Papalaking utang sa ngalan ng pandemya
Inianunsyo ng rehimeng Duterte noong Agosto 6 ang plano nitong mangutang ng karagdagang ₱3 trilyon sa susunod na taon. Gagamitin ng rehimen ang mga pautang para tapalan ang pamalagiang depisito sa badyet ng bansa. Gaya sa nagdaang mga taon, lubhang kulang ang pondo para sa mga plano nitong gastusin at nakatakdang bayarang utang.
Ang uutangin ay katumbas ng 67% ng pinaplanong ₱4.5-trilyong pambansang badyet para sa 2021. Ibig sabihin, sa bawat sampung pisong gagastusin ng reaksyunaryong gubyerno, halos pitong piso ay magmumula sa utang. Ang planong gastusin sa susunod na taon ay mas mataas nang 10% sa ₱4.1-trilyong pambansang badyet ngayong taon.
Aminado maging ang mga upisyal sa ekonomya ng rehimen na higit pang lolobo ang depisito sa badyet sa darating na mga taon lalupa’t inaasahan ang pagbaba ng makukulekta nitong buwis dulot ng nagpapatuloy na mga lockdown sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Anila, tinatayang papalo sa ₱1.82 trilyon ang depisito sa buong 2020. Ito na ang magiging pinakamataas sa kasaysayan.
Ayon sa estadistika ng rehimen, ₱560.4 bilyon na ang depisito nito sa badyet ngayong unang hati ng taon. Mas mataas ito nang mahigit 13 beses sa naitala sa parehong panahon noong nakaraang taon. Ang pagsirit ng depisito ay pangunahing resulta ng pagbagsak ng nakulektang buwis dulot ng malawakang lockdown na nagpatigil sa produksyon at iba pang ekonomikong mga aktibidad. Dagdag pa rito ang malalaking insentiba sa pagbubuwis na ibinigay ng rehimen sa mga korporasyon sa panahon ng pandemya. (Basahin ang kaugnay na artikulo sa Ang Bayan, Hunyo 7.)
Kasabay ng pagbulusok ng kitang buwis, ₱2.29 trilyon na lang ang kukulektahin ng rehimen ngayong taon, mas mababa nang 28% na una nitong tinarget. Noong Hulyo, wala pa sa 32% nito ang nakulekta.
Sa laki ng kakulangan sa pondo, ₱1.7 trilyon na ang kabi-kabilang inutang ng rehimen sa tabing ng “muling pagpapasikad sa ekonomya.” Higit doble ito kumpara sa nakaraang taon.
Saan galing ang pautang?
Ayon sa gubyerno, 75% ng uutangin ay sa anyo ng mga bono o papeles sa pangungutang, at 25% naman ay magmumula sa mga imperyalistang bangko at institusyong pampinansya.
Sa nakalipas na anim na buwan, nakapagtala ang rehimen ng ₱1.3-trilyong panloob na utang sa porma ng mga bono, at ₱226-bilyong panlabas na utang.
Para magpakitang-gilas sa mga dayuhang bangko, paulit-ulit na nagmayabang si Finance Sec. Carlos Dominguez na hindi kailanman titigil sa pagbabayad ng utang ang Pilipinas kahit pa sa harap ng pandemya. Sa unang hati ng taon, ₱547.3 bilyon na ang binayarang utang ng rehimen habang nagugutom at walang trabaho ang mamamayan. Mahigit 34% nito ay bayad sa interes.
Para mapanatili ang mataas na grado sa pangungutang at makahikayat ng bibili sa mga bono nito, lagi’t laging nagkukumahog ang reaksyunaryong estado na magbayad ng utang at magpatupad sa mga neoliberal na rekomendasyon na ipinapataw ng mga nagpapautang. Ang gradong ito ay ibinibigay ng mga imperyalistang “credit rating agency” sa pangunguna ng tinaguriang Big Three na kinabibilangan ng S&P Global Ratings (S&P), Moody’s at Fitch Group na pawang nakabase sa US at tinatauhan ng mga teknokrata ng World Bank.