Bakuna ng China para sa pautang at impluwensya
Liban sa kita, habol ng China ang makapagpalawak ng impluwensya at magkamal ng pabor mula sa mga bansang nangangailangang bumili ng bakuna. Sa pagkukumahog nitong mauna sa merkado, inaprubahan nito ang paggamit ng kanilang militar sa isa sa pinauunlad nitong bakuna, ang Ad5-nCoV ng Sinopharm, noong Hunyo 25 kahit hindi pa ito pumapasok sa ikatlong yugto ng pagsubok. Pinagagamit na ang di subok na bakunang ito sa nagbabalik-trabahong mga manggagawa sa Beijing at sa mga manggagawang palabas ng bansa matapos na muling tumaas ang bilang ng mga nahawa sa mga syudad nito.
Isa pang kumpanyang Chinese ang nagmamadali sa testing ng inieksperimentong bakuna para makahabol sa Oxford. Naghahanda na ang kumpanyang Sinovac na isagawa ang pangatlong yugto ng clinical trial sa Brazil kung saan tinetest din ng Oxford ang sarili nitong bakuna. Kapalit nito, tiniyak na ng China na magsusuplay ito ng 100 milyong dosis ng bakuna sa Brazil.
Liban sa Brazil, iilan pa lamang ang mga bansang interesado sa mga bakuna ng China (UAE, Mexico, Canada at Malaysia) dahil may kani-kanya nang eksperimento ang malalaking bansa. Para makopo ang merkado sa Latin America at Carribean, nag-alok ang China ng pautang na $1 bilyon sa mga bansa rito para diumano magkaroon ng “akses” sa pinauunlad nitong bakuna. Sa madaling salita, magpapautang ang China para bilhin ang sarili nitong mga bakuna. Paspasan nang itinayo ng China ang dalawang plantang gagamitin sa pagpoprodyus ng mga ito.
Pinalalabas ni Duterte na isang napakalaking pabor na “uunahin” ng China na bentahan ang Pilipinas ng bakuna. Ilang beses siyang nagpasalamat, at nangako pang muling mangutang o magbenta ng mga pampublikong lupa at ari-arian.
Handa siyang isaisantabi ang mga regulasyon ng mga ahensyang nagtitiyak ng kalidad ng mga gamot. Handa rin siyang balewalain ang mga hakbang na nagtitiyak na bukas sa publiko ang proseso tulad ng public bidding sa kontrata sa pagbili ng bakuna para paboran ang mga kasosyo niyang kumpanyang Chinese. Sa huling pahayag mismo ni Duterte, sinabi niyang magkakahalaga ng $10/dosis (P500) ang bakuna mula sa China, mahigit doble sa panimulang presyo ng bakuna ng Oxford/AstraZeneca na $3-$4/dosis.