Mga bitak sa pasistang koalisyong Duterte

,

Ang kumpetisyon sa pulitika na nilalaro ngayon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa usapin ng pamumuno rito ay palatandaan ng mga bitak sa loob ng naghaharing pasistang koalisyong Duterte. Ang walang kahihiyang balyahan para sa pwesto ay bahagi ng mas malaking labanan para makuha ang mas malaking bahagi ng pork barrel sa badyet sa 2021, lalo at nalalapit na ang eleksyong 2022.

Noong Setyembre 30, bumoto ang 184 sa 300-myembrong kapulungan kontra sa palabas na alok ni Speaker Alan Peter Cayetano na magbitiw sa pusisyon. Ang botohan ay binatikos na pag-aaksaya ng oras at salapi ng bayan.

Ang alok na magbitiw ni Cayetano, sa halip na tuwirang magbitiw, ay pagsagka sa “kasunduang hatian sa termino” niya at ni Rep. Lord Allan Velasco. Sa usapang ito, uupo si Cayetano bilang pinuno ng mababang kapulungan sa unang 15 buwan ng kanilang termino, at hahalinhan ni Velasco sa huling 21 buwan. Tinutuligsa si Cayetano sa pagkakapit-tuko sa poder at pagbali sa kanilang “usapang lalaki.”

Ang boto kontra sa palabas na alok na magbitiw ni Cayetano ay di tuwirang sampal kay Duterte, na mismong namagitan sa kasunduan sa hatian sa termino na nabuo noong 2019 at muling pinagtibay sa pulong kamakailan sa Malacañang. Lumilitaw na di absoluto ang hawak ni Duterte sa mga tauhan niya sa Kongreso, at na hindi lahat ay masaya sa mga kaayusan sa hatian sa mga pakinabang at pribilehiyo ng nasa poder.

Naghahayag kapwa si Cayetano at Velasco ng katapatan sa tiranong si Duterte. Kinakatawan nila ang iba’t ibang grupo o paksyon sa loob ng naghaharing pangkatin. Nagkakaisang kumikilos ang mga ito para suportahan ang pagbibigay kay Duterte ng karagdagang kapangyarihang burukrata-kapitalista at pasista, tulad kamakailan ng Anti-Terrorism Law, ang pagkait ng prangkisa sa ABS-CBN at pagbibigay ng hindi karaniwang kapangyarihan para galawin ang badyet sa gitna ng pandemya.

Gayunman, ang katapatang ito ng mga reaksyunaryong pulitiko ay mananatili lamang kung sila’y pinakakain ng tama at relatibong pantay-pantay. Basta’t tumatanggap ang kanilang mga distrito ng pondo para sa mga pampasiklab na pagpapagawa ng kalsada, waiting shed at iba pang proyektong pang-imprastruktura kung saan maaaring ipaskil ang kanilang mukha, ang mga alipures sa kongreso ay patuloy na magsisilbi sa tirano at kanyang mga tau-tauhan. Mas mahirap silang pakainin at busugin tuwing palapit ang eleksyon dahil lumalaki ang hinihingi para gastusin sa muling pagtakbo o pag-ambisyong makaupo sa mas mataas na pwesto.

Ang pagsidhi ng banggaang Cayetano-Velasco ay di maihihiwalay sa kasalukuyang pagdinig sa badyet sa 2021, partikular ang bahagi nila sa ₱397 bilyong pork barrel na hawak ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Nagrereklamo ang kampo ni Velasco sa di pantay na alokasyon ng pondo para sa mga proyektong pang-imprastruktura, at kinukwestyon bakit makakukuha ng ₱11.1 bilyon ang distrito ni Cayetano sa Taguig at ₱11 bilyon sa mga kaalyado niya sa Camarines Sur, samantalang ang mga di niya kaalyado ay mayroon lamang ₱2 bilyon.

Lalo pang titindi ang tunggalian sa Mababang Kapulungan sa mga darating na araw sa paggigiit ng paksyon nila Velasco na dapat sundin ni Cayetano ang unang usapan at magresayn sa Oktubre 14. Kung hindi, nagbanta silang ideklarang bakante ang pwesto para bigyang-daan ang kanilang pagtutuos.

Lalo pang lalalim at lalawak ang mga kontradiksyon sa hanay ng naghaharing pangkatin sa darating na panahon sa harap ng paglala ng krisis ng naghaharing sistema habang lalong nagiging matakaw si Duterte at kanyang mga alipures. Lilitaw lalo ang mga kontradiksyong ito habang papalapit ang eleksyon, o kung itulak ni Duterte ang pagbabago ng konstitusyon o iba pang iskema para manatili sa poder.

