na nag-obliga sa mga kumpanya na maglaan ng 10% ng kabuuang oras ng mga binayarang patalastas para sa gamit ng gubyerno. Nagagamit ito ng nakaupo sa poder sa pamamagitan ng pagpapalabas ng mga patalastas at programang tinatauhan ng mga upisyal ng rehimen. Nakasaad sa lahat ng mga prangkisa na may espesyal na karapatan ang presidente na agawin sa mga may-ari ang istasyon, gamitin ang brodkas o paganahin ang lahat ng mga pasilidad ng kumpanya sa mga panahon ng “gera, rebelyon, panganib sa publiko, kalamidad, emergency, sakuna o laganap na kaguluhan.”

Pagpapasara sa ABS-CBN, bigwas sa malayang pamamahayag