Mga akawnt sa Facebook ng rehimeng Duterte, nabunyag

,

Ipinasara ng Facebook noong Setyembre 22 ang mahigit 100 akawnt at pahina na pinatatakbo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP), gayundin ang dagdag na 100 maka-Duterte na akawnt na natuklasang pinatatakbo mula sa China.

Ayon sa Facebook, ang mga akawnt na ito ay lumabag sa alituntunin ng kumpanya kaugnay sa coordinated inauthentic behaviour o koordinadong paglalabas ng mga post para magmukhang totoo ang isang pangyayari o opinyon. Ibig sabihin, peke ang mga akawnt na ito at sadyang ginawa para magpalaganap ng pekeng mga balita para impluwensyahan ang upinyon ng publiko.

Laman ng mga ito ang mga balita at upinyon kaugnay sa pulitika at militar ng Pilipinas, pagsuporta sa mga batas ng rehimeng Duterte laluna ang bagong Anti-Terrorism Law at ang pag-red-tag sa mga aktibista at kritiko nito. Nakatuon ang naturang mga akawnt sa pagdedemonyo sa rebolusyonaryong armadong kilusan bilang “terorista.” Puno ang mga ito ng kasinungalingan, pambabaluktot at karahasan.

Ang bungkos naman ng mga akawnt na pinatatakbo mula sa China ay nag-espesyalisa sa pagpapalaganap ng mga maka-China na pahayag at pag-atake sa mga upisyal at mambabatas na bumabatikos rito. Kapansin-pansin sa mga akawnt na ito ang promosyon kay Sara Duterte bilang susunod na presidente, at mga papuri kay Imee Marcos.

Malinaw ang ugnayan ng rehimeng Duterte, AFP, PNP at mga akawnt na isinara ng Facebook. Tukoy ang mga akwant na ginawa at pinatatakbo ni Capt. Alexandre Cabales, ang hepe ng Social Media Center ng AFP na nakapailalim sa Civil Military Operations Regiment. Isa rito ang pahinang “Hands Off Our Children” na ginagamit ng militar para i-red-tag ang mga aktibistang kabataan, pangunahin ang kinatawan ng Kabataan Partylist na si Sarah Elago.

Apat na beses nang nagsara ang Facebook ng mga Pilipinong akawnt na maka-Duterte sa nakaraang dalawang taon. Isang beses na ring nagsara ang Twitter ng mga katulad na akawnt. Kabilang sa mga ipinasara ang mga network na pinatakbo ni Nic Gabunda, ang direktor ni Duterte sa pangangampanya sa social media noong eleksyong 2016.

Mga akawnt sa Facebook ng rehimeng Duterte, nabunyag