2 katutubo, unang biktima ng batas sa terorismo
Ibinunyag ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) sa Korte Suprema noong Nobyembre 17 ang unang kaso ng paggamit ng Anti-Terror Law (ATL) laban sa inosenteng mamamayan. Dalawang Aeta, sina Jasper Gurung at Junior Ramos, ay walang batayang kinasuhan ng 7th ID ng paglabag ng Seksyon 4 (paglahok sa mga aktibidad na may layuning pumatay o manakit) ng naturang batas noong Setyembre. Noon pang Agosto nakakulong ang dalawa, kasama ng dalawa pang Aeta, sa gawa-gawang kasong illegal possession of firearms and explosives. Inaresto sila habang tumatakas sa pambobomba at pang-aabuso ng militar sa kanilang lugar.
Ayon sa NUPL, ang pagsasampa ng kaso ay ganti ng 7th ID sa mga sibiliyan matapos isang sundalo ang napatay sa pananambang ng Bagong Hukbong Bayan sa kanilang yunit noong Agosto 21. Pinatutunayan ng kaso kung papaanong maaaring gamitin ang ATL para baluktutin ang mga ebidensya at ituring na “terorista” ang mga kritiko at kalaban ng gubyerno..
Sa ngalan din pagsugpo sa “terorismo,” pinagbawalan ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na galawin ng Rural Missionaries of the Philippines (RMP) ang mga impok nito sa 22 na akawnt sa bangko. Iligal na ibinimbin ng AMLC ang mga account ng RMP mula Disyembre 2019 hanggang Oktubre nitong taon batay lamang sa petisyon ng National Intelligence Coordinating Agency.