Ang mga mangingisda sa panahon ng pandemya at pasistang lockdown
Bago pa ang sunud-sunod na bigwas ng mga bagyo nitong taon, hinagupit na ng pandemyang Covid-19 at palpak na tugon dito ng rehimeng Duterte ang sektor ng pangisda. Pinatindi ng krisis ng pampublikong kalusugan ang dati nang krisis sa kabuhayan ng isa sa pinakamahirap na sektor ng lipunan. Pinalala pa ang kanilang kalagayan ng lockdown, na nagpataw ng mga restriksyon at nagkait sa kanila ng kanilang kabuhayan. Mayroong 1.7 milyong rehistradong mangingisda sa buong Pilipinas.
Isa sa mga restriksyon ang arbitraryong pagpapatupad ng Philippine Coast Guard (PCG) ng “no sail zone” sa mga mayor na pangisdaan sa Metro Manila at mga karatig-rehiyon noong Marso 16. Mabilis na nakapagpahayag ng pagtutol dito ang mga mangingisda dahil malaki ang magiging epekto ng pagbabawal kapwa sa kabuhayan ng maliliit na mangingisda at ng seguridad sa pagkain ng bansa. Hindi lumilikha ng pagtitipun-tipon ang pangingisda kaya’t hindi makatuwirang isama ito sa lockdown. Binawi ito ng estado matapos ang ilang araw.
Nakapagpatuloy man sa pangingisda, naging pangunahing suliranin ng mga mangingisda ang pagbabagsakan ng mga huli. Suspendido ang transportasyon kaya hirap maibyahe ang mga produkto patungo sa mga mayor na fish port at bagsakan sa Metro Manila at mga sentrong lunsod. Naiulat ang mