Ubos-kayang kumilos para wakasan ang dilim ng bagong batas militar
Sa loob ng ilang araw, gugunitain ng sambayanang Pilipino ang ika-48 taon ng pagpapataw ng batas militar ng diktadurang Marcos. May dagdag na halaga ang paggunita sa araw na ito dahil marami ang pagkakahalintulad ng sitwasyon noon sa kasalukuyang kalagayan. Malalim ang kabuluhan ng mga aral sa 14-taon pakikibaka laban sa diktadura na dapat gamiting gabay sa pagharap at paglaban sa pasistang tirano ni Duterte.
Animo’y hinila ni Duterte ang bansa paatras sa madilim na panahon ng batas militar ni Marcos sa anyo ng walang-habas na paninibasib sa demokrasya at kalayaan. Tulad noon, sistematikong ipinagkakait ang mga karapatan ng mamamayan at sinusupil ang kanilang mga pakikibaka upang tuluy-tuloy na makapamayagpag si Duterte at ang kanyang mga kroni at alipures.
Gaya ng dating diktador, hindi maibsan ang uhaw sa kapangyarihan at yaman ni Duterte. Gamit ang armadong pwersa ng estado para padanakin ang dugo at sindakin ang lahat, itinatag niya ang kanyang di pwedeng kwestyuning awtoridad. Lahat ay dapat lumuhod at magsumamo. Si Duterte ay isang walang kabusugang halimaw na hindi nahahangganan ang kabangisan sa pagpuksa sa mga hahamon sa kanyang paghahari-harian.
Nakaupo siya sa balikat ng mga pulis at sundalo. Hari siya ng kalupitan at brutalidad. Dinuraan at niyurakan niya ang mga karapatan ng taumbayan. Walang patumangga ang mga pagpatay at iba’t ibang anyo ng terorismo at karahasan laban sa mahihirap na mamamayan at sa sinumang naninindigan at lumalaban para sa bayan. Sa apat na taon lamang, hinigitan na ni Duterte ang dating diktador sa dami ng pinatay ng mga armadong ahente ng estado.
Walang ibang pakay ang habampanahon niyang mga digmaan kundi ang supilin at patahimikin ang sambayanan at para busugin sa gera ang kanyang mga sundalo at pulis. Labis na kamuhi-muhi ang malawak na kapalpakan, kainutilan at krisis sa kabuhayang idinulot ng kanyang pasistang tugon sa pandemyang Covid-19.
Si Duterte ngayon ang hari ng burukratang kapitalismo. Siya ang punong panginoon ng droga sa Pilipinas. Siya ang pinakamalaking traydor sa kalayaan at soberanya ng Pilipinas, at kasabwat ng China sa pandarambong sa yaman ng bansa. Hungkag sa pagiging anti-Amerikano na walang nagawa kundi yumuko sa imperyalistang amo.
Sa paggunita sa batas militar ni Marcos sa harap ng todo-todong pasismo ni Duterte, alalahanin at paghalawan natin ng inspirasyon at tapang ang kabayanihan ng sambayanang Pilipino, ng laksa-laksang libong anak ng bayan na walang pag-aalinlangang tumahak sa mahirap at mapanganib na landas ng pakikibaka, nagsakripisyo at nagbuwis ng buhay para wakasan ang diktadura. Kabilang sa kanila ang maraming nagtungo sa kanayunan, upang ipunla at payabungin ang armadong rebolusyon.
Sa madidilim na taon ng batas militar nag-aklas ang mga manggagawa para ipaglaban ang kanilang mga karapatan at kagalingan, gayundin ang hangarin ng buong bayan para sa kalayaan. Nagmartsa nang daan-daang kilometro ang mga magsasaka at maralita. Ang mga plasa at lansangan ay naging malaking paaralan para sa mga estudyante kung saan nalinang ang kanilang talino at natuto sa mga aral ng kasaysayan at pakikibaka. Ang kanayunan at mga kabundukan ay naglagablab sa malawak na armadong paglaban at nagsilbing muog ng demokratikong kapangyarihan ng sambayanan. Ang lahat ng batis ng paglaban ay umipon sa makapangyarihang ilog ng pakikibaka at humantong sa malaking pagbabangon.
