Kagutuman at krisis sa produksyon ng pagkain sa EV, lumalala
Dahil sa lumalalang krisis sa ekonomya, bilis ng pagkalat ng Covid-19 at mga restriksyon sa pagkilos bunsod ng malawakang militarisasyon, inaasahang titindi pa ang kagutuman at kawalan ng produktong pagkain sa Eastern Visayas.
Sa tala ng Larab, rebolusyonaryong publikasyon ng Eastern Visayas, 32% lamang ng kabuuang lupaing agrikultural sa rehiyon ang tinatamnan ng produktong pagkain katulad ng palay, halamang-ugat at gulayin. Malaking bahagi nito, 63% o 455,134 ektarya ang nakatuon sa pagtatanim ng produktong komersyal gaya ng niyog at abaka na mga produktong pang-eksport.
Mahigit isang dekada nang bagsak ang produksyon ng palay sa rehiyon. Taong 2008 pa huling nakapagprodyus ng isang milyong metriko toneladang palay ang Eastern Visayas at hindi pa ito muling nasundan. Bumagsak pa ito nang 11% noong 2019.
Sa pag-aaral ng mga istap ng Larab, hindi sasapat ang naipong palay ng isang pamilyang may 10 miyembro mula sa pagtatrabaho sa mga palayan at pagbebenta ng inaning palay upang makakain sa buong taon.
Kung kakain sila ng kanin ng dalawang beses kada araw, inaasahang 35% o 19 na sako ng 54 sakong naipong palay na lamang ang matitira. Obligado na muling magbenta ng palay ang pamilya o kundi ay isang beses kada araw na lamang kakain ng kanin sa susunod na siyam na buwan bago ang tag-ani.
Sa panahon na kulang ang bigas, bumabaling ang mga magsasaka sa pagkain ng kamote, kamoteng—kahoy at saging. Pero ang produksyon ng mga ito ay 19% (73,411 ektarya) lamang kung ikukumpara sa lupang tinatamnan ng niyog.
Gayundin, hindi sasapat ang itinakdang arawang sahod sa rehiyon na P236-P238 kada araw para tugunan ang kanilang pangangailangan. Sa pagkain pa lamang bawat araw, ang isang pamilyang may limang miyembro ay kailangang kumita ng P135 para makapag-kanin ng dalawang beses. Hindi pa kabilang dito ang ibang gastusin.
Wala ring maaasahan ang mga magsasaka sa pagbebenta ng kopra. Dumausdos ang presyo nito tungong P8 kada kilo matapos manalasa ng bagyong Ambo noong Mayo. Apektado ng bagyo ang produktong abaka na isang dekada nang hindi nakakabawi sa mga peste.