Manggagawang pangkalusugan, pinaslang sa Bacolod
Binaril at napatay ng mga elemento ng estado sa isang mataong lugar ang manggagawang pangkalusugan na si Zara Alvarez, 39, sa Eroreco Subdivision, Barangay Mandalagan, Bacolod City noong Agosto 17.
Aktibong kasapi si Alvarez ng Negros Island Integrated Health Program, isang organisasyong nagbibigay ng serbisyo at pagsasanay medikal sa mga maralitang komunidad sa isla. Isa siyang kilalang tagapagtanggol ng karapatang-tao hindi lamang sa Negros kundi sa internasyunal na komunidad. Sa nakaraang dalawang dekada, pinagsilbihan niya ang mga magsasaka at manggagawang-bukid dito. Naging bahagi siya ng progresibong programa ng simbahang Katolika.
Kabilang sa mga kumundena sa ekstrahudisyal na pagpaslang ang upisina ng United Nations Special Rapporteur on the Situation of Human Rights Defenders, Amnesty International at Samiduon.
Isa si Alvarez sa tinangka ng rehimen na ipadeklarang terorista. Hindi ito nagtagumpay pero paulit-ulit pa rin siyang malisyosong iniugnay sa armadong kilusan. Bago nito, iligal siyang hinuli at ikinulong sa ilalim ng rehimeng Aquino III mula 2012 hanggang 2014 sa gawa-gawa kasong pagpaslang at pagnanakaw. Si Alvarez ang ika-13 tagapagtanggol sa karapatang-tao na pinaslang sa ilalim ng rehimeng Duterte.