Lider-lumad, pinaslang sa North Cotabato
Brutal na pinatay si Bae Imelda Ansabo, 50, ng pinaghihinalaang mga myembro ng paramilitar na Bagani at Black Fighters sa Barangay Mahongkog, Magpet, North Cotabato noong Agosto 23, alas-2 ng hapon.
Papunta sa kanyang sakahan si Ansabo kasama ang kanyang buntis na anak nang tambangan siya ng mga salarin. Matapos barilin sa likod ay pinagtataga ang biktima. Kilalang lider-Manobo si Ansabo na matatag na lumaban sa pandarambong at iligal na pagtotroso sa kanilang lupaing ninuno.
Noong Agosto 17, inaresto ng mga pulis at sundalo ng 72nd IB si Gloria Lanutan, 62, sa parehong bayan. Pinaratangan siyang may kaugnayan sa Bagong Hukbong Bayan at tinamnan ng ebidensyang pasabog bago sinampahan ng inimbentong kaso at ikinulong.
Laganap din sa isla ng Negros ang iligal na pag-aresto sa mga sibilyan dahil sa paratang na myembro ng BHB. Sa Negros Oriental, dalawang sibilyang residente ng Guihulngan City ang biktima ng 62nd IB noong Agosto 24. Sa Negros Occidental, apat na magsasaka ang pinaratangan ng 94th IB na kasapi ng BHB matapos paputukan ang kanilang mga bahay at pagnakawan noong Agosto 26 sa Barangay Carabalan, Himamaylan City.
Militarisado naman ang Mountain Province. Limang barangay sa Sagada, dalawa sa Bauko, at tatlo sa Bontoc ang okupado ng mga sundalo ng 54th IB mula Oktubre 2019. Nagtayo rin ng kampo sa hangganan ng Sagada at Besao. Tuluy-tuloy din ang mga operasyong kombat sa mga lugar na nabanggit.