Protokol pangkalusugan at produksyon
Tuluy-tuloy ang kampanya ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) para sa kalusugan ng mamamayan habang hindi pa naaapula ang pandemyang Covid-19. Sa 17 baryo sa Samar, tulung-tulong ang hukbong bayan at mga organisasyong masa sa paghahanda sa posibleng pagkalat ng sakit sa kanilang mga baryo. Nagtakda sila ng mga protokol pangkalusugan kada baryo sakaling may mahawa at naghanda ng mga pasilidad sa kwarantina.
Sunud-sunod na inilunsad ng mga Pulang mandirigma ang mga kampanyang pangkalusugan sa gitna ng masisinsing operasyong militar ng Armed Forces of the Philippines noong Hunyo. Sa isang larangang gerilya, nagbigay ng batayang pagsasanay medikal ang apat na yunit ng BHB sa mga komiteng pangkalusugan ng mga rebolusyonaryong organisasyon ng magsasaka. Pagkatapos nito, naglunsad ng klinikang bayan ang bagong-sanay na mga medik para sa tsek-ap, dental, menor na operasyon at tradisyunal na paggagamot. Mahigit 400 residente mula sa apat na baryo ang nakabenepisyo rito.
Gayundin, sinisikap ng mga Pulang mandirigma na maging huwaran sa kalinisan at sanitasyon. Nagsusuot sila ng face mask kapag kaharap ng masa at sumusunod sila sa itinakdang protokol sa social distancing at tinitiyak ang kalinisan sa loob ng mga base. Ginagamit nila ang mga tradisyunal na pamamaraan ng paggamot gaya ng akupangtura at mga herbal na medisina.
Para mapunan ang malaking kakulangan ng gamot sa mga baryo, pinangunahan ng mga Pulang mandirigma ang paggawa ng herbal garden, produksyon ng mga bitamina at medisinang herbal tulad ng lagundi syrup at powder, at pagpapasigla ng produksyon para sa masustansyang pagkain.
Kulang na kulang na pagkain
Lalong pinalala ng militarisasyon at mga restriksyon sa pagkilos ng mga magsasaka ang dati nang krisis sa pagkain na dinaranas ng mamamayan sa rehiyon. Bago pa ang pandemya, matindi na ang kagutuman at kawalan ng produktong pagkain sa Eastern Visayas.
Sa tala ng Larab, rebolusyonaryong publikasyon ng rehiyon, 32% lamang ng kabuuang lupaing agrikultural sa Eastern Visayas ang tinatamnan ng produktong pagkain katulad ng palay, halamang-ugat at gulayin. Malaking bahagi nito—63% o 455,134 ektarya—ang nakatuon sa pagtatanim ng produktong komersyal gaya ng niyog at abaka na mga produktong pang-eksport.
Mahigit isang dekada nang bagsak ang produksyon ng palay sa rehiyon. Taong 2008 pa huling nakapagprodyus ng isang milyong metriko toneladang palay ang Eastern Visayas. Bumagsak pa ito nang 11% noong 2019.
Sa pag-aaral ng Larab, hindi sasapat ang naipong palay ng isang pamilyang may 10 myembro mula sa pagtatrabaho sa mga palayan at pagkakarga ng inaning palay upang makakain sa buong taon.
Kung kakain sila ng kanin nang dalawang beses kada araw, inaasahang 35% o 19 na sako ng 54 sakong naipong palay na lamang ang matitira. Obligado na muling magtrabaho bilang kargador ng palay ang pamilya o kundi ay isang beses kada araw na lamang kakain ng kanin sa susunod na siyam na buwan bago ang tag-ani.
Sa panahon na kulang ang bigas, bumabaling ang mga magsasaka sa pagkain ng kamote, kamoteng-kahoy at saging. Pero ang produksyon ng mga ito ay 19% (73,411 ektarya) lamang kung ikukumpara sa lupang tinatamnan ng niyog.
Gayundin, hindi sasapat ang itinakdang arawang sahod sa rehiyon na ₱236-₱238 kada araw para tugunan ang kanilang pangangailangan. Sa pagkain pa lamang bawat araw, ang isang pamilyang may limang myembro ay kailangang kumita ng ₱135 para makapag-kanin ng dalawang beses. Hindi pa kabilang dito ang ibang gastusin.
Wala ring maaasahan ang mga magsasaka sa pagbebenta ng kopra. Dumausdos ang presyo nito tungong ₱8 kada kilo matapos manalasa ng bagyong Ambo noong Mayo. Apektado rin ng bagyo ang produktong abaka na isang dekada nang hindi nakakabawi sa mga peste.