Trump, nagdeploy ng paramiltar para supilin ang mga rali sa Portland
NAGING SENTRO NG balita ang Portland, isang syudad sa Oregon, US matapos magpadala ng mga ahenteng pederal si Donald Trump noong Hulyo 4 para supilin ang mga protestang masa sa lugar. Galit at alarma ang naramdaman ng mamamayan sa syudad nang magsimulang mandukot at arbitraryong mang-aresto ang mga nakasibilyang pwersang ito ng mga raliyista. Gumamit ang mga paramilitar ng tear gas, rubber bullets, pepper spray at mga flash grenade para buwagin ang gabi-gabing demonstrasyon sa harap ng isang gusaling pederal.
Ang mga ahenteng pederal ay pwersang paramilitar na direktang nakapailalim sa awtoridad ng Department of Homeland Defense. Kaiba sila sa mga pulis na kontrolado ng mga estado o bayan sa US. Halos dalawang buwan nang nagpoprotesta ang mamamayan dito kaisa ng kilusang Black Lives Matter.
Kinundena mismo ng meyor ng Portland City at gubernador ng Oregon ang pagpadala ni Trump ng mga ahenteng pederal sa syudad at ang paggamit ng militaristang taktika para supilin ang mga raliyista. Mas malalaking protesta ang iniluwal ng kanilang karahasan at presensya. Noong Hulyo 23, tumanggi ang lokal na gubyerno rito na makipagtulungan sa mga ahenteng paramilitar at nanawagang paalisin sila sa syudad.