Perwisyong hatid ng kaliwa’t kanang pangungutang ni Duterte
Pangalawang bahagi ng serye kaugnay sa tuluy-tuloy na pangungutang ng rehimeng Duterte. Basahin ang unang bahagi, “Malakihang pangungutang sa ngalan ng pandemya,” Ang Bayan, Agosto 21, 2020.
Tinaya ng mga upisyal sa ekonomya ng rehimeng Duterte noong Agosto 26 na papalo na sa ₱10.16 trilyon ang kabuuang utang ng gubyerno sa katapusan ng 2020. Mas mataas ito nang 31% sa naitala noong nakaraang taon. Magiging bahagi nito ang dagdag na ₱160 bilyon na nakatakdang utangin ng rehimen ngayong buwan.
Para bigyang katwiran ang kaliwa’t kanang pangungutang, paulit-ulit na pinalalabas ng rehimen sa publiko na muling pasisikarin ng malilikom nitong utang at pondo ang ekonomya. Gayunpaman, tulad sa nakaraan, malinaw na walang ibang idudulot ang pangungutang kundi ibayong pagkabangkarote na pangunahing papasanin ng mamamayan.
Sa susunod na taon, planong maglaan ng rehimen ng ₱531.5 bilyon para sa pagbabayad ng interes ng mga utang nito. Ang naturang halaga ay katumbas ng 12% ng ₱4.51-trilyong panukalang badyet sa parehong taon. Ibig sabihin, sa bawat sampung pisong gagastusin ng reaksyunaryong gubyerno, mahigit piso ay ipambabayad ng utang. Tinatayang tataas ang abereyds na interes sa pautang sa susunod na taon tungong 3-4.5% mula 2.5-3.5%.
Nakasaad sa panukalang badyet na katumbas nito ang muling uutangin sa parehong taon para direktang pondohan ang mga susing programang imprastruktura ng rehimen. Ito ay habang kulang na kulang ang inilaan nitong pondo para sa ayuda, pautang at iba pang serbisyo na direktang mapakikinabangan ng mamamayan para makaahon sa krisis pangkabuhayan dulot ng lockdown at pandemya.
Wala pa sa panukalang badyet ang ilalaan bilang pambayad sa prinsipal sa mga pautang. Ngayong taon, naglaan ang rehimen ng ₱582.1 bilyon para rito. Mula 2017, umabot na sa ₱3.25 trilyon ang inilaan ng rehimeng Duterte para bayaran ang utang ng reaksyunaryong gubyerno, 47% nito ay bayad sa interes.
Awtomatikong pagbabayad
Obligado ang reaksyunaryong gubyerno na maglaan ng malaking bahagi ng pambansang badyet para sa pagbabayad-utang. Itinatakda sa Automatic Appropriations Law ang awtomatikong paglalaan ng pondo para sa pagbabayad-utang bago maglaan para sa iba pang mga esensyal na operasyon, gastos at programa. Sa buong mundo, ang Pilipinas lamang ang may ganitong klase ng batas. Isinabatas ito ng unang rehimeng US-Aquino na nangakong babayaran “sa huling sentimo” ang mga inutang at kinurakot ng diktadurang Marcos.
Sa ilalim ni Duterte, tinatayang katumbas ng 22% ng pambansang badyet taun-taon ang inilalaan para sa pagbabayad-utang.
Lagi’t laging kulang ang pondo kaya kadalasang hindi sapat ang inilalaang badyet para sa mga serbisyong panlipunan. Dahil sa labis na pagsalalay sa dagdag na pangungutang para agapan ang papalaking depisito nito sa badyet, nagkukumahog ang rehimen na sundin ang mga neoliberal na patakarang idinidikta ng mga imperyalistang bangko at institusyong pampinansya. Kabilang sa mga itinutulak ng rehimen ngayon ang pagpapataw ng dagdag na buwis sa mga batayang produktong pagkain gaya ng tuyo at nudels, at sa serbisyo ng mga platapormang digital (Netflix, Facebook, Twitter, at iba pa). Obligado na ring magbayad ng buwis ang maliliit na negosyante sa internet. (KAUGNAY NA ARTIKULO: Adyendang neoliberal sa SONA 2020, Ang Bayan, Hulyo 21.)
Hindi na bago kay Duterte ang mga rekomendasyong ito. Bago pa man manalasa ang pandemya, masugid na niyang ipinatutupad ang ilan sa mga repormang neoliberal na ito upang makakuha ang Pilipinas ng “mataas na grado” sa mga nagpapautang. Ilan lamang sa mga pasakit na patakarang ipinatupad ng kanyang rehimen ang TRAIN at Rice Liberalization Law, repormang K-12, pribatisasyon ng mga pag-aari ng estado gaya ng paliparan sa Clark, mababang badyet at paggasta para sa kalusugan, edukasyon, at marami pang iba.