Lokal na industriya sa parmasyutika, dominado ng dayuhang mga kumpanya

,

Inilantad ng pandemyang Covid-19 ang kawalang-kakayahan ng Pilipinas para sa pananaliksik at pagmanupaktura ng mahahalagang gamot at bakuna. Sa pahayag mismo ng Department of Science and Technology noong Agosto, walang pasilidad ang Pilipinas para sa pananaliksik ng bakuna laban sa Covid-19. Bago ang pandemya, wala ring kumpanya, lokal o dayuhan, ang nakapagmamanupaktura ng anumang bakuna sa loob ng bansa. Sa ngayon, hanggang sa pagpapakete lamang ng mga bakuna sa mga vial para sa indibidwal na gamit (“fill and finish”) ang kahandaan ng mga lokal na kumpanya.

Tulad ng ibang batayang sektor ng industriya ng Pilipinas, dominado ng dayuhang mga kumpanya ang sektor ng parmasyutika sa Pilipinas. Sa isang ulat noong 2014, 75% ng lokal na merkado para sa mga gamot at gamit medikal ay hawak ng Pfizer (US), GlaxoSmithKline o GSK (UK), Boehringer (Germany), Sanofi (France), Abbott (US), Novartis (Switzerland), Johnson&Johnson (US), Roche (Switzerland), Merck (US) at Bayer (Germany).

Liban sa GSK, walang lokal na produksyon ang mga ito sa bansa. Ang ibang dayuhang kumpanya, tulad ng Pfizer at Wyeth, ay mayroong kontrata sa pagmamanupaktura sa Interphil Laboratories, isang subsidyaryo ng Manchester Holdings (US) at bahagi ng Zuellig Group of Companies (Switzerland). Hawak ng kumpanyang ito ang pagpoproseso, pagtatatak at pagpapakete (tinatawag na toll manufacturing) ng mga gamot at di-gamot na produkto ng pinakamalalaking 16 na dayuhang kumpanya para sa lokal na merkado at ibang bansa sa Asia. Sangkatlo ng lokal na suplay ng mga dayuhang gamot ay pinoproseso ng planta nito sa Canlubang, Laguna.

Apat lamang sa pinakamalalaking kumpanya sa parmasyutika ang matatawag na lokal o may lokal na produksyon. Isa nito ay lokal na subsidyaryo ng isang kumpanyang US at ang tatlo pa ay pagmamay-ari ng lokal na burgesya-kumprador.

Alinsunod sa mga datos noong 2014, tinatayang mayroong 65 na lokal na kumpanyang parmasyutikal ang sangkot sa toll manufacturing. Halos lahat ng ginagamit ng mga ito na materyal (95%) ay inaangkat sa iilang bansang nagpoprodyus ng batayang sangkap at kemikal. Kadalasan, ang mga kumpanyang ito ay katamtaman ang laki at pagmamay-ari ng lokal na mga pamilya. Mga halimbawa nito ang AM-Europharma, AD Drugstel, Euro-med, Lloyd Laboratories, Hizon Laboratories, Swiss Pharma, Ace Pharmaceuticals at Allied.

Noon ding 2014, dalawa lamang sa mga lokal na kumpanya sa parmasyutika, ang Unilab at Pascual Laboratories, ang nagmamanupaktura ng sariling gamot. Nakatuon ang Unilab sa paghahalo at pagpapakete ng mga gamot na karamihan ay generic (mga gamot na matagal na sa merkado o yaong hindi na saklaw ng patent o eksklusibong pagmamay-ari ng isang kumpanya ang pormula) gamit ang inangkat na hilaw na mga materyales. Halimbawa sa mga materyales na ito ang paracetamol, ang batayang sangkap (tinatawag na active pharmaceutical ingredient o API) ng Bioflu, Tuseran at Skelan, na pangunahing sinusuplay ng India at China. Ang Pascual Laboratories naman ay nagmamanupaktura ng mga bitamina at gamot na herbal mula sa sariling sakahan sa Nueva Ecija.

Gayunpaman, malaki-laki pa rin ang produksyon ng mga ito ang nakatuon sa pagmamanupaktura para sa may tatak na mga gamot, partikular ng bagong mga antibiotic at steroids. Mayroong 6,000 manggagawa na nagtatrabaho sa limang malalaking pabrika ng Unilab, dalawa nito ay nakapokus sa toll manufacturing. Pagmamay-ari ang kumpanya ng lokal na burgesya-kumprador na pamilyang Campos. Limitado sa iilang bansa at kumpanya ang pagmanupaktura at pagproseso ng mga API na ginagamit sa iba’t ibang klase ng gamot. Kabilang sa pinakamalalaki ang mga multinasyunal na kumpanya ng US at Europe, at mga kumpanya sa India at China.

Ang ibang lokal na kumpanya sa parmasyutika ay limitado sa pagpapakete, distribusyon at pagbebenta. Halimbawa nito ang Natrapharm, Medhaus Pharma, GX International, Prohealth Pharma at Cathay Drug.

Dumadaan sa Zuellig Pharma (kasosyo ng Interphil Laboratories) ang distribusyon sa mayorya (85%) ng mga gamot at di gamot na produkto ng mga dayuhang kumpanyang parmasyutikal. Nakopo naman ng Mercury Drugstore ng pamilyang Que ang 60% ng pagtitingi ng mga ito, kasunod ang mas maliliit na botika tulad ng The Generics Drugstore ng mga Ayala, mga Botika ng Bayan ng gubyerno at mga ospital.

Noong 2014, may rehistradong 500 nagkakalakal ng gamot, 700 nag-aangkat at 5,000 distribyutor ng gamot sa Pilipinas. Noong hindi pa nagkapandemya, tinayang lalaki ang benta ng mga kumpanya sa parmasyutika tungong $4.1 bilyon (₱205 bilyon) sa 2020, mula sa $3.6 bilyon (₱180 bilyon) noong 2016. Wala pa rito ang tinatayang halaga para sa pagpapabakuna ng populasyon ng Pilipinas laban sa Covid-19 na maaaring umabot sa ₱110 bilyon.

Lokal na industriya sa parmasyutika, dominado ng dayuhang mga kumpanya