Mega farm: Konsolidasyon ng lupa para sa produksyong pang-eksport
Samutsaring programa ang ipinapakana ng rehimeng Duterte para pasikarin umano ang sektor ng agrikultura sa gitna ng pandemya. Isa rito ang programang Mega Farm and Food Security na sasagot diumano sa kakulangan ng pagkain sa panahon ng pandemya.
Sa ilalim ng programang mega farm, bubuklurin ang magkanugnog na parsela ng lupa na pagmamay-ari ng indibidwal na magsasaka para tamnan ng isang klase ng pananim. Ito raw ay para makamit ang “economy of scale” o malakihang produksyon gamit ang pinakamababang gastos. Sasaklawin nito ang 217,120 ektaryang pampublikong lupa.
Taliwas sa katawagan ng programa, malabong matitiyak nito ang lokal na suplay ng pagkain. Diin nito ang paglalatag ng mga komersyal na plantasyong nakatuon sa produksyon ng mga “high value crop” o mga pananim na mataas ang halaga at madaling ibenta sa pandaigdigang pamilihan. Kabilang dito ang saging, kakaw, kamoteng-kahoy, kape, oil palm, kalamansi, niyog, mangga, sibuyas, palay, seaweed, tubo at mga gulay na nabubuhay sa malalamig na lugar. Ang mga pananim na ito ay nakaasa sa makinarya, binhi, pestisidyo at pataba na iaangkat mula sa mga kapitalistang bansa.
Kasama sa target na saklawin ng mga mega farm ang mga palayang nabangkrap dulot ng liberalisasyon sa importasyon ng palay. Noong Agosto, inaprubahan ng Asian Development Bank ang $400 milyong (₱20 bilyon) pautang para “saluhin” ang mga nawalan ng hanapbuhay dulot ng iskema. Bahagi nito ang pondo para sa “pagtransisyon” ng mga magsasaka sa palayan tungo sa pagsasaka ng mga high value crop. Sa kabila ito ng pangangailangang tiyakin ang istableng suplay ng lokal na bigas matapos pansamantalang itinigil ng Vietnam at Thailand ang pagluluwas ng bigas sa Pilipinas noong Mayo.
Ang konsolidasyon sa produksyon at pagsasaka ng mga high value crop ay paulit-ulit nang napatunayang nagsisilbi lamang sa monopolisasyon ng kontrol ng lupa sa kapinsalaan ng mga magsasaka. Sa Negros at Central Luzon, ipinatutupad ito sa anyo ng sugar block farming. Sa Mindanao, nasa anyo ito ng mga agribusiness venture arrangement (AVA) sa pagitan ng mga benepisyaryo ng huwad na repormang agraryo at mga kumpanya sa agribisnes na nagpapatakbo ng mga komersyal na plantasyon ng saging, pinya, kakaw at oil palm.
Sa ilalim ng mga iskemang ito, sinasamantala ng mga panginoong maylupa at kumpanya sa agribisnes hindi lamang ang malalaking tipak ng lupa at rekurso, kundi pati ang murang lakas paggawa ng mga magsasaka. Libu-libong ektarya ng lupa ang itinatali nito sa produksyong pang-eksport.
Sa isang ulat na inilabas ng World Bank noong Hunyo, inamin nito ang mga “limitasyon” ng sugar block farming at AVA. Sa Negros, di signipikante ang pagtaas ng produktibidad ng mga tubuhan na ipinailalim sa block farming. Nananatiling atrasado, di mekanisado at nakaasa sa murang lakas-paggawa ng libu-libong sakada ang operasyon ng mga ito. Nananatiling nasa 50-57 tonelada ang ani bawat ektarya ng tubuhan, malayo sa tinarget na 80-100 tonelada. Ito ay sa kabila ng pagbuhos ng halos ₱2 bilyon sa industriya sa anyo ng pautang at pondo para sa makinarya at mga proyektong imprastruktura. Ayon sa Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura, napunta lamang ang pondong ito sa bulsa ng mga panginoong maylupa, mga upisyal ng ahensya sa agrikultura at mga lokal na upisyal.
Nanatiling manggagawang-bukid sa sariling lupa ang maraming magsasaka. Napakababa ng ibinabayad na upa sa kanilang mga lupa ng mga kumpanya at panginoong maylupa. Sa Tarlac, umaabot lamang sa ₱7,500 kada 0.66 ektarya ang upang binabayaran ng mga panginoong maylupa kada taon. Mababa at di nakabubuhay ang kanilang sahod. Malala pa, nawalan sila ng karapatan na magtanim ng pagkain bilang pantawid sa panahon ng tiempo muerto o panahon na tigil ang paggiling ng tubo.
Sa mga plantasyon ng saging sa Mindanao, nabaon sa utang ang mga magsasaka sa kasosyo nilang mga kumpanya na ekslusibong nagsusuplay ng mga gamit sa produksyon (binhi, pestisidyo at pataba.) Sagit ng magsasaka ang lahat ng gastos sa produksyon at obligado silang magbayad kahit sa panahon ng mga sakuna, tagtuyot o malubhang pananalasa ng peste. Nakulong ang mga magsasaka sa tagibang na mga kontrata ng pagbebenta ng kanilang ani sa napakababang presyo. Dahil sa pagkabaon sa utang, naging daan pa ang AVA para mapalayas sila sa sariling lupa.