Di nakakamit na hustisya para sa mga desaparecido
Tuwing Agosto 30, ginugunita sa buong mundo ang Pandaigdigang Araw ng Mga Desaparecido para alalahanin at ipaglaban ang hustisya para sa libu-libong biktima ng sapilitang pagdukot sa mga sibilyan at sikretong pagkulong at pagpatay sa kanila ng mga reaksyunaryong estado.
Sa Pilipinas, kabilang sa mga biktima ito si Elena Tijamo, isang maggagawang pangkaunlaran sa Central Visayas na dinukot ng mga ahente ng rehimeng Duterte sa Bantayan, Cebu noong Hunyo 13.
Inalala rin ng kanilang mga kapamilya at tagasuporta ang mga Manobong magsasakang sina Maki Bail at David Mogul na kasapi ng Kesasabanay Dulangan Manobo na dinukot sa Barangay Margues, Esperanza, Sultan Kudarat. Gayundin si Imelda Hayahay, isang lider-magsasaka na sapilitang isinama ng mga sundalo mula sa kanyang bahay sa Mabini, Compostela Valley. Mula noon ay hindi na siya nakita ng kanyang pamilya.
Dalawang taon na ang nakalilipas mula nang huling namataan sina Lora Manipis at Jeruel Domingo. Dinukot sila ng mga ahente ng estado habang bumibyahe sa Kabacan, North Cotabato noong Pebrero 2018. Si Manipis ay konsultant ng National Democratic Front-Far Southern Mindanao at ang kanyang asawang si Domingo ay Pulang mandirigma na kumilos sa Sarangani at South Cotabato.
Ang mga nabanggit ay kasama sa 13 na dinukot at di na inilitaw ng kasalukuyang rehimen. Kalahati ng mga desaparecidos sa panahon ni Rodrigo Duterte ay mula sa mga magsasaka at mga Lumad. Pagkaupo sa pwesto noong 2016, dalawang magsasakang Lumad ang dinampot ng mga ahente ng estado at gwardya ng kumpanyang mina noong Nobyembre 2016.
Bahagi ng sapilitang pagdukot ang pagtanggi ng mga nasa poder na may kinalaman sila sa pagkawala ng biktima, sa layuning pagkaitan sila ng nararapat na mga proseso at karapatan. Ang paglabag na ito na isinagawa kasabay ng mas masaklaw na atake sa mga sibilyan at kanilang mga komunidad ay itinuturing na krimen laban sa sangkatauhan. Sa Pilipinas, mahaba ang listahan ng mga desaparecido ng reaksyunaryong estado, mula pa sa panahon ng diktadurang Marcos hanggang sa rehimen ni Rodrigo Duterte. Ayon sa listahan ng Desaparecidos at Karapatan, mayroon nang 1,890 desaparecido mula panahon ng diktadurang US-Marcos hanggang sa kasalukuyan.
Pinakaunang naitalang biktima ng sapilitang pagkawala si Charlie del Rosario, isang guro sa dating Philippine College of Commerce (ngayo’y Polytechnic University of the Philippines) at isa sa mga tagapagtatag ng Kabataang Makabayan. Huling nakita si del Rosario noong Marso 19, 1971. Kasama siya sa mga nagkakabit noon ng mga poster nang damputin siya ng mga ahente ng rehimeng Marcos.
Naitala ang halos 43% ng sapilitang pagkawala sa ilalim ng rehimeng Corazon Aquino, habang ipinupostura ang sarili bilang nagwakas sa diktadura ni Marcos. Namayagpag sa ilalim ng rehimen ang mga grupong vigilante tulad ng “Alsa Masa” na sinulsulan at itinayo ng Armed Forces of the Philippines. Ang mga grupong ito ang responsable sa sapilitang pagkawala ng mga aktibista at tagapagtanggol ng karapatang-tao.
Sa ilalim ng rehimeng US-Arroyo, naitala ang pinakamaraming bilang ng desaparecido na konsultant ng NDFP. Sa panahong tinapos ng rehimen ang usapang pangkapayapaan, 11 nang konsultant at kanilang mga kasama at kapamilya ang dinukot at di na inilitaw. Kabilang dito ang mag-amang Rogelio at Gabriel Calubad, ang mag-asawang Prudencio Calubid at Celina Palma, kanilang pamangkin na si Gloria Soco, at ang upisyal ng PKP na si Leo Velasco. Sa pamumuno ng berdugong heneral ni Arroyo na si Jovito Palparan, naganap din sa mga panahong ito ang sunud-sunod na pagdukot at pagkawala ng mga aktibista sa Central Luzon tulad ng mga estudyante ng University of the Philippines na sina Sherilyn Cadapan at Karen Empeño, at ang anak ng isang batikang mamamahayag na si Jonas Burgos.
Hanggang ngayon, lahat sila’y hinahanap ng kanilang mga kapamilya at pinagkakaitan ng hustisya.