Planong pagbabahay-bahay ng pulis, iligal
Isa na namang militaristang hakbang ang utos ni Department of Interior and Local Government Sec. Eduardo Año sa Philippine National Police na “magbahay-bahay” upang hanapin at “hulihin” ang mga nagpositibo sa Covid-19 upang sapilitan silang dalhin sa mga pasilidad pangkwarantina.
Ang bagong utos na ito ni Año ay ibayong yuyurak sa mga karapatang sibil. Taliwas ito sa isinasaad kahit sa reaksyunaryong batas na kailangan ng pulis ng isang mandamyento para pasukin at halughugin ang anumang pribadong bahay. Labag din ito sa batayang karapatan sa pribasiya, na itinataguyod kahit sa mga sitwasyong medikal. Una nang iniutos ni Año sa mga lokal na gubyerno ang pag-aresto sa sinumang “lumalabag sa kwarantina” para bigyan sila ng leksyon. Halos 900 ang inaresto at pinagmulta sa loob lamang ng isang araw noong Hulyo 9. Hindi naman bababa sa 300 ang hinuli sa Navotas noong Hulyo 16.