Kritika sa mga atakeng Trotskyista laban sa PKP at sa rebolusyong Pilipino
Kritika sa mga atakeng Trotskyista laban sa PKP at sa rebolusyong Pilipino
Panayam
kay Jose Maria Sison
Tagapangulong Tagapagtatag
Partido Komunista ng Pilipinas
1. Alam na ng marami na mula pa 2017 ay inaatake na ni Joseph Scalice ang mga akda at pagkatao mo gamit ang marahas na wikang antikomunista at anti-Stalin. Bakit nitong nakaraan mo lang siya pinuna? Kung dati mo na siyang napapansin, ano ang naging pagtingin mo sa kanya?
JMS: Nabaling kamakailan ang atensyon ko kay Joseph Scalice matapos magreklamo si Max Santiago, isang kaibigang artistang Pilipino, na ninakaw ni Scalice ang kanyang likhang sining para malisyosong gamitin. Naroon ang mga larawan namin ni Duterte na nanghihikayat ng negosasyong pangkapayapaan noong 2016. Ginamit ni Scalice ang obrang ito para ibato ang sumusunod na kasinungalingan: na ang usapang pangkapayapaan daw ay pagtataksil sa mamamayan at dalawang taon na sinuportahan ko at ng PKP si Duterte mula nang maluklok na pangulo noong 2016.
Dati ko nang alam ang sagadsaring antikomunista at anti-Stalin mga sulatin ni Scalice. Hindi ko siya pinapansin dahil ayon sa mga kasama at kaibigang Amerikano, lantad na lantad na siyang Trotskyista at bayarang ahente ng Central Intelligence Agency, at binabayaran para tuunan ang PKP at ang aking mga sulatin at pagkakitaan ang mga pag-atake at pambabaluktot sa mga ito.
Sabi nila sa akin, halatang mali, walang lohika at di kapani-paniwala ang pambabaluktot at kasinungalingan ni Scalice laban sa PKP at sa akin, kaya hindi ito epektibo at malinaw na para sa kontrarebolusyon. Kaya minabuti kong ilaan ang aking oras sa mas mahahalagang tungkulin kaysa sayangin sa pagsusulat para sagutin si Scalice.
2. Paano mo sasagutin ang sabi niya na isang anyo ng pagtataksil sa bayan ang pagpasok sa usapang pangkapayapaan sa rehimeng Duterte? At ang sinasabi niyang sinuportahan ng PKP ang “gera sa droga” ni Duterte at ang mga ekstrahudisyal na pagpatay?
Trotskyista lang ang magsasabing ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng dalawang panig sa digmaan ay pagsuporta kay Duterte at pagtataksil sa bayan. Hayagang kasinungalingan rin na sinuportahan ng PKP ang rehimeng Duterte at kanyang ekstrahudisyal na mga pagpatay sa mahihirap sa loob ng dalawang taon. Kung tutuusin, Agosto 2016 pa lang ay tapos na ang usapang pangkapayapaan dahil 19 na bilanggong pulitikal lamang ang pinalaya ni Duterte at binawi niya ang kanyang pangakong amnestiya at pagpapalaya sa lahat ng bilanggong pulitikal.
Hulyo 2016 pa lang, kinundena na ng PKP at BHB ang “gera sa droga” ni Duterte nang malinaw na malinaw na ang mahihirap ang target ng pamamaslang at ang layunin ay sindakin ang malawak na masa ng mamamayan. Hiwalay na tumugon at kinundena ng mga organisasyon sa karapatang-tao at ligal na demokratikong mga pwersa ang “kill, kill, kill” ni Duterte. Naging malinaw din na ang pekeng gera sa droga ni Duterte ay para lalong magpayaman ang kriminal na sindikato ni Duterte at iluklok siyang punong drug lord.
3. Bakit nagkaisa ngayon ang iba’t ibang grupong Trotskyista at sikretong-Trotskyista, kabilang iyong nag-aaway-away, sa pag-akusa sa PKP na tumulong itong maging presidente si Duterte at magsagawa ang lahat ng malulubha niyang krimen? Bakit inaatake ng mga Trotskyista ang PKP at lahat ng patriyotiko at demokratikong pwersa sa panahong pinaiigting nila ang pakikibaka laban sa tiraniyang Duterte at nagbubuo ng malapad na nagkakaisang prente laban dito?
