Pagbebenta ng armas ng US, di apektado ng pandemya

,

Walang epekto ang pandemya sa pagbebenta ng US ng mga armas at gamit militar. Mula Enero hanggang Hulyo, inaprubahan nito ang 43 kontrata na halos 70% na kumpara sa benta sa buong taon ng 2019. Labinglima ang inaprubahan sa Hulyo, kabilang ang kontrata sa Pilipinas para sa iba’t ibang sasakyang pandagat, mga masinggan, bomba at bala. Mula Marso 30 hanggang Mayo 28, tinatayang nasa $7.5 bilyon ang halaga ng inaprubahan nitong mga kontrata sa ibebentang mga armas.

Noong nakaraang taon, halos $70 bilyon ang kinita ng US sa pagbebenta ng mga armas, eroplano at iba pang kagamitang militar sa 28 bansa. Kabilang sa mga bumili ang Saudi Arabia na may masasahol na krimen laban sa sangkatauhan kaugunay sa pang-aatake nito sa Yemen. Sa Asia, pinakamarami ang benta ng US sa India, Taiwan at mga bansang kaagaw ng China sa South China Sea.

Para palawakin ang pagmamanupaktura at merkado ng mga armas, sunud-sunod na tinalikuran ni Pres. Donald Trump ang mga kasunduan at tratadong naglilimita sa paggamit ng mapangwasak na armas at gamit pandigma. Una na niyang ipinawalambisa ang Intermediate-range Nuclear Forces Treaty, na responsable sa pagwasak ng malaking bilang ng armas nukleyar sa mundo. Kasabay nito, inianunsyo ni Trump ang paglalaan ng $46 bilyon para sa pagpapalakas ng arsenal na nukleyar ng US sa 2021. Ang iba pang kasunduang ipinawalambisa at nakatakdang ipawalambisa ni Trump ang Open Skies Treaty, Outer Skies Treaty, New START Treaty at Missile Technology Control Regime—mga kasunduang naglilimita sa pagmamanupaktura, pagtitipon at pagsusubok ng mga armas na nukleyar at iba pang mga sandata ng maramihang paglipol.

Kasabay nito, kinansela rin ni Trump noong Enero ang patakaran na nagbabawal na magmanupaktura, mag-ipon at gumamit ng anti-personnel landmines na sumasabog kapag nagalaw ng biktima (victim-activated) labas sa peninsula ng South Korea. Labag ito sa Mine Ban Treaty na pinirmahan ng 164 bansa sa Ottawa, Canada noong 1997.

Pagbebenta ng armas ng US, di apektado ng pandemya