Mga opensiba ng BHB laban sa mapanirang pagmimina
Magkakasunod na aksyong militar ang inilunsad ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) para pigilan ang mapandambong na operasyon sa pagmimina sa Western Samar at South Cotabato mula Hunyo hanggang Hulyo.
Western Samar. Target ng mga opensiba ng BHB ang mga tropa ng 8th ID na nagsasagawa ng operasyong panseguridad para bigyang daan ang Samar Bauxite Project ng kumpanyang Marcventures Holdings, Inc. Tinatayang sasaklawin ng mapandambong na operasyong minang ito ang 12,231 ektarya ng lupa sa prubinsya na mayaman sa bauxite. Ang Marcventures ay pag-aari ng pamilyang Alcantara ng Davao.
Noong Hulyo 1, isang sundalo ang napatay sa operasyong isnayp ng BHB sa Barangay Beri Motiong. Pagkatapos ng insidente, umatras ang yunit militar sa erya kasama ng iba pang mga sundalong nagkampo sa limang kalapit na baryo sa takot na muling mabigwasan.
Noong Hulyo 7, dalawang sundalo ulit ang napatay sa operasyon isnayp ng BHB sa Barangay San Nicolas, San Jose de Buan. Bilang ganti, magkakasunod na paglabag sa karapatang-tao ang isinagawa ng militar militar sa sumunod na linggo. (Basahin ang kaugnay na artikulo sa pahina 7.)
South Cotabato. Pinaralisa ng BHB noong Hunyo 15 ang mga kagamitan ng kumpanyang Gemma Construction Company, lokal na kontraktor ng mga susing proyektong imprastruktura ng rehimeng Duterte sa Far South Mindanao Region. Naganap ang insidente sa Purok Pag-asa, Barangay Veterans, Surallah. Tinatayang nagkakahalagang P23 milyon ang mga kagamitang sinunog, kabilang ang mga backhoe, payloader at dump truck.
Ang kumpanya ay responsable sa pagtatayo ng mga kalsada sa naturang lugar na direktang nagsisilbi sa Tampakan Copper-Gold Project, isang operasyon sa pagmimina na malawakang nagpapalayas sa mga katutubong Lumad at sumisira sa kanilang lupang ninuno. Pakikinabangan din ito ng mga kumpanya sa agribisnes na agresibong nagpapalawak ng kani-kanilang operasyon sa lugar.
Ang naturang kumpanya ay pagmamay-ari ng negosyanteng si Lora Uy. Nagmamay-ari din ang pamilyang Uy ng daan-daang ektaryang plantasyon ng saging sa T’boli, South Cotabato at notoryus sa pagpapalayas ng mga katutubo sa kanilang mga lupain.
Sa kaugnay na balita, inanunsyo ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Sec. Roy Cimatu noong Hulyo 22 ang muling pagbubukas sa operasyon sa pagmimina ng mga kumpanyang ipinasara at sinuspinde noon ng dating kalihim ng kagawaran na si Gina Lopez. Hindi pinangalanan ni Cimatu ang mga kumpanya. Matatandaang 26 na kumpanya ang ipinasara ni Gina Lopez noong 2016 dahil sa pagdambong ng mga ito sa kalikasan.
Samantala, tatlong sundalo naman ang napatay sa tatlong magkakasunod na engkwentro sa Barangay Baluan, Palimbang, Sultan Kudarat noong Hulyo 26. Isang Pulang mandirigma naman ang namartir.
Isang tropa din 72nd DRC ang napatay habang tatlo ang nasugatan nang pasabugan sila ng BHB sa Barangay Dili, Sta. Cruz, Ilocos Sur, noong Hulyo 31.