NDFP, bukas makipag-usap sa bise-presidente

,

Nagpahayag ng kahandaan ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na makipagtalakayan kay Vice President Leni Robredo bilang konstitusyunal na tagahalili ni Rodrigo Duterte para muling buksan ang usapang pangkapayapaan sa pagkakataong mapatalsik o magbitiw ang pangulo. “Maaari itong maging isa sa mga tuntungan para patalsikin si Duterte,” ayon kay Juliet de Lima, tumatayong pinuno ng peace panel ng NDFP.

“Posible at kanais-nais ang muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan pagkatapos ng termino ni Duterte, kung mapatalsik man siya o matapos ang kanyang termino,” ayon pa kay Ka Julie. “Magiging mabuti sa papalit sa kanya kung tutugunan ang dati nang hiling ng NDFP na pagtibayin ang mga kasunduang napirmahan na sa nakaraang mga administrasyon, bigyan ng amnestiya at palayain ang mga detenidong pulitikal, at sa pamamagitan ng negosasyong pangkapayapaan ay gawing layunin ang pambansang rekonsilyasyon, kapayapaan at pagkakaisa, na maaaring humantong sa isang gubyernong koalisyon na magpapatupad sa mga kasunduan sa mga reporma sa lipunan, ekonomya at pulitika, at sa pagtatapos ng armadong tunggalian, at pagtatakda ng disposisyon ng armadong pwersa ng parehong panig.”

Sakaling magbukas muli ang usapang pangkapayapaan ng NDFP at Gubyerno ng Republika ng Pilipinas sa gitna ng pandemya, maaaring talakayin agad ang Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER) para maipinal at maaprubahan na ito.

“Kapag nabuksan muli ang usapan, maaaring magpalawig pa sa usapin batay sa pagsusuma ng mga karanasan at paghalaw ng mga aral mula sa dalawang panig, gayundin kapwa mga positibo at negatibong hakbang ng ibang bansa at internasyunal na mga ahensya sa pagharap at paggapi sa partikular na pandemyang ito, at sa iba pang pandemya,” aniya.

Dati nang napagkasunduan ng magkabilang panel na matapos aprubahan ang Agrarian Reform and Rural Development at National Industrialization, sisimulan na ng dalawang panig ang implementasyon ng kasunduan.

NDFP, bukas makipag-usap sa bise-presidente