JMS: Ang mga Trotskyista ay espesyal na mga ahente ng imperyalismong US. Iyan na ang papel nila mula nang talikuran ni Trotsky ang partidong Bolshevik at ang Soviet Union. Noon pa man ay espesyalista na sila sa pag-atake sa mga nagrerebolusyong partido komunista, higit sa kanilang pormalistiko at parang ritwal na pagtatakwil sa kapitalismo.
Hindi nakapagtatakang walang-habas ang pag-atake nila sa PKP at sa pambansa-demokratikong kilusan dahil tuso nilang sinusuportahan ang brutal ngunit walang-saysay na kampanya ng US at papet na rehimeng Duterte na wasakin ang PKP at ang rebolusyonaryong kilusan. Nagkakaisa ang mga Trotskyista, ang mga imperyalistang US at si Duterte sa pagkamuhi sa PKP at sa rebolusyonaryong kilusan ng sambayanang Pilipino.
4. Sa tingin ni Scalice, ang lumang Partido Komunista ng mga rebisyunistang maka-Lava at ang PKP na ginagabayan ng Marxismo-Leninismo-Maoismo ay natural na magtataksil sa mamamayan dahil pareho diumano silang Stalinista. Tama ba si Scalice na ikumpara ang pagsuporta ng partidong Lava sa diktadurang Marcos sa hayagang kasinungalingang tinulungan at sinuportahan ng PKP ang tiraniyang Duterte?
JMS: Ipinagyayabang ni Scalice na eksperto siya sa kasaysayan ng Pilipinas. Bulaan siya talaga. Ni hindi niya alam na rebisyunista at anti-Stalin na ang mga maka-Lava tulad ng mga Trotskyista nang suportahan ng partidong iyon ang pasistang diktadurang Marcos simula 1972 hanggang sa matapos ito noong 1986. Naipinakita ko na ang malaking kasinungalingan ni Scalice na dalawang taong tumulong at sumuporta ang PKP kay Duterte mula nang siyang magpresidente.
Alam ng lahat na hindi kailanman nagtapos ang digmang bayang pinamumunuan ng PKP, taliwas sa walang-kamatayang satsat ng mga Trotskyista. Pero gusto kong linawin na humahanga ang PKP kay Stalin dahil sa kanyang mga dakilang nagawa kabilang ang pagtatatag ng sosyalismo sa Soviet Union at paggapi sa pasismo. Ngunit kritikal ang PKP kay Stalin sa pagpalagay na naglaho na ang mga uri at tunggalian ng mga uri noong 1935 at sa mga pagkakamali sa pagresolba sa mga tunggalian sa loob ng lipunang sosyalista.
Sa kaso ni Trotsky, dapat lang na itiniwalag siya ng mga Bolshevik dahil sa kanyang kontra-rebolusyonaryong pusisyon. Maraming ulit na pinuna ni Lenin si Trotsky bilang pabaling-baling na suhetibista at oportunistang petiburges. Pinatawad nina Lenin at Stalin ang maraming malabong ideya at pabago-bagong tindig ni Trotsky. Pero sinagad ni Trotsky ang pagpaparaya at pasensya ng mga Bolshevik nang maging lansakang kontra-rebolusyonaryo at labanan nito ang sosyalistang rebolusyon at konstruksyon sa Soviet Union dahil sa hibang na ideyang kailangan muna ang permanente at tuluy-tuloy na pandaigdigang rebolusyon.
5. Sa Trotskyistang World Socialist Web Site, inuulit ng isang Peter Symonds ang sinasabi ni Scalice na pinagbantaan mo ang kanyang buhay dahil sa pagpuna mo sa kanya bilang “hibang na sagad-sa-butong anti-komunista at ahenteng saywar ng CIA na nagpapanggap na Trotskyistang akademiko?” At kaugnay nito, pinalaki pa niya ang usapin sa pagsasabing pinapatay ng PKP ang kumukontra sa linya nito, tulad ng umano’y ginawa ni Stalin.
JMS: Bakit ko pagbabantaan ang buhay ng isang may sakit na matagal kong hindi pinapansin? Hayaan na lang siyang lumublob sa sarili niyang laway. Pinigilan ng PKP ang walang batayang mga pagpatay ng mga kumandista at adbenturistang tipong-Trotsky matapos silang mabigo sa pakana nilang adelantadong regularisasyon ng buong hukbong bayan. Ang mga kamalian at krimen ng tipong-Trostky na mga tampalasang iyon ay itinakwil at pinuna ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto. Ito ay Kampanya ng edukasyong pang-ideolohiya at pampulitika.
