Kapitalistang pagsasamantala, pinaigting sa panahon ng pandemya

,

Pinaigting na kapitalistang pagsasamantala ang dinaranas ng mga manggagawang bumalik sa trabaho sa gitna ng rumaragasang pandemyang Covid-19. Nang payagan ng rehimeng Duterte ang pabubukas sa operasyon ng piling mga industriya noong Mayo, hindi nito inobliga ang mga kapitalista na tiyaking malusog at ligtas ang mga manggagawa. Ang tanging ginawa nito ay maglabas ng kautusang “nanghihikayat” sa mga pribadong kumpanya na galangin ang mga karapatan at kagalingan ng mga manggagawa. Wala itong itinakdang multa o parusa sa mga lalabag dito.

Di ligtas na mga sona sa paggawa

Noong Agosto, sumirit ang bilang ng mga nagpositibo sa export processing zone sa Calabarzon (Region IV-A), kung saan nagtatrabaho ang mga manggagawa sa magkakadikit na assembly line. Mahigit 30 sa 140 kumpanya sa Laguna ang nag-ulat ng mga kaso, kabilang ang Gardenia, Ftech, Alaska, Coca-Cola, IMASEN, Technol Eight, Optodev, Interphil, Edward Keller, Toshiba at Nexperia. Tinukoy na dahilan ng mga upisyal sa kalusugan sa rehiyon ang pagtanggi ng mga kumpanya na magpatupad ng mga hakbang pangkalusugan. Anila, kumalat ang bayrus sa mga sakayan, dormitoryo at mga kainan. Gayunpaman, hindi malayong kumalat ang bayrus sa mismong mga linya sa produksyon dahil gumagana na nang 80%-100% sa kapasidad ang mga pabrika. Taliwas ito sa mga alituntunin kaugnay sa physical distancing.

Mayorya sa mga manggagawa rito ay walang unyon at kontraktwal. Sadyang binabalewala ng mga kumpanya ang kanilang kalusugan sa kagustuhang kumita. May mga pagkakataong tumanggi ang kapitalista na isara ang pabrika para magsagawa ng disimpeksyon matapos may mga manggagawang nagpositibo sa sakit. Kulang na kulang ang mga pasilidad pangkwarantina. Madalas, pinauuwi lamang ang mga manggagawang nagpositibo sa kani-kanilang masisikip na bahay o dormitoryo kung saan naisasapeligro nila ang kanilang mga kapwa manggagawa o kapamilya. Madalas ding walang isinasagawang contact tracing. Wala ring follow-up na tsek-ap mula sa kumpanya. Mga komadrona lamang mula sa barangay ang pana-panahong nagtatanong sa kanilang kalagayang medikal.

Walang mass testing. Patuloy na nakikihalubilo ang mga manggagawang maaari nang nahawa sa matataong pabrika o lugar ng trabaho. Sa iilang kumpanyang nagsagawa ng testing, hindi sinaklaw ang mga kapamilya ng mga manggagawa.

Sa Metro Manila, may mga call center na naglilihim ng tunay na bilang ng nagpositibong manggagawa sa takot na ipasara sila. Pinauuwi lamang ang mga may sakit at pinababayaan. Pumapasok pa rin sa mga naka-aircondition at matataong upisina ang mga call center agent kahit pakiramdam nilang nahawa na sila.

Mas malala, ginamit ng mga kapitalista ang pandemya para arbitraryong magtanggal ng mga manggagawa. Isang halimbawa nito ang pagsipa sa 300 kontraktwal na manggagawa ng Zenith Foods Corporation at agad na pagpalit sa kanila noong Hunyo. Naiulat din sa Southern Tagalog ang mga tanggalan sa Lazada, Nippon Paint, SKMTI, TS Tech, Logistics, Conception at Unimagina.

Inutil na gubyerno

Inulat ng Department of Labor and Employment noong Setyembre 9 na 40,943 pa lamang ang nasiyasat nito sa mahigit isang milyong rehistradong negosyo sa buong bansa. Halos sangkapat sa mga ito (9,943) ay hindi sumunod sa pinakabatayang hakbang pangkalusugan tulad ng pagpapasuot ng face mask at face shield, pagkakaroon ng mga pasilidad sa sanitasyon at pagkakaroon ng regular na tsek-ap pangkalusugan.

Paulit-ulit na tumanggi ang rehimeng Duterte na magsagawa ng libreng mass testing. Hinikayat lamang nito ang mga korporasyon na ieksamen ang mga manggagawa bago sila pagtrabahuin. Marami sa kanila ay napilitang bayaran ang kanilang mga testing na nagkakahalagang ₱4,000-₱8,000 kada test. Hanggang ₱900 kada test lamang ang sinasagot ng PhilHealth.

Hindi rin inobliga ng rehimen na magkaroon ng mga pasilidad pangkwarantina ang mga kapitalista. Sa halip, iniutos nito na gamitin para sa kwarantina ang mga klasrum ng mga pampublikong eskwelahan at ipasa sa lokal na mga barangay ang pagmonitor sa mga maysakit.

Walang isinagawang pag-eeksamen sa mga komunidad ng mga manggagawa. Hindi rin inobliga ng rehimen ang mga kapitalista na bigyan ng kumpensasyon ang mga nakakwarantina na katumbas ng rekisitong 14 na araw. Brutal na ipinatutupad ang sistemang “no work, no pay,” kahit pa malinaw na nahawa ang mga manggagawa sa pabrika. Madalas ding hindi sila nakatatanggap ng hazard pay.

Hinigpitan ang pampublikong transportasyon pero walang ibinigay na alternatiba. Ipinasa sa mga kumpanya ang responsibilidad na kumontrata ng ibang pribadong kumpanya para magbigay ng mamahaling serbisyong kailangang bayaran ng manggagawa. Inireklamo kamakailan ng mga manggagawa sa Laguna na mabigat ang ₱60 pamasahe sa espesyal na shuttle dahil ₱373 lamang ang kanilang arawang sahod.

Mas malala, pinahintulutan ng rehimen ang “pakikipagtawaran” ng mga kumpanya sa mga manggagawa para bawasan ang sahod. Marami ang napilitang tumanggap nang halos 50% pagbaba ng sahod, laluna ang mga may kaayusang work from home.

Kapitalistang pagsasamantala, pinaigting sa panahon ng pandemya