PPE at sahod, ipinaglaban ng mga nars
Nagprotesta ang mga nars ng San Lazaro Hospital Maynila noong Hulyo 16 para manawagan ng mas maayos na kundisyon sa paggawa. Ayon sa mga nars, nasa 60 manggagawa na ang nahawa ng Covid-19. Kabilang sa kanila ang 48 o 60% ng mga pasyenteng ginagamot ngayon sa ospital.
Nakikita nilang pangunahing dahilan ang kakulangan ng personal protective equipment (PPE) at maling tipo ng mga face mask. Binatikos din nila ang mabagal na paglalabas ng dagdag nilang sahod, pagkait ng hazard pay at iba pang benepisyo.
Noong Hunyo 30, nasa 2 milyon pa lamang ng mga PPE ang naipamahagi ng Department of Health, gayong may badyet ito para sa 10 milyong PPE. Wala pa sa kalahati sa kinakailangang gamit medikal ang binili at ipinamahagi ng ahensya. Sa huling mga ulat, puno na ang mga pasilidad ng karamihan sa mga ospital sa Metro Manila at hindi na kaya ng mga ito na tumanggap ng mga kritikal na pasyente.
Ayon sa Filipino Nurses United, sobra-sobra ang trabaho ng mga nars nang hindi naman nila natatanggap ang angkop na sahod, laluna kapag kailangan nilang magkwarantina. Noong Hulyo 18 lamang naglabas ng kautusan ang Department of Budget and Management para ipatupad ang probisyon ng Philippine Nursing Act na nagtataas sa sahod ng mga nars sa mga pampublikong hospital mula ₱22,000-₱24,000 tungong ₱32,000-₱34,000. Naipasa ang naturang batas noon pang 2002 o 18 na taon na ang nakalilipas, subalit ngayon pa lamang ito ipinatupad.