Pagkamkam ng supertubo sa pandemya
Supertubo ang habol ng mga monopolyong kapitalistang kumpanya sa gamot o Big Pharma sa kanilang pagkakandarapa na makatuklas ng bakuna sa Covid-19. Noon pang Marso, nanawagan na ang grupong Doctors Without Borders sa mga ito na tumigil sa pagsamantala sa pandemya at gawing abot-kaya ang kanilang mga gamot. Anila, dapat pigilan ng mga gubyerno ang mga kumpanyang ito sa US.
Kinastigo ng grupo ang Gilead Sciences na nagtangkang monopolisahin ang produksyon at pagpepresyo ng remdesivir, isa sa mga gamot na may bisa sa mga kritikal na pasyenteng may Covid-19. Pumalpak ang gamot na remdesivir laban sa hepatitis at sipon, pero napaunlad ito kamakailan laban sa Covid-19 ng mga syentista ng University of Alabama. Pampublikong pondo ang ginamit para sa mabilis na pag-aaral nito. Dahil hawak ng Gilead Sciences ang patente, o karapatan sa pormula, hindi pwedeng imanupaktura ang gamot nang hindi nagbabayad sa kumpanya.
Ibinebenta ito ngayon Gilead sa halagang $3,120 (P156,000) o $520 (P26,000) ang kada dosis para sa paggagamot ng isang kritikal na pasyenteng may Covid-19. Sa mga atrasadong bansa na pinayagan ng Gilead na magmanupaktura ng generic na bersyon, umaabot pa rin sa $600 (P30,000) o $100 (P5,000) ang presyo nito kada dosis. Sa isang pag-aaral, tumaas na nang 22% ang kita ng Gilead sa panahon ng pandemya.
Kinastigo rin ng grupo ng mga duktor ang Cepeid, isang kumpanyang gumagawa ng testing kit, sa sobrang pagpepresyo nito sa pinaunlad nitong rapid test kit (Xpert Xpress SARS-CoV-2) sa halagang $19.80/test (P990). Kung tutuusin, $3 (P150) lamang kada test ang gastos sa produksyon, kabilang ang pagmanupaktura. Tulad ng Gilead, napaunlad ng Cepeid ang kit gamit ang $3.7 milyong pampublikong pondo ng US.
Ginagamit ang test kit na ito sa makinang GeneXpert na nagpoproseso ng specimen mula sa ilong at lalamunan ng isang indibidwal. Karaniwang nailalabas ang resulta ng test sa loob ng 45 minuto. Isa ang Pilipinas sa 145 bansang bumibili sa mga kit na ito. Mayroong 28 laboratoryong nakaasa sa makinang GeneXpert sa bansa.
Ayon sa grupo ng mga duktor, ang teknolohiyang ginagamit sa test na ito ay katulad sa ginagamit ng kumpanya sa mga test nito para sa tuberkulosis.