Dumadaluhong ang mga berdugo ni Duterte

,

Apat na upisyal ng barangay at isang ordinaryong residente ang pinaslang ng mga pwersa ng estado sa Bicol sa loob lamang ng isang linggo. Matinding kalupitan din ang sinapit ng isang magsasaka sa Negros at dalawang Lumad sa Sultan Kudarat. Lahat ng mga biktima ay inakusahang tagasuporta, kundiman kasapi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Sa Masbate, tatlong sibilyan ang magkakahiwalay na dinukot ng 2nd IB at 1st Masbate Police Mobile Force Company noong Setyembre 26 at dinala sa Barangay Alas, Mandaon dakong alas-5:30 ng umaga kung saan sila minasaker makalipas ang dalawang araw.

Dinukot si Jerry Regala, negosyante mula sa Barangay Dalipe, Cawayan, habang nagdedeliber ng bigas; at ang kagawad ng Barangay Cajonday, Baleno na sina Judy Barruga at Joey Asne sa kanilang mga bahay. Tinamnan ng mga riple at pasabog ang mga bangkay upang palabasing namatay sila sa engkwentro. Ito ang ikalimang kaso ng masaker sa Masbate sa ilalim ni Duterte.

Ilang oras makalipas nito, dinakip naman sa tsekpoynt ng pulis ang motoristang si Ronald Azucena sa Barangay Dayao. Dinala at idinetine siya sa istasyon ng pulis sa Mandaon matapos tamnan ng baril.

Sa Guinobatan, Albay, pinatay ng 49th IB si Kapitan Luzviminda Dayandante at Treasurer Albert Orbina ng Barangay Batbat sa isang ambus sa Barangay Sinungtan noong Setyembre 21. Pinaslang sila dahil sa aktibo nilang paglalantad sa mga abuso ng yunit sa kanilang baryo. Mahigit 30 baryo ang okupado ngayon ng 49th IB sa prubinsya.

Noong Setyembre 25, walang habas na nagpaputok ang mga sundalo ng 49th IB malapit sa eskwelahan ng Barangay Oma-oma, Ligao City para palabasing may naengkwentro silang yunit ng BHB. Dahil dito, napilitang magbakwit ang mga guro na naghahanda para sa pasukan.

Sa Negros Occidental, pinugutan ng ulo ng mga sundalo ng 94th IB ang magsasakang si Bernardo Guillen, 50, sa Barangay Tan-awan, Kabankalan City noong Setyembre 17. Bago nito nakasagupa ng mga sundalo ang isang yunit ng BHB malapit sa kanyang sakahan. Lumikas siya at kanyang pamilya sa lugar ngunit nagpasya siyang bumalik para kumuha nga gamit kahit marami nang sundalo sa kanyang bahay. Tatlong araw siyang nawala bago natagpuan ang kanyang naagnas nang bangkay sa isang bangin malapit sa bangin malapit sa kanyang sakahan.

Sa Sultan Kudarat, pinaslang ng 37th IB ang dalawang Lumad na residente ng Sityo Loboc, Barangay Sta. Clara, Kalamansig noong gabi ng Setyembre 4. Nanghuhuli ng palaka ang dalawa nang barilin sila ng mga sundalo.

Bago nito, binugbog ng mga sundalo ang motoristang sina Renato Angulin, Jun-jun Mandong at Cris Macagarsi sa Sityo Lower Nursery sa parehong barangay noong Setyembre 2.

Pekeng pagpasurender. Sa Negros Occidental, sapilitang pinasurender ng 79th IB ang 63 residente ng Barangay Sta. Rosa, Murcia noong Setyembre 21 para makapagbulsa ng di bababa sa ₱4 milyon. Binigyan lamang ng tig-limang kilong bigas ang mga “sumurender.”

Sa isla ng Mindoro, daan-daang minoryang Buhid, kabilang ang mga menor de edad, ang pwersahang pinasurender ng 203rd Brigade sa Bongabong, San Jose, Mansalay at Rizal. Nilinlang ang mga residente na kunin ang mga relief good sa loob ng kampo, kung saan sila ipinailalim sa interogasyon at pilit na pinasurender.

Binalewala naman ng 50th IB ang mga protokol pangkalusugan laban sa Covid-19 nang sapilitan nilang pinagrali ang mga residente ng tatlong baryo sa Pinukpuk, Kalinga noong Setyembre 22-24. Okupado ng militar ang mga baryo sa Balbalan, Lubuagan, Pasil at Tabuk. Laganap sa mga lugar na ito ang panlilinlang at panggigipit sa mga residente upang sumurender.

Iligal na pag-aresto. Hinarang ng mga pulis at sundalo ang apat na sibilyan sa isang tsekpoynt sa Barangay Alingasaw, Moises Padilla, Negros Oriental noong Oktubre 2 at iligal na dinakip at ikinulong matapos tamnan ng mga ebidensyang baril at pasabog. Kinilala ang mga biktima na sina Wilmar Pognasi, tagapagtaguyod ng karapatang-tao; si Leoltren Trinidad; at dalawang drayber ng habal-habal.

Dumadaluhong ang mga berdugo ni Duterte