Nag-uulol na mga sundalo sa mga baryo
Walang awang pinaslang ng mga ahente ng estado si Rolando Patiño Leyson, Sr., 78, noong Setyembre 12 sa Barangay San Pedro, Sison, Surigao del Norte. Limang armadong lalaki ang lumusob sa kanyang bahay at mahigit 20 ulit siyang binaril. Tinarget si Leyson dahil lamang kilalang kumander ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa prubinsya ang kanyang anak.
Bago nito, pinatay din ng parehong grupo ang drayber ng traysikel na si Jojie Udtohan Gayoso noong Setyembre 8 sa parehong barangay. Si Gayoso ay katiwala ni Leyson
Sa Eastern Samar, pinatay ng mga elemento ng 78th IB ang isang lalaking may sakit sa pag-iiip sa Sityo Kabugawan, Barangay Aroganga, Dolores noong Agosto 16. Binaril ang biktima matapos niyang hagisan ng niyog ang isang sundalo. Nagkataon na nasalubong nila ang biktima sa lugar kung saan nila naka-engkwentro ang isang yunit ng BHB.
Sa Negros Oriental, inaresto si Nonna Espinosa at siyam na iba pa sa Sityo Ilihan, Barangay Buenavista, Guihulngan City noong Setyembre 10. Itinago sila ng mga sundalo ng 62nd IB at hanggang ngayon ay hindi pa nadadalaw ng kanilang mga kaanak.
Sa Negros Occidental, tatlong magsasaka ang ginipit ng mga sundalo ng 62nd IB na nanghalihaw sa Barangay Budlasan, Canlaon City noong Setyembre 17. Parehong nag-aasikaso ng mga alagang kalabaw sina Ernie Jacolbe at Gilbert Reyes nang gipitin sila ng mga sundalo. Pinagbantaan naman si Romeo, kapatid ni Reyes. Iligal ding hinalughog ng mga sundalo ang mga bahay sa Sityo Natuling at ninakaw ang mga kagamitan ng mga residente. Isa pang grupo ng kabataan ang ginipit ng naturang yunit sa katabing barangay.
Sa Western Samar, nadagdagan pa ang mga baryong sinasalanta ng 87th IB at 14th IB sa ngalan ng Retooled Community Support Program. Sinaklaw ng operasyon ng militar ang mga barangay ng Hagbay at Cataydungan sa San Jose de Buan, dagdag sa nauna nang 33 barangay na kanilang inookupa mula pa Mayo. Walo sa mga baryong ito ang hinamlet, kung saan dalawa hanggang tatlong residente lamang ang pinapayagang lumabas ng barangay.
Lider-drayber sa Bicol, inaresto
Dinakip ng pinagsanib na pwersang militar at pulis si Ramon Rescovilla noong Setyembre 9 habang pauwi sa Daraga, Albay. Tinaman ng ebidensyang baril at granada ang kanyang bag at matapos ay dinala siya sa presinto kung saan siya binugbog. Sinampahan siya ng gawa-gawang kasong pagpatay.
Si Rescovilla ay bise presidente ng Pinag-isang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (Piston) at tumatayong tagapagsalita ng Condor-Piston Bicol.
Sa Camarines Norte, inaresto ang mamamahayag na si Rommel Fenix at apat pang mamamahayag noong Setyembre 15. Sinampahan sila ng kasong libel ng gubernador lokal na upisyal ng prubinsya.
Isang araw bago nito, binaril at napatay ang mamamahayag na si Jobert Bercasio sa Barangay Cabid-an, Sorsogon City noong Setyembre 14. Si Bercasio ang ika-17 mamamahayag na pinatay sa ilalim ng rehimeng Duterte.