Parlade: Ang mukha ng pasista bilang troll
Bago naging bantog na red-tagger ni Angel Locsin, nakilala si Antonio Parlade bilang kontra-kapayapaang tagapagsalita ng Philippine Army na sinipa sa pwesto noong 2011. Kinontra niya noon ang upisyal na patakaran ng gubyerno nang manawagan siyang isuspinde ang tigil-putukan ng gubyerno sa Moro Islamic Liberation Front (MILF). Ito ay matapos mapatay ng MILF ang 19 sundalo at nasugatan ang 12 pa sa isang di-pantay na labanan na malao’y isinisi ng mga nakatataas sa AFP sa mga kamalian ng kumand.
Hayagan din niyang binatikos ang pagpapalaya sa Morong 43 na iniutos ng korte. Sila ang mga manggagawa pangkalusugan na inakusahang mga myembro ng Bagong Hukbong Bayan axt idinetine sa gawa-gawang mga kaso noong 2010. Mariin siya sa kanyang pagkamuhi sa noo’y usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP).
Mula noo’y itinalaga siya sa isang “suportang yunit” sa hedkwarters ng Armed FOrces of the Philippines (AFP). Sa panahong ito, pumunta siya sa US para mag-aral sa mga eskwelahang pangmilitar. Sa kanyang Facebook, ipinagmalaki niyang nag-aral siya sa Deakin University, sa US Army Command and General Staff College, Fort Leavenworth, at iba pa. Noong 2012, naglathala siya ng isang anti-komunistang libro at tinawag ang sarili na “eksperto sa kontra-insurhensya.” Nasa Amazon ngayon ang libro na may ranggong 10,563,490 sa listahan nito, at bumaba pa.
Nagsilbi siyang kumander ng 2013rd Ibde sa ilalim ng 2nd ID na may hurisdiksyon sa isla ng Mindoro noong 2018. Bago magtapos ang taon, tumaas ang kanyang ranggo at naitalaga siya bilang AFP assistant deputy chief-of-staff for operations o J3. Dito niya unang sinubok ang kanyang kakayahan bilang troll nang pinalaki niya ang alamat ng Red October at nired-tag ang mga estudyanteng aktibista at mga tagasuporta at upisyal ng partidong Liberal
Tinukoy niya ang 18 eskwelahan na lugar diumano ng rekrutment ng Partido Komunista ng Pilipinas, kabilang ang inimbento niyang City College of Caloocan. Inakusahan niya nang walang basehan ang ABS-CBN at and midya, Department of Justice at mga korte nito, ang European Union at maging ang United Nations, bilang mga pugad ng PKP.
Parlade bilang troll
Umangat ang katayuan ni Parlade at naging deputy chief sa AFP Civil-Military Operations o J7 noong 2019. Sa panahong ito, ipinagdiinan niya ang kanyang sarili sa kampanya ng paninira ng rehimeng Duterte laban sa mga ligal na organisasyon at nagsimulang mangred-tag ng mga progresibong kongresista at institusyon.
Dahil dito, biniyayaan siya ng pwesto sa magastos na pamamasyal sa Europe na pinasimunuan ni Communications Sec. Martin Andanar. Sa harap ng mga kinatawan ng European Union, iniugnay niya ang mga organisasyon tulad ng Rural Missionaries of the Philippines at Ibon Foundation sa Bagong Hukbong Bayan. Ipinagmayabang niya ang kunwa’y “trak-trak” na ebidensya laban sa naturang mga organisasyon. Hindi pinaniwalaan ng mga European at kanilang mga institusyong nagbibigay ng pondo ang paratang niya at ng mga alipures ni Andanar. Hanggang ngayon, wala siyang ipinakita ni isang hibla ng ebidensya sa anumang korte.
Talagang asal troll si Parlade sa pagtutulak na lumalabas sa midya ang kanyang mga pakulo. Pinagagalitan niya ang mga mamamahayag kapag hindi siya binibigyan ng espasyo. Noong Nobyembre 2019, sumasagasa siya ang isang porum para sa karapatang-tao na inihalintulad ng mga nag-organisa nito sa pagsugod ng isang “rapist sa miting ng mga biktima at kanilang mga kaanak.”
Inuulit-ulit niya ang mga kasinungalingan kaugnay sa pagpaslang diumano ng PKP at BHB sa sarili nitong mga myembro para pagtakpan ang pamamaslang ng estado sa mga prominenteng aktibista tulad nina Randy Malayao at Randy Echanis. Wala siyang kyime sa pagsabing dapat lamang na pinapatay ang mga tagapagtanggol sa karapatang-tao tulad ni Zara Alvarez dahil “mga NPA naman sila.” Inilalarawan niya ang PKP, BHB at buong kilusang pambansa-demokratiko bilang mga mamamatay-tao at sanggano na sumisira sa buhay ng mga batang Pilipino at kaisipan ng mamamayan.
Sumikat si Parlade nang maisaisantabi ang dalawa sa pangunahing troll ni Duterte, sina Mocha Uson at Lorraine Badoy, matapos mabunyag silang mga sinungaling at naging tampulan ng kutya. Ang kanyang tipo ng paninira, pangungutyang parang bata, at katawa-tawang akusasyon ay inuulit-ulit sa social media at ginagawan ng mga pekeng pahayag, bidyo at deklarasyon.
Nakahanap ng tagapalakpak ang kanyang anti-komunistang panatikong pagkatao sa mga upisyal at suportadong account ng militar at sundalo, gayundin sa milyung barayang troll ng estado. Nagamit niya ang makinaryang ito para paramihin sa 400 ang kanyang mga “kaibigan” sa Facebook.
Tumaas pa ang ranggo ni Parlade sa burukrasyang militar nang pinatunayan niyang gagawin niya ang lahat, kahit siya’y maging katatawanan at kamuhian. Naging “susing upisyal” siya sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict at kalaunan ay naging tagapagsalita nito. Ipinagmamalaki niyang direkta siyang kinakausap at inutusan ni Duterte na “apak-apakan ang Kaliwa.”
Noong Enero 17, pinalitan niya si Gilbert Gapay bilang kumander ng AFP Southern Luzon Command (SOLCOM) na hurisdiksyon sa Bicol at Calabarzon. Naging hepe ng Philippine Army si Gapay noong Disyembre 2019, at kalauna’y naging AFP chief of staff noong Agosto 3. Sumisipsip siya sa pinakapasistang mga upisyal militar sa kagustuhang sundan ang yapak ni Gapay sa pagiging AFP chief of staff.
Parlade bilang terrorista
Di tulad ng ibang troll ni Duterte, hawak ni Parlade and dalawang dibisyong pangkatihan, isang grupo ng mga pwersang nabal at isang Air Force Tactical Operations Wing para isagawa ang terorismo ng estado. Sa ilalim ng kanyang kumand, lampas sa red-tagging ang ginagawa ng mga yunit militar sa mga aktibista, tagapagtanggol ng karapatang-tao, mamamayahag, magkakasaka at kahit mga myembro ng hudikatura. Walang habas ang mga krimen at paglabag ng mga yunit militar, katuwang ang kapulisan, sa karapatang-tao ng mamamayan.
Di bababa sa 190 sa Bicol at 1,357 in Calabarzon ang naitala ng Ang Bayan na biktima ng paglabag sa karapatang-tao mula Enero hanggang Oktubre 31. Karamihan sa mga ito ay kagagawan ng mga yunit ng SOLCOM. KInabibilangan ang mga ito ng mga ekstrahudisyal na pamamaslang (25 biktima), di makatarungang pang-aaresto at detensyon (147), pamimilit (16), paninira ng ari-arian (5), blokeyo sa pagkain at ekonomya (1200), iligal na panghahalughog at pangungumpiska (41), pisikal na pang-aatake (13), pambabanta, harasment at pananakot (91), at iba pa. Mayorya sa mga biktima ay mga manggagawang-bukid at magsasaka sa kanayunan, at mga manggagawa sa mga engklabo ng paggawa na inakusahan ng militar na mga myembro ng BHB.
