Kawalan ng lupa, pasisidhiin ng programang SPLIT, pagtatayo ng mga mega farm
Papalalain ng programang SPLIT (Support to Parcelization of Lands for Individual Titles) ng Department of Agriculture (DA) ang kawalan ng lupa sa kanayunan, ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa isang pahayag noong Setyembre 7. Popondohan ang programang ito ng ₱18.3-bilyong utang mula sa World Bank. Saklaw nito ang halos 1.4-milyong ektaryang lupang agrikultural, na binubungkal ng halos isang milyong magsasaka.
Hindi simpleng pamamahagi ng indibidwal na titulo ang layunin ng SPLIT. Taliwas sa pangalan ng programa na para diumano ibigay ang mga indibidwal na titulo, ang tunay na pakay ng SPLIT ay bigyang daan ang malawakang pagbili ng mga titulo para itayo ang mga “mega farm” ng malalaking kumpanya. Sa deka-dekadang karanasan ng KMP, madalas na nababawi ang mga Certificate of Land Ownership Award ng indibidwal na magsasaka gamit ang mga butas sa batas, karahasan at panlilinlang. Laganap ang mga kaayusan ng maanomalyang pagbawi ng mga panginoong maylupa sa mga lupang naipamahagi na sa mga sistemang katulad ng aryendo.
Magpapalala rin sa gutom ng mga magsasaka ang programa ng DA na Mega Farms and Food Security Program. Itutulak ng naturang programa ang pagbubuklod ng indibidwal na mga magsasaka na may hawak na maliliit na parsela ng lupa tungo sa malalaking sakahan o “mega farm” na may 50 ektarya para sa “espesyalisadong produksyon” ng mga “high value crop” o mga produktong mabilis na naibebenta sa dayuhang merkado. Karugtong ito sa programang itinutulak ng Asian Development Bank ng paglipat ng mga magsasaka sa pagtatanim ng komersyal na mga produktong agrikultural, partikular ang mga magsasaka sa mga palayan na nawalan ng kita dulot ng liberalisasyon sa importasyon ng bigas.