Supertubo sa bakuna
Pangalawang bahagi ng tatlong-parteng serye kaugnay sa bakuna sa Covid-19 at industriya ng paggagawa ng gamot. Basahin ang unang bahagi, “Bakuna sa Covid-19 at ang ganid na Big Pharma“.
Lagpas sa karaniwang tubo, kumakamal ang mga monopolyo kapitalistang kumpanyang Big Pharma ng supertubo mula sa pagtatakda ng presyo ng mga gamot na lagpas-lagpas sa gastos nito sa produksyon. Pinakanakasusuklam ang kapitalistang pagkaganid sa tubo ng mga ito kapag labis nilang itinataas ang presyo sa mga panahong limitado ang suplay at mataas ang demand (tinatawag na price-gouging). Pinakamalala ito sa kaso ng mga gamot at bakunang pansalba ng buhay.
Inianunsyo ng Pfizer noong Marso na hindi bababa sa $40 (₱2,000) ang dalawang-dosis na bakunang kontra Covid-19 na ibebenta nito sa US. Hanggang $37 (₱1,850) naman ang ipepresyo ng Moderna para sa kada dosis ng bakuna. Tinatayang kikita ang Moderna nang hanggang $20 bilyon sa benta nito sa US pa lamang.
Napalalaki rin ang kanilang nakakamal na tubo sa pamamagitan ng pagpapababa sa gastos sa produksyon. Malaking bahagi nito ay ang paggamit sa pondong pampubliko sa ginagawa nilang pananaliksik. Samakatwid, ang pera ng mga mamamayan ay inilalaan para pagtubuan ng malalaking kapitalista.
Noong Marso, naglaan ang gubyerno ng US ng $10 bilyon sa mga kumpanya ng gamot nang walang anumang kundisyon kung paano at gaano kabilis dapat imanupaktura ang bakuna, at kung magkano ang dapat na maging presyo nito. Kabilang sa mga nabiyayaan ang Moderna na binigyan ng $483 milyon noong Abril at ang Johnson & Johnson na tumanggap ng kalahating bilyong dolyar para gumawa ng bakuna at iba pang gamot sa Covid-19. Noong Hunyo, dagdag na pondo ang ibinigay ng rehimeng Trump sa Big Pharma sa anyo ng mga kaltas sa buwis, suportang teknikal at iba pang insentiba sa tinaguriang Operation Warp Speed. Isang dating upisyal ng GlaxoSmithKline at Moderna ang namumuno sa programang ito.
Sadyang hindi rekisito na gawing abot-kaya ng Big Pharma ang presyo ng bakuna kahit pa pinopondohan ng buwis ng mamamayang Amerikano ang mga pananaliksik. Ito ay para tiyakin ang kanilang dambuhalang kita dahil tumatanggi ang mga ito na magmanupaktura ng isang gamot kung hindi ito mapagkakakitaan ng husto. Sa UK, balak ibenta ng AstraZeneca ang inieksperimentong bakuna ng Oxford sa halagang $3-$4 (₱150-₱200) lamang sa the Netherlands, Germany, France at Italy. Pampublikong pondo rin ang ginagamit ng Oxford University, isang pampublikong paaralan, para sa pananaliksik.
Ngayon pa lamang, pinagkakakitaan na ng husto ng dambuhalang mga kumpanya sa gamot ang pandemya. Noong Marso, nanawagan ang grupong Doctors Without Borders sa mga ito na tumigil sa pagsamantala sa pandemya at gawing abot-kaya ang kanilang mga gamot.
Kinastigo ng grupo ang Gilead Sciences na nagtangkang monopolisahin ang produksyon at pagpepresyo ng remdesivir, isa sa mga gamot na may bisa sa mga kritikal na pasyenteng may Covid-19. Pumalpak ang gamot laban sa hepatitis at sipon, pero napaunlad ito kamakailan laban sa Covid-19 ng mga syentista ng University of Alabama. Pampublikong pondo ang ginamit para sa mabilis na pag-aaral nito. Dahil hawak ng Gilead Sciences ang patente, o karapatan sa pormula, hindi pwedeng imanupaktura ang gamot nang hindi nagbabayad sa kumpanya.
Ibinebenta ito ngayon ng Gilead sa halagang $3,120 (₱156,000) o $520 (₱26,000) kada dosis para sa paggagamot ng mga kritikal na pasyenteng may Covid-19. Sa mga atrasadong bansa na pinayagan ng Gilead na magmanupaktura ng generic na bersyon, umaabot pa rin sa $600 (₱30,000) o $100 (₱5,000) ang presyo nito kada dosis. Sa isang pag-aaral, tumaas na nang 22% ang kita ng Gilead sa panahon ng pandemya.
Kinastigo rin ng grupo ng mga duktor ang Cepeid, isang kumpanyang gumagawa ng mga test kit, sa sobrang pagpepresyo nito sa pinaunlad nitong rapid test kit (Xpert Xpress SARS-CoV-2) sa halagang $19.80/test (₱990). Kung tutuusin, $3 (₱150) lamang kada test ang gastos sa produksyon, kabilang ang pagmanupaktura. Tulad ng Gilead, napaunlad ng Cepeid ang kit gamit ang $3.7 milyong pampublikong pondo ng US.
Ginagamit ang test kit na ito sa makinang GeneXpert na nagpoproseso ng specimen mula sa ilong at lalamunan ng isang indibidwal. Karaniwang nailalabas ang resulta ng test sa loob ng 45 minuto. Isa ang Pilipinas sa 145 bansang bumibili sa mga kit na ito. Mayroong 28 laboratoryo sa bansa na nakaasa sa makinang GeneXpert.
Ayon sa grupo ng mga duktor, ang teknolohiyang ginagamit sa test na ito ay katulad sa ginagamit ng kumpanya sa mga test nito para sa tuberkulosis.