Kabilang sa mga kaso ang di makatarungang pag-aresto sa apat na progresibong lider panrehiyon sa Bicol. Sina Jenelyn Nagrampa-Caballero, Rev. Dan San Andres, Nelsy Rodriguez at Ramon Rescovilla ay mga beteranong ng Gabriela, Karapatan, Bayan at Condor-Piston. Paboritong siraan ni Parlade ang mga organisasyong ito.
Noong Oktubre 20, tinangkang patayin ng nakamotorsiklong salarin si Camarines Sur Regional Trial Court Branch 56 Judge Jeaneth Gaminde San Joaquin, kasama ang kanyang alalay. Ilang araw matapos pirmahan ni San Joaquin ang mandamyento de aresto ni Caballero, pinalaya niya ang aktibista dahil mahina ang kaso ng militar. Sa ginawa niyang ito, kinontra niya si Parlade na hayagan ang galit sa mga husgadong nagbibigay ng puwang sa mga demoktratikong karapatan ng mga aktibista.
Noong Abril, ipinrisenta ng mga yunit ng SOLCOM at mga pulis ang 16 na mga “surenderi ng BHB” na sa totoo’y mga manggagawa sa planta ng Coca Cola sa Laguna na nired-tag, tinakot at dinala sa kampo ng militar. Muli silang iniharap sa publiko bilang “surenderi” noong Hulyo. Tulad sa ibang mga upisyal, pinagkakakitaan nina Parlade at kanyang mga kasapakat ang mga peke at paulit-ulit na pagpapasurender.
“Solong pananagutan” ni Parlade ang crackdown sa Quezon at buong Southern Tagalog, ayon pa sa mga aktibista sa prubinsya. Kabilang sa mga kaso ang tangkang pagpatay sa pangkahalatang kalihim ng Karapatan Quezon na si Genelyn Dichoso noong Hunyo 1. Sa sumunod na mga araw, inaresto si Dichoso at pitong iba pa habang papunta sa isang imbestigasyon sa kaso laban sa 85th IB ng pagsasapanganib sa mga bata. “Binibisita” ng mga sundalo ang mga nired-tag na mga aktibista, at ilan sa kanila ay basta na lamang inaaresto at pagkatapos ay ipiniprisenta bilang “myembro ng BHB.”
Mas malala ang sinapit ng iba. Tatlong magsasaka ang pinatay ng mga pwersa ng SOLCOM, ilang araw pa lamang matapos hirangin si Parlade bilang kumander nito. Tadtad ng bala ang kanilang mga katawan at pinabayaang mabulok ang kanilang mga bangkay. Sa Masbate at Albay Norte, pinatay ng mga sundalo ng SOLCOM ang apat na upisyal ng barangay at isang mangangalakal ng bigas noong Setyembre.
Naipon din ng Ang Bayan ang mga ulat ng 331 operasyong kontra-insurhensya na isinagawa ng mga yunit sa utos ni Parlade mula Enero hanggang Oktubre. Saklaw ng mga operasyong ito ang 163 barangays sa 46 bayan sa Bicol at 128 barangays sa 31 bayan sa Southern Tagalog.
Kabilang dito ang walang patumanggang pamamaril ng 49th IB malapit sa isang eskwelahan sa Barangay Oma-oma sa Ligao City noong Setyembre 25. Nagresulta tio sa paglikas ng mga guro na noo’y naghahanda para sa pagbubukas ng klase.
Kilala din si Parlade sa maruming taktika sa larangan ng digma. Sadya nilang nilabag ang tigil-putukan na idineklara ni Rodrigo Duterte kaugnay sa Covid-19 mula Marso 19 hanggang Abril 19 at inutusan ang mga yunit militar na maglunsad ng walang patid na kontra-insurhensyang mga operasyon laban sa BHB. Pinakamataas ang bilang ng operasyong kombat at sikolohiikal sa Southern Tagalog (138) at Bicol (94) sa naturang panahon. Kabilang dito ang sunud-sunod na pananalakay ng mga pwersa ng SOLCOM sa mga yunit ng BHB sa Barangay Puray, Rodriguez, Rizal, at sa Mulanay at Gumaca, Quezon mula Marso 28 hanggang Abril 1.