FEATURE | Agosto 26, 1930: Siyam na dekada ng pakikibaka ng proletaryong Pilipino
Eksaktong 90 taon ang nakaraan ngayong araw, itinatag ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP-1930) sa pangunguna ng lider manggagawang Pilipino na si Crisanto Evangelista. Noong Nobyembre 7 ng taong iyon, inianunsyo sa publiko ang pagbubuo ng Partido sa isang malaking demonstrasyon ng pakikiisa sa pandaigdigang pagdiriwang sa Dakilang Sosyalistang Rebolusyong Oktubre sa Rusya. Ang pagtatatag ng PKP noong 1930 ay bahagi ng pagsulong ng mga rebolusyonaryong pakikibaka sa iba’t ibang panig ng daigdig.
Sa pangunguna ng Partido Komunista, kumilos sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ang musmos na uring manggagawang Pilipino na mulat sa kanilang maka-uring interes at mulat kung paano ito nakakawing sa hangarin ng buong sambayanang Pilipino para sa pambansang paglaya mula sa pagkasaklot ng imperyalismong US. Inihatid nito ang pambansa-demokratikong pakikibaka sa Pilipinas sa bagong kabanata ng pamumuno dito ng uring manggagawa.
Sa pamamagitan ng pagbubuo ng PKP, ang proletaryadong Pilipino ay umabante sa larangan ng ideolohiya, pulitika at organisasyon at kahandaan ng makauring pamumuno nito sa rebolusyong Pilipino.
Itinatag ang PKP-1930 sa panahong binabayo ng matinding krisis ang pandaigdigang sistemang kapitalista at kaliwa’t kanan ang rebolusyonaryong pagbabangon ng masang anakpawis at mga aping mamamayan sa buong mundo. Sa Pilipinas, pinangunahan ng PKP ang iba’t ibang mga unyon, asosasyon, alyansa at mga pederasyon ng mga manggagawa at magsasaka ang dambuhalang mga pagtitipon sa lansangan na sumisigaw ng Kalayaan! At Kamatayan sa Imperyalismo!
Malupit na sinupil ng reaksyunaryong gubyernong kolonyal ang bagong-sibol na Partido. Idineklara noong 1931 na iligal ang pagsapi dito. Lalo pang masahol na paniniil ang dinanas ng Partido sa pagsakop ng imperyalismong Japan sa Pilipinas noong 1942-46.
Pinangunahan ng Partido ang armadong rebolusyonaryong pakikibaka sa pagbubuo ng Hukbong Bayan Laban sa Hapon at paglulunsad ng pakikidigmang gerilya, tunay na reporma sa lupa at pagbubuo ng Pulang kapangyarihan sa malawak na kanayunan. Sa pamamagitan nito, lalong humigpit ang pagbubuo ng saligang alyansang manggagawa at magsasaka.
Bagaman puspusan sa pakikibaka at militante, nabigo ang lumang Partido Komunista ng Pilipinas na masugid na ilapat ang Marxismo-Leninismo sa pagsusuri sa partikularidad ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino at sa pangangailangang isulong ang matagalang digmang bayan bilang estratehiya ng pagsulong ng rebolusyon sa Pilipinas. Sa sumunod na mga dekada, dumanas ng mga pagkabigo ang lumang Partido dahil sa mga pagkakamali sa ideolohiya, pulitika at organisasyon.
Upang pangibabawan ang mabibigat na kamalian ng nakaraan, labanan ang modernong rebisyunismo at muling isulong ang rebolusyong Pilipino sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan, muling itinatag noong 1968 ang PKP sa gabay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo.