Trump, nag-udyok ng pasismo sa US Presidential Debate

,

Inulad ng batikos si US Pres. Donald Trump matapos tahasan siyang mag-udyok ng karahasan at rasismo sa ginanap na unang US Presidential Debate 2020 noong Setyembre 29. Maliban sa paulit-ulit na pang-iinsulto at pambabara ni Trump sa kandidato ng Democratic Party na si Joe Biden, kinatampukan ang debate ng pasistang tindig ng pangulo kaugnay sa nagpapatuloy na mga protesta ng kilusang Black Lives Matter.

Nang tanungin kung kinukundena ba niya ang mga grupong ultra-Kanan na sangkot sa pandarahas sa mga pagkilos noong nakaraang mga linggo, ibinaling niya ang sisi sa mga aktibista at iginiit na kailangan silang tapatan. Inutusan niya ang grupong paramilitar na Proud Boys na “umiwas at mag-abang.” Kabilang ang naturang grupo sa mga naglulunsad ng mga armadong patrol sa mga lugar na may pagkilos para direktang manakit at mandahas o di kaya’y mag-udyok ng karahasan. Pilit na pinalabas ni Trump na ang oposisyong pulitikal ang responsable sa aniya’y “mararahas na protesta” at hindi ang mga grupong ito.

Matapos umani ng kritisismo hindi lamang mula sa mga Democrat kundi pati na rin sa kanyang mga kapartidong Republican, natulak si Trump na kundenahin ang Proud Boys at iba pang mga grupong pasista makalipas ang dalawang araw.

Ang eleksyon sa US ay nakatakdang ganapin sa Nobyembre 3. Samantala, naiulat na nahawa ng sakit na Covid-19 si Trump nitong Oktubre 2.

Trump, nag-udyok ng pasismo sa US Presidential Debate