6. Anong masasabi mo sa pahayag ni Scalice at ng ibang mga Trotskyista na ang PKP at mga “prenteng organisasyon” nito ay sumuporta sa pasistang si Duterte noong manalo siyang presidente noong 2016 at naglunsad ng mga rali bilang pagsuporta sa kanya? Makatarungan ba na bansagan ni Scalice ang mga patriyotiko at demokratikong pangmasang organisasyon na mga “prente” ng PKP?
JMS: Naglunsad noon ng mga rali ang BAYAN at iba pang patriyotiko at demokratikong organisasyon para ihayag at ilatag ang tinawag nilang People’s Agenda at mga repormang panlipunan, pang-ekonomya at pampulitika na nararapat talakayin sa usapang pangkapayapaan. Isinusulong nila noon ang kapayapaan alang-alang sa mamamayan. Malisyoso at sinungaling si Scalice sa pagsabing ang pagsusulong nila ng kapayapaan ay pagsuporta kay Duterte. Sa pagtawag sa mga ito na prenteng organisasyon ng PKP, lumilitaw na siya’y tagabansag na Pula, tagaturo sa komunista at anti-komunistang ahente. Pareho ni Scalice ang maingay pero walang utak na si General Parlade, kapwa sila mabungangang malisyoso.
7. Totoo bang nominado ng PKP sa gabinete ni Duterte si Rafael Mariano, chairman emeritus ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at Joel Maglungsod, pangalawang pangulo sa Mindanao ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na organisasyon ng mga unyon? At siya nga pala, hindi ba’t sangkot ang mga Trotskyite sa red-tagging para sa benepisyo ng mga death squad ni Duterte?
JMS: Walang sinuman na nominado ng CPP bilang kinatawan nito sa gabinete o subgabinete. Hayagan kong sinabi kay Duterte na maaari siyang maghirang ng kahit sino batay sa indibidwal na merito batay sa patriyotismo, kakayahan, katapatan, at pagiging masigasig pero hindi siya pwedeng maghirang ng sinuman bilang kinatawan ng PKP habang nagpapatuloy pa ang digmang bayan at usapang pangkapayapaan. Sa ganito, si Scalice ay kapwa sinungaling at di na mababagong anti-komunistang ahente ng imperyalismo at reaksyon. Katunayan, para na siyng impormer ng mga death squad ni Duterte.
8. Gaano katotoo ang sinasabi ng mga Trotskyista na ang PKP ay hindi tunay na partido komunista kundi simpleng makabayang organisasyon ng Stalinismo at ang pagtataguyod nito sa “dalawang-yugtong teorya” ay nakaturol sa pagsasantabi sa sosyalismo at para suportahan ng uring manggagawa at masang magsasaka ang “progresibong panig” ng burgesya?
JMS: Ang PKP ay isang proletaryong rebolusyonaryong partido na kapwa patriyotiko at proletaryong internasyunalista. Sang-ayon sa mga turo ni Lenin, inilulunsad ng PKP ang demokratikong rebolusyong bayan na may sosyalistang perspektiba at nasa ilalim ng pamumuno ng uring manggagawa laban sa imperyalismong US, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Sa batayang pagkumpleto sa demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng pag-agaw sa pampulitikang kapangyarihan, magsisimula ang yugto ng sosyalistang rebolusyon tulad sa Dakilang Sosyalistang Rebolusyong Okubre noong 1917 at sa sosyalistang rebolusyon sa China noong 1949.
Tunay na kalokohan at bangkarote ang Trotskyistang mga pananaw ng permanenteng rebolusyon na tutol sa paglulunsad sa paisa-isang bansa ng sosyalistang rebolusyon at konstruksyon at nagtatatwa sa pangangailangan ng dalawang-yugtong rebolusyon sa mga bansa tulad ng Pilipinas na hindi pa mauunlad, walang pundasyon sa kapitalistang industriya. Hindi rin nauunawaan ng mga Trotskyista ang pangangailangan sa patakaran ng pambansang nagkakaisang prente at sa taktika ng pagsandig pangunahin sa batayang alyansa ng mga manggagawa at magsasaka, pagkabig sa mga panggitnang pwersa at pagsamantala sa tunggalian ng mga reaksyunaryo.
