Tungkol sa Huwad na Kagandahang Loob ni Duterte
Ang diumano’y alok ni Duterte ng libreng pagpapabakuna sa mga kasapi ng NPA ay huwad na kagandahang-loob at walang batayang pagyayabang. Malaking kasinungalingan ang sabi niyang gusto niyang “manatiling malusog” ang NPA. Ilang ulit nang pinatunayan ng tiranong si Duterte na hindi siya marunong maging makatao. Katunayan, sa araw-araw, ang mga tao na pinararatangang ng militar na mga kasapi ng NPA ay pinapatay o tinatapon sa kulungan. Sa kanyang buhong na counterinsurgency, ang di armadong mamamayan ay ginagamitan ng mga sundalo ng walang habas na terorismo. Nakakikita sila ng Pula saanman sila lumingon, at inaakusahang mga kasapi o tagasuporta ng NPA ang mga tao dahil lamang nanindigan sila para sa kanilang karapatan.
Dagdag pa, malaking katangahan ang kanyang ideya na ipauubaya niya sa mga sundalo ang kampanya ng pagbakuna. Ayaw niyang matuto sa karanasan ng palpak na tugon ng kanyang gubyerno sa pandemya na pinangasiwaan ng walang kakayahan at walang alam na mga upisyal ng militar na itinalaga sa IATF. Nais ni Duterte na ipailalim lahat sa militar at pulis dahil ang tingin niya sa pandemya ay isyu ng pambansang seguridad at kaligtasang pampulitika ng kanyang rehimen.
Sino ba ang maniniwala sa pagyayabang ni Duterte na magbibigay ng libreng pagbakuna matapos ang ilang buwan nang palpak na distribusyon ng subsidyo, na kanya ding ipinaubaya a militar?
Wala pa nga siyang mga bakuna at 20 milyon lamang ang pinangakong bibilhing bakuna. Gumagawa lang siya ng malaking palabas ng pagbili ng bakuna mula sa China, na para bang dapat siyang pasalamatan ng mga tao. Katuanayan, lalo’t walang bidding at accounting, hindi malayong malaki na naman ang kanyang ibubulsa sa aregluhan nila ni Xi Jinping na itatago sa China.