Fidel V. Agcaoili, 75
Bumuhos ang mga parangal at pag-alaala kay Fidel V. Agcaoili matapos inianunsyo ng National Democratic Front of the Philippines ang kanyang pagpanaw noong Hulyo 23. Si Ka Fidel ay Tagapangulo ng Negotiating Panel ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa usapang pangkapayapaan nito sa Gubyerno ng Pilipinas mula 2016. Pumanaw si Ka Fidel, alas-12 ng tanghali sa Utrecht, The Netherlands. Krinemeyt (ginawang abo) ang kanyang labi noong Hulyo 31 matapos ang isang programang dinaluhan ng pinakamalalapit niyang kaibigan at kasama. Hindi nakadalo ang kanyang pamilya, at marami pang mga kaibigan, kakilala at kasama, dulot ng mga restriksyon sa byahe dala ng pandemya.
“Napakabilis ng mga pangyayari,” paglalahad ni Ka Coni Ledesma kaugnay sa pagkamatay ni Ka Fidel. “Isang minuto dumudugo lang ang ilong niya, maya-maya, nawalan na siya ng malay.” Hindi na siya umabot sa ospital. Ayon sa mga duktor, namatay siya sa pulmonary arterial rupture (pagputok ang daluyan ng dugo mula sa baga tungong puso) na nagdulot ng internal na pagdurugo. Kinlaro ng NDFP na walang kinalaman sa Covid-19 ang kanyang pagkamatay.
Hirap makapaniwala ang mga kasama at kaibigan sa pagpanaw ni Ka Fidel. Ayon sa kay Nwel Saturay, isang kaibigang litratista, isa si Ka Fidel sa mga taong “punung-puno ng buhay, at hindi mo iisiping mangangailangan ng isang litratong pamparangal, at kung sakali man, sa matagal na matagal pang panahon.” Kilala siya bilang masayahin, palabiro at madaling biruin, madaling makapagpalagayan ng loob pareho ng mga bata at matatanda. Dahil dito ay nakilala siya bilang “Pidolps” noong bata-bata pa siya at dahil na rin sa pagkahawig niya sa komedyanteng si Dolphy.
“Terible, bok!” ang madalas na marinig sa kanya, laluna kung nagbibiro, ayon kay Atty. Edre Olalia, abugado ng panel ng NDFP. May mga pagkakataong inisin at umiinit din ang ulo niya, ayon sa abugado, pero lagi siyang mapagkumbaba.
Sa isang interbyu kay Ka Fidel, kinilala niyang lahat ng tao ay namamatay. Aniya, kinikilala maging ng ilang burges na pilosopo na “ang kahulugan ng buhay ay nasa pagtulong sa iba, para magkaroon ng pagbabago, para mailuwal ang isang pandaigdigang lipunang makatarungan at pantay-pantay.” Sa parehong panayam, sinabi niyang tama ang tinahak niyang landas at kung mabibigyan ng isa pang pagkakataon ay ito pa rin ang kanyang pipiliin. “Hindi ako nagsisisi,” aniya. “Mananatili ako sa kilusan hanggang sa ako’y mamatay.”
Hindi alintana ni Ka Fidel ang sakripisyo. Siya ang pinakamatagal na ikinulong na detenido (11 taon) sa panahon ng diktadurang Marcos. Sa pag-alaala ng mag-asawang Lou at Raffy Baylosis, “datnan at panawan si Ka Fidel ng mga detinido” pero nakangiti pa rin siya at nananatiling matatag habang kumakaway sa mga unang nakakalaya. Sa nagdaang mga dekada, malayo si Ka Fidel sa kanyang pamilya. Ito ay para makaiwas sa mga banta sa kanyang buhay ng paksyong Enrile-Honasan-RAM paksyon noong panahon ng rehimeng Cory Aquino.
Nitong huling mga taon, nagkaroon siya ng oportunidad na makasalamuha ang mga Pulang mandirigma at rebolusyonaryong mamamayan sa mga larangang gerilya. Naging panauhing pandangal siya sa selebrasyon ng ika-46 anibersaryo ng Partido sa Agusan del Sur kung saan nakasama niya si Ka Oris. Personal siyang hinintay ni Ka Oris bago magbukas ang Ika-2 Kongreso ng Partido noong 2018 pero dahil sa kahirapan sa seguridad at ibang gawain, hindi siya pisikal na nakadalo. Gulat at lungkot ang naramdaman ng mga kasamang nakasalamuha niya sa kanayunan nang mabalitaan ang kanyang biglaang pagpanaw.
Pinakamataas na pagpupuri ang ibinigay sa kanya ni Jose Maria Sison, pinunong tagapagtatag ng PKP, at isa sa pinakamalapit niyang kaibigan at kasama. Ayon kay Ka Joma, marapat lamang na bigyang pugay si Ka Fidel bilang bantog na makabayan at isang kapita-pitagang komunista, kahit base lamang sa kung ano ang alam ng publiko sa kanya.
Ginawaran si Ka Fidel ng pinakamataaas na pagpupugay ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP). (Basahin ang espesyal na isyu ng Ang Bayan, Hulyo 29.) Una siyang naging myembro ng Komite Sentral ng Partido noong 1970. Nagbigay-pugay din ang BHB ng Pulang saludo sa pahayag na inilabas ni Ka Oris.
Nagpaabot ng pakikiramay ang mga mamamahayag at iba pang myembro ng midya na nakasalamuha niya, mga organisasyong masa sa loob at labas ng bansa, mga partido komunista, at ang gubyerno ng Norway na namamagitan sa usapang pangkapayapaan.
Sa darating na Agosto 8, magiging 76 anyos na sana siya. Kaugnay nito, idineklara ng Komite Sentral ng PKP ang Agosto 8 bilang Araw ng Pag-alala at Parangal para kay Ka Fidel. Inatasan ang mga Pulang mandirigma na itanghal ang kanilang mga sandata sa bukang-liwayway bilang parangal ng Bagong Hukbong Bayan kay Ka Fidel.