Ang hangarin ng sambayanan noon na lumaya mula sa batas militar ni Marcos ay siya ring hangad ngayon ng sambayanan na makalaya mula sa panunupil at pang-aapi ng tiranong Duterte. Sa ilalim ng buhong na rehimeng Duterte, nakasubsob ngayon ang mayorya ng sambayanang Pilipino sa wala pang kapantay na krisis sa kabuhayan, kahirapan at kalusugan, habang namamayagpag ang mga kroni at dayong kakutsaba ni Duterte sa korapsyon, pasismo at pandarambong.
Gamit ang sindak ng bagong Anti-Terror Law, mga pagpatay, pagdukot at pang-aaresto, pinatatahimik at pinipilay ng rehimeng Duterte ang demokratikong paglaban ng mamamayan. Lahat ng taktika ay ginagamit upang unahan ang anumang pagsisikap ng mamamayan na mabuo sa isang malapad na prente ang lahat ng demokratikong pwersa at sabay-sabay na kumilos sa isang makapangyarihang pagbabangon.
Hinihikayat ng Partido ang sambayanang Pilipino at ang kanilang demokratikong kilusang masa na puspusang kumilos at biguin ang pagtatangka ng rehimeng Duterte na tuluyan silang supilin. Dapat gamitin ang lahat ng posibleng paraan para malawakang pakilusin ang mamamayan.
Dapat pangibabawan ang mga paghihigpit sa karapatan na ipinatupad ni Duterte sa tabing ng pagtugon sa pandemyang Covid-19. Ang paglimita sa pampublikong transportasyon, ang pagbabawal sa mga kabataan na lumabas sa bahay at mga paghihigpit sa pangmasang pagtitipon ay nagsisilbing praktikal na balakid sa malawakang pagpukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa.
Dapat tandaan na walang paghihigpit na ganap na makahahadlang sa pagkilos ng mamamayang mulat at determinadong lumaban para wakasan ang paghahari ng kasamaan ni Duterte. Ang susi ay ang pagpukaw sa mamamayan at pagtataas ng kanilang kamulatan at kahandaang kumilos.
Dapat tuluy-tuloy na palakasin ang gawaing propaganda at edukasyon sa masa na sinasamantala kapwa ang pagpapadaloy ng impormasyon, mga pahayag at panawagan sa pamamagitan ng internet kung saan meron, kaalinsabay ng pagpapalakas at pagpapalawak ng paglalabas ng regular na mga pahayagan at mga polyeto bilang solidong daluyan ng propaganda.
Sikaping itransporma ang mga pabrika at komunidad tungong mga sentro ng pampulitikang aktibidad sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga pang-masang talakayan hinggil sa mga pang-araw-araw na usaping kinakaharap ng masa, kung papaano nakadugtong ang kanilang mga problema sa kasalukuyang takbo ng bansa at kung bakit kailangang kumilos. Sa mga lugar na militarisado, dapat gamitin ang mga malikhaing paraan para ikutan ang pagmamanman at paghihigpit ng mga ahente ng estado.
Dapat ubos-kayang isulong ang demokratikong pakikibakang masa ng batayang mga uri at sektor. Ang lakas at tapang ng masang anakpawis ang maghihikayat sa iba pang mga uri at pwersa na manindigan at lumaban, kabilang ang mga nasa konserbatibong oposisyon at mga alyado nito sa loob ng militar at pulis na sawa na kay Duterte. Dapat palakasin at ibayong palawakin ang nagkakaisang prente ng lahat ng pwersang demokratiko sa pananawagan para sa pagbibitiw ni Duterte o pagpapatalsik sa kanyang poder.
Dapat tuluy-tuloy na paigtingin at palawakin ng Bagong Hukbong Bayan ang pakikidigmang gerilya sa buong bansa. Katuwang ang milisyang bayan at mga yunit sa pagtatanggol-sa-sarili, dapat paduguin sa libu-libong sugat ang pasistang rehimen upang makatulong kapwa sa pagbwelo ng mga pakikibakang masa at ibayong pagpapalakas ng hukbo at ng mga organo ng demokratikong kapangyarihan ng bayan.
Hindi dapat pabayaang makapaghari nang walang pakundangan ang pasistang rehimeng Duterte. Habang nagtatagal at lalong nagiging mabangis, lalo nitong pinapaypayan ang galit at determinasyon ng bayan na lumaban, at lalong napapalapit ang araw ng pagtatapos sa bagong paghaharing militar ni Duterte.