Mga yunit ng AFP, nagbarilan sa Davao de Oro
Hindi lamang sa Sulu nagaganap ang mga barilan sa pagitan ng mga armadong grupo ng reaksyunaryong estado. Madalas din itong nangyayari sa mga eryang kinikilusan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Maraming kaso na mismong mga tropa ng Armed Forces of Philippines ang nasasangkot sa mga misengkwentro.
Sa Southern Mindanao, iniulat ni Ka Rigoberto Sanchez, tagapagsalita ng BHB sa rehiyon, noong Agosto 29 ang magkakasunod na misengkwentro at walang patumanggang panganganyon ng militar na kumitil sa buhay ng sarili nitong mga tropa sa rehiyon sa nagdaang mga buwan.
Patay ang dalawang sundalo ng 66th IB habang sugatan ang apat na iba pa nang makaengkwentro ang kanilang mga katropa mula sa 71st IB sa Sitio Dasuran, Barangay Golden Valley, Maco, Davao de Oro noong Agosto 19. Sugatan din sa misengkwentro ang isang sundalo ng 71st IB. Kinanyon ng militar ang sarili nitong mga tropa sa naturang lugar isang oras matapos ang misengkwentro.
Noong Hulyo 3, mahusay na nakapagmaniobra ang yunit ng BHB sa Sityo Catandugan, Barangay Baganihan, Davao City nang palibutan sila ng mga elemento ng 3rd IB at 27th IB. Sa labis na pagkataranta, nabaril at napatay ng mga sundalo ang tatlo nilang kasamahan.
Noong Hunyo 25, dalawang sundalo rin ng 3rd IB ang napatay sa panganganyon ng militar sa Sityo Maro, Barangay Senuda, Kitaotao, Bukidnon. Wala pang isang oras matapos nito, binomba ng militar ang sarili nitong mga sundalo sa lugar. Noong Mayo 1, pinaputukan naman ng 3rd IB ang mga elemento ng CAFGU na nagpapatrulya malapit sa kanilang detatsment sa 3rd IB sa Sityo Bagong Silang sa parehong barangay.
Ayon kay Sanchez, hindi bababa sa sampung pambobomba ang isinagawa ng militar sa rehiyon kada buwan mula Marso hanggang Hulyo. Aniya, hindi lamang pera ng bayan ang winawaldas ng militar sa mga operasyong ito kundi maging ang buhay ng sarili nitong mga sundalo.