Kabayanihan ng masang anakpawis: Ang sikreto ni Tatay Yulo
Ang salaysay na ito ay bahagi ng pagdiriwang ng araw-araw na kabayanihan ng masang anakpawis sa pagsulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Hinihikayat ng Ang Bayan ang lahat ng mga yunit ng Partido, hukbong bayan at mga rebolusyonaryong organisasyong masa na magsumite ng mga kwento at salaysay ng katatagan, tapang at militansya ng masang anakpawis sa pagsulong ng kanilang mga pakikibaka sa harap ng brutal na panunupil ng reaksyunaryong estado.
Binabaybay ni Tatay Yulo pailawod ang ilog nang mapansin niya ang mistulang bota na nakalublob sa tubig at buhangin. Nang kunin niya ito, tumambad ang isang armalayt, na kumpleto pa sa mga bala. Isinako ni Tatay Yulo ang nakuhang armas at nagpadilim bago umuwi. Isa ang kanyang baryo sa mga nakikilusan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Mindanao.
Ilang buwan bago niya makita ang baril, may naganap na sagupaan sa pagitan ng isang yunit ng hukbong bayan at militar malapit sa lugar. Matapos ang labanan, dumagsa ang mga sundalo sa komunidad ni Tatay Yulo at inokupa ito. Nagpakana ang militar ng umano’y pagbibigay serbisyo sa mga lugar na apektado ng mga labanan. Batid ni Tatay na ang layunin nito ay para gipitin ang mga residente at pwersahin silang sumurender. Saksi siya kung paano linlangin ang kanyang mga kababaryo, kung paanong ang simpleng pagpirma ng pagdalo sa mga patawag ng militar ay kasing-kahulugan na ng pagsurender.
Nababalitaan niya na sa ibang mga baryo at kasyudaran, panay ang pagmamayabang ng mga sundalo na maraming-marami na daw ang mga “surenderi.” Noon lamang nakaraang mga linggo, ipinagyabang ng Eastern Mindanao Command na mahigit 200 umano ang “nagbalik-loob, isinuko ang kanilang mga armas at bumalik sa mapayapang buhay.” Alam ni Tatay na manipulasyon lamang ito ng militar at ng gubyerno ni Duterte.
Maya’t maya ang pangamba ni Tatay na mabunyag ng mga sundalo ang kanyang sikreto. Alam niyang sa ilalim ng naghaharing batas, peligroso ang iligal na pag-iingat ng armas. Alam niyang maaari siyang makulong, matortyur o kaya’y paslangin ng mga sundalo.
Pero hindi natinag ang hangarin ni Tatay na magserbisyo sa rebolusyon at tumindig siyang may kapasyahang hindi masusupil ng mga pasista.
Makalipas ang ilang buwan, nakituloy ang isang yunit ng mga Pulang mandirigma sa kanyang bahay. Matagal niyang hinintay ang sandaling ito. Matapos ang mga pagbati at pakikipagkamay, sabik na inilabas ni Tatay ang nakabungkos na sako mula sa silong ng kanyang bahay at ibinigay sa kumander ng yunit ng BHB.
“Hindi ko tiyak kung sa inyo ba ito o sa kaaway. Pero dahil armas iyan, dapat lang na sa hukbo mapunta,” sabi niya habang iniaabot ang armalayt.
Lingid sa kaalaman ni Tatay Yulo, ang M16 na iyon ang armas na naka-isyu kay Kas Mando, isang Pulang mandirigma na namartir sa labanan sa lugar na iyon, tatlong buwan na ang nakalipas. Nakuha pa ng mga kasama ang katawan ni Kas Mando, pero inakala nilang nasamsam ng kaaway ang kanyang armas.
Ang armalayt ay agap na ngayon ng isang bagong Pulang mandirigma na nagpapatuloy sa hindi mapipigilang agos ng rebolusyon.