Ang mga bitak na ito ay hahantong din sa hayagang tunggalian sa hanay ng militar at pulis, partikular sa pagitan ng nagriribalang sindikato, at sa pagitan ng mga upisyal na sangkot sa malakihang korapsyon at malalalang paglabag sa karapatang-tao. Siguradong may lilitaw ding mga upisyal na makikitang di posibleng tapusin ang armadong tunggalian sa bansa kung sa pamamagitan lamang ng isang gerang panunupil laban sa bayan.

Lalo ring lilitaw ang mga kontradiksyon sa harap ng lumalakas na internasyunal na presyur sa rehimeng Duterte sa harap ng malawakang pagbatikos sa mga pang-aabuso ng mga sundalo at pulis sa mga karapatan, gayundin sa pagmamanikluhod niya sa China at pagpapabayang makapagtayo ng mga pasilidad militar sa South China Sea. Mula sa kongreso ng US at parlamento ng Europe, umaalingawngaw ang sigaw para tapusin ng mga pwersa ng estado ang mga pagpatay sa mga aktibista at sa huwad na gera kontra droga. Nadidiin din siya sa hakbangin kamakailan ng Facebook na alisin ang mga akawnt na pinatatakbo ng militar.

Dapat samantalahin ng sambayanang Pilipino ang mga kontradiksyong ito sa hanay ng naghaharing pangkatin sa pamamagitan ng paglalantad sa mga krimen, korapsyon, brutalidad at pangangayupapa ng rehimen at ng pagbubuo ng pinakamalawak na pagkakaisa ng mga patriyotiko at demokratikong uri at sektor. Dapat ubos-kaya silang magsalita laban sa pork barrel at kontra-insurhensya na badyet ng rehimen pang-2021 na sagadsaring anti-mamamayan at anti-mahirap laluna sa harap ng pandemya at pangangailangang dagdagan ng panggastos ang mga serbisyong medikal, pang-ekonomya at pang-edukasyon. Dapat batikusin ang ribalan sa poder at pribilehiyo habang nagdurusa ang bayan sa palpak na pagbubukas ng klase, pagtaas ng pamasahe, malaking gastos sa pagpapagamot, krisis sa pagkain at iba pang kagyat na problemang pang-ekonomya at panlipunan.

May mga alipures na dismayado dahil tira-tira na lamang ang iniiwan sa kanila ng mga walang-kabusugang pinakamakapangyarihang tauhan ni Duterte. Dapat silang hikayatin na iwaksi ang rehimen ng katakawan at tiraniya.

Dapat ibayong pukawin ang sambayanang Pilipino na labanan ang pasista, papet at korap na rehimeng Duterte. Dapat ilantad ang kabuktutan ng rehimen upang sindihan ang galit ng bayan at palakasin ang determinasyon nilang lumaban.

Dapat kumilos nang malakihang bilang ang mga manggagawa, magsasaka at malaproletaryado sa mga pabrika, komunidad sa kalunsuran at kanayunan. Dapat isagawa ang walang-kapagurang gawaing propaganda at edukasyon sa kanilang hanay. Dapat makibaka ang masang anakpawis para sa kanilang mga karapatan at kagalingan, laluna sa gitna ng krisis at papanagutin ang rehimen sa korapsyon at maling mga prayoridad.

Kasabay nito, dapat patuloy na lumawak at lumakas ang alyansa sa hanay ng mga panggitnang pwersa. Ang mga kabataang estudyante, titser, nars at mga manggagawang pangkalusugan, mga kawani ng pamahalaan, mga taong-simbahan, kababaihan, mga pwersang oposisyon at iba pang demokratikong sektor ay dapat patuloy na magsanib pwersa upang lalong palawakin ang nagkakaisang prenteng anti-Duterte.

Ang hanay ng mas abante sa pulitika na mga kadre ng Partido at aktibistang masa ay dapat manguna at magsilbing huwaran sa mahirap at kadalasa’y peligrosong gawaing pagpukaw, pag-organisa at pagpapakilos sa masa. Makakamit lamang ang tagumpay sa pamamagitan ng malawakang pagpapakilos ng masa.

Dapat patuloy na pamunuan ng Partido ang Bagong Hukbong Bayan sa pagsulong ng malawakan at maigting na pakikidigmang gerilya. Ang lumalaking bilang ng mga taktikal na opensiba sa nagdaang mga linggo ay nagpapakita ng pambansang kapasidad at determinasyon ng BHB na labanan ang pasistang rehimen at tumulong sa pagbabagsak nito.

Sa pagsusulong ng lahat ng anyo ng paglaban, magagawang ibayong ihiwalay at pahinain ng sambayanang Pilipino ang pasistang rehimeng Duterte. Kahit gumamit ng terorismo ng estado, mabibigo ang rehimen sa harap ng determinasyon ng sambayanan na makibaka para ibalik ang kanilang mga kalayaan at ipaglaban ang demokrasya.

Mga bitak sa pasistang koalisyong Duterte