Labis-labis na pangungutang ni Marcos, tinutularan ni Duterte

,

Pangatlong bahagi ng serye kaugnay sa pangungutang ng rehimeng Duterte. Basahin ang unang bahagi, “Malakihang pangungutang sa ngalan ng pandemya,” sa Ang Bayan, Agosto 21, 2020; ikalawang bahagi, “Perwisyong hatid ng kaliwa’t kanang pangungutang ni Duterte,” Ang Bayan, Setyembre 7, 2020.

Tulad ni Rodrigo Duterte ngayon, nakipagsabwatan ang diktador na si Ferdinand Marcos noon sa mga imperyalistang institusyong pampinansya para pondohan ang kanyang engrandeng programang pang-imprastruktura para umano pasikarin ang ekonomya ng bansa.

Labis-labis ang inutang ni Marcos mula sa International Monetary Fund (IMF) at World Bank (WB) na pawang kontrolado ng US para pondohan ang 61 sa kanyang mga proyekto. Kabilang dito ang Bataan Nuclear Power Plant at iba pang mga proyekto na tinaguriang mga “white elephant,” mga imprastruktura na hindi naman napakinabangan ng mamamayan at ginamit lamang ni Marcos at kanyang mga kroni para kumubra ng kikbak.

Nang ipataw ni Marcos ang batas militar, agad niyang niliberalisa ang patakaran sa pangungutang at ipinatupad ang mga repormang idinikta sa kanya ng IMF-WB. Tinanggal niya ang limitasyon sa pangungutang na noo’y nagbabawal sa Pilipinas na mangutang lampas sa $250 milyon kada taon at magtala ng kabuuang utang na $1 bilyon. Sa loob ng walong taon (1973-1981), umutang siya ng mahigit $2.6 bilyon. Pagsapit ng 1980, ang Pilipinas na ang ikawalo sa 113 bansa sa buong mundo na nakakubra ng pinakamalaking pautang mula sa WB. Kasama ang inutang niya mula sa mga dayuhang pribadong bangko, pumalo ang dayuhang utang ng bansa mula $600 milyon noong 1965 tungong mahigit $26 bilyon pagsapit ng 1986.

Pagsapit ng 1980, ang Pilipinas na ang nangungunang bansa sa Asia at ikalawa sa buong mundo na nakatanggap ng pinakamalaking halaga ng mga structural adjustment loan (SAL) mula sa IMF-WB. Ang mga pautang na ito ay may kaakibat na mga kundisyon gaya ng pagpapababa sa mga taripa, at pagtatanggal ng kantitatibong restriksyon sa pag-import; dagdag na buwis; pribatisasyon ng mga pampublikong pag-aari; deregulasyon; pag-eksport ng lakas-paggawa; pagkaltas sa sahod at iba pang kontra-mamamayan at makanegosyong mga patakaran. Sa kalaunan, ang mga neoliberal na hakbanging ito ay ipinakete bilang Washington Consensus.

Ang mga SAL na kinubra ni Marcos mula 1980 hanggang 1984 na nagkakahalaga ng $500 milyon ang naghudyat sa simula ng deka-dekada nang pagpapatupad ng mga patakarang neoliberal sa Pilipinas. Bilang bahagi nito, lubhang pinababa ang abereyds na taripa sa pag-iimport mula 43% noong 1981 tungong 28% noong 1985 na nagresulta sa pagkalugi ng mga lokal na negosyo at malawakang disempleyo.

Taliwas sa rebisyunistang pakana na palabasing “ginintuan” ang mga taon sa ilalim ng diktadurang US-Marcos, ang totoo ay sumadsad ang ekonomya. Pagsapit ng 1985, ang tantos ng disempleyo ay pumalo sa 12.6% mula 3.9% lamang noong 1975. Sumirit din ang presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo kasabay ng paglobo ng tantos ng implasyon tungong halos 30% noong 1985 mula 6.8% noong 1975.

Sa kabila ng umano’y “panunumbalik” ng demokrasya nang mapatalsik ang diktadura noong 1986, lahat ng sumunod na rehimen, kabilang ang kasalukuyang rehimeng Duterte ay patuloy na nagtataguyod at nagpapatupad sa mga neoliberal na repormang idinidikta ng IMF-WB.

Labis-labis na pangungutang ni Marcos, tinutularan ni Duterte