Sarbeylans sa panahon ng pandemya
Noong Hulyo 8, pinahintulutan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases ang pagbubukas ng mga barberya, parlor at salon nang hanggang 50% ng karaniwang kapasidad ng mga ito sa Metro Manila. Kabilang sa mga rekisitong inilatag ng task force ay ang pagrerehistro ng lahat ng kostumer ng mga negosyo gamit ang “contact tracing application” tulad ng StaySafe.Ph.
Ang StaySafe.Ph ay programa sa “smartphone” na nagrerehistro sa lokasyon ng isang indibidwal saan man siya makarating. Layunin diumano ng mga “app” na ito ang mabilis at madaling pagbibigay ng impormasyon sa mga indibidwal na may nakasalamuhang nagpositibo sa Covid-19 sa pamamagitan ng pagrehistro ng kanilang numero sa mga tinatangkilik na negosyo.
Ang app na ito ay gawa at pinatatakbo ng MultiSys Technology Corp. Inendorso ito ni Hermogenes Esperon ng National Security Council (NSC) at ng mga heneral ng IATF. Ginawa itong upisyal na gamit ng IATF noong Abril 22. Target ng MultiSys na saklawin ang kalahati ng populasyon ng Pilipinas. May akses ito sa lahat ng aktibong selpon at direktang pumapasok ang mga pabatid nito sa pamamagitan ng Department of Information and Communications Technology (DICT).
Ang Multisys Technologies Corp. ay itinayo ni David Almirol Jr., dating empleyado sa base militar ng US sa Iraq. Nakilala siya ni Esperon noong 2016 at nagsilbing teknikal na konsultant ng NSC noong 2017. Tumanggap siya ng ilang proyektong may kaugnayan sa “technical surveillance” mula sa ahensya. Napabalitang ang StaySafe.Ph ay sadyang pinagawa ng NSC at ng National Intelligence Coordinating Agency. Hawak ng PLDT ang 45% ng kumpanya mula 2018.
Maraming eksperto sa teknolohiya ang nagpahayag ng agam-agam sa paggamit ng StaySafe.Ph. Anila, malaki ang posibilidad na gagamitin ito ng estado para tiktikan ang mamamayan at labagin ang kanilang karapatan sa pribasiya. Labis-labis ang kinukuha nitong mga permiso at impormasyon mula sa selpon na gumagamit dito. Liban sa pagtumbok sa lokasyon ng may-ari ng selpon, maaari nitong basahin at baguhin ang mga teks at kontak, buksan ang kamera at mikropono para kumuha ng larawan, bidyo o audio, tingnan ang iba’t ibang impormasyon sa selpon, baguhin ang “settings” nito at iba pa.
Walang deklaradong patakaran sa pribasiya ang app at hindi malinaw kung saan dadalhin at paano gagamitin ang impormasyong makukuha nito pagkatapos ng pandemya. Maaari itong gamitin ng nakaupo sa poder para abutin ang mga botante sa susunod na eleksyon. Maaari rin itong ipagbili ng kumpanya sa mga interesadong negosyo.
Pinangangambahang gagamitin ito para sa sarbeylans sa mga kritiko at kalaban ng rehimeng Duterte sa pulitika, laluna sa ilalim ng bagong-pasang Anti-Terror Law. Isa sa magkakaroon ng akses sa matitipong impormasyon ay ang National Bureau of Investigation, ang ahensyang naghahabol sa mga kritiko ni Rodrigo Duterte sa tabing ng “pagpigil” sa pagkalat ng pekeng mga balita.
Noong Hunyo 29, naghapag ng panukala ang blokeng Makabayan para imbestigahan ng Kongreso ang mga iregularidad at usapin sa pribasiya ng app. Pinansin ng mga kongresista ang mga reklamong inihapag ng dating upisyal ng DICT na si Eliseo Rio Jr. Ayon sa upisyal, wala talagang kakayahan sa contact tracing ang app. Ang tanging nagagawa nito noong panahong inendorso ng IATF ay kumulekta ng mga numero ng selpon at ng mga lokasyon nito. Hindi ito nakaugnay sa database o mga pagsisikap ng Department of Health at mga barangay na direktang nagsasagawa ng contact tracing.