Ang mga Trotskyista ay tusong tagasuporta ng mga imperyalista at malalaking kumprador laban sa lehitimo at mabuting hangarin ng panggitnang burgesya at lahat ng mamamayan para sa pambansang industriyalisasyon. Samakatuwid, hindi na lalaki pa ang mala-kultong mga pangkating Trotskyista at hindi magkakaroon ng makabuluhang bilang ng tagasunod. Tagagawa na lamang sila ng maling mga teorya at propaganda laban sa rebolusyon.
9. Anong masasabi mo sa iginigiit ni Scalice na ang klasikong akda mong “Lipunan at Rebolusyong Pilipino” (LRP) ay hindi isang Marxistang Akda kundi nasyunalistang tunguhin?
JMS: Wala sa katayuan ang isang Trotskyite para husgahan kung Marxista o hindi ang aking akda. Napaka-Marxista-Leninista ng LRP kaya pinagkakaabalahan ng mga Trotskyite na atakehin ito sa walang-saysay na tangkang isabotahe ang rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas.
Matagal nang kinilala ng mga tunay na komunista sa Pilipinas at ibayong dagat ang LRP bilang pagsusuri sa kasaysayan at kongkretong kalagayan ng mamamayang Pilipino at produkto ng paglalapat ng Marxista-Leninistang materyalistang-siyentipikong pananaw at dayalektikong materyalismo.
Walang-saysay na siraan ng mga Trotskyite at ibang kontrarebolusyonaryo ang librong ito dahil lumikha ito ng karagdagang mga akdang alinsunod sa proletaryong rebolusyonaryong linya at lalong mahalaga, patuloy nitong ginagabayan at hinihikayat ang mga Pilipinong rebolusyonaryo na magrebolusyon at magkamit ng malalaking tagumpay.
10. Gaano katotoo ang sabi ng mga Trotskyista na ang PKP ay wala nang nakukuhang respeto o suporta ng malapad na hanay ng masang manggagawa sa Pilipinas hindi tulad noong dekada 1970 at 1980 at na ito’y nagkapira-piraso na magkakaribal na partido na nakikipag-unahan sa pakikipag-alyansa sa isa o iba pang paksyon ng burgesya sa Pilipinas para sa mumong pribilehiyo at kapangyarihan?
JMS: Ang malalaking tagumpay ng PKP ay hindi mahahamak ng mga Trotskyista. Itinuturing pa rin ng kanilang mga among imperyalista at reaksyunaryong kasamahan sa Pilipinas ang PKP at ang rebolusyonaryong kilusan bilang pangunahing banta sa bulok na malakolonyal at malapyudal na naghaharing sistema, pagkatapos ng higit limang dekada ng tangkang pagdurog sa rebolusyon.
Ilampung libo ang kasapi ang PKP na malalim na nakaugat sa masang anakpawis at mataas ang sigla na magrebolusyon. Itinayo nito ang Bagong Hukbong Bayan na mayroong ilanlibong Pulang mandirigma, sinusuportahan ng milisyang bayan na mayroong ilampung libong kasapi at mga yunit pananggol-sa-sarili ng mga organisasyong masa na nasa ilandaang libo. Nakapagpaunlad ito ng mga organisasyong masa sa iba’t ibang uri at mga sektor na may kasapiang bumibilang ng milyon. Nakapagtayo ito ng iba’t ibang tipo ng mga alyansa sa ilalim ng National Democratic Front of the Philippines. Pinamunuan nito ang mga lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika na bumubuo sa Demokratikong Gubyernong Bayan.
Mayroong dalawang gubyernong umiiral sa Pilipinas: isa rito ang rebolusyonaryong gubyerno ng mga manggagawa at magsasaka at ang isa ay ang kontrarebolusyonaryong gubyerno ng mga malalaking kumprador, panginoong maylupa at burukrata. Matapos ang ilang dekadang bigong pagtatangka na isabotahe ang rebolusyon at tulungan ang kontrarebolusyon, ano na ang napagtagumpayan ng mga Trotskyista sa larangan ng ideolohiya, pulitika at organisasyon? Wala, kundi pana-panaho’y mang-inis gaya ng langaw.