Pag-blacklist sa mga kumpanyang Chinese, ipinanawagan
Ipinanawagan ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) noong Setyembre 2 na ipatupad ang internasyunal na diplomatiko at ekonomikong mga pagsisikap para itulak ang gubyerno ng China na tupdin ang mga obligasyon nito sa umiiral na mga internasyunal na kasunduan at instrumento kaugnay sa South China Sea at galangin ang soberanya ng ibang mga bansa rito.
Ito ay matapos ianunsyo ng US noong Agosto 26 ang inisyatibang ipa-blacklist (pagpapataw ng restriksyon sa kalakalan at byahe) ang 24 na kumpanya na Chinese, mga upisyal nito at iba pang mga indibidwal na sangkot sa reklamasyon at pagtatayo ng hindi bababa sa pitong pasilidad militar sa South China Sea sa loob ng Philippine exclusive economic zone (EEZ).
Kabilang dito ang China Communications Construction Company (CCCC), ang CCCC Dredging Group, China Shipbuilding Group, ang China Harbor Engineering Company (CHEC) ng CCCC, ang China Electronics Technology Group Corporation, Beijing Huanjia Telecommunication Company, Chongxin Bada Technology Development Company, Shanghai Cable Offshore Engineering Company, Tianjin Broadcasting Equipment Company at iba pa. Ang CCCC ang humalili sa China Road and Bridge Corporation (CRBC) na tinukoy ng World Bank noong 2009 na imbwelto sa pandarambong sa Pilipinas at kalauna’y pinatawan ng mga sangksyon. Ang mga kumpanyang ito ay mayoryang pag-aari ng estado o di kaya’y kasosyo ng gubyerno ng China.
Marami sa mga kumpanyang ito ang sangkot din sa iba’t ibang proyektong imprastruktura ni Duterte sa ilalim ng kanyang programang Build, Build, Build. Nalantad kamakailan na may limang kasunduan ang gubyernong Duterte at CCCC para sa mga proyekto sa Manila, Davao, Cebu at Clark. Ang CCCC ay sangkot din sa proyektong Sangley Point International Airport, kasosyo ang MacroAsia Corp. na pag-aari ng kroni ni Duterte na si Lucio Tan. Ang nangungunang kroni ni Duterte na si Dennis Uy ay kasosyo naman ng CHEC sa $1.2-bilyong proyektong reklamasyon sa lugar.
Iginiit ng PKP na dapat idemanda ng gubyerno ng Pilipinas ang China sa mga internasyunal na korte sa paglabag nito sa soberanong mga karapatan ng bansa at pagbayarin ng kumpensasyon para sa mga pinsala at di bayad na upa ng mga base militar nito. Tinatayang mas malaki ang kompensasyon na matatanggap dito kumpara sa ipinangakong $24-bilyong pautang na mataas ang interes para sa napakamahal na proyektong imprastruktura na gawa ng mga kontraktor at manggagawang Chinese sa bansa.
Sa negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP noong 2016-2017, paulit-ulit na ipinahayag ng NDFP negotiating panel at ng chief political consultant nito sa GRP negotiating panel at kay Duterte mismo na dapat gawin ang lahat upang igiit, gamitin at ipagtanggol ang soberano at karapatang dagat ng Pilipinas sa EEZ at extended continental shelf (ECS) nito sa West Philippine Sea. Tinatayang nagkakahalagang $1 trilyon ang rekursong dagat na matatagpuan sa EEZ ng Pilipinas.
Nanawagan din ang PKP ng pagkakaisa ng internasyunal na komunidad, partikular sa pagitan ng Pilipinas, Malaysia, Vietnam, Indonesia at iba pang kanugnog na mga bansang ang soberanya ay niyuyurakan ng China sa pagkukumahog nito na pagharian ang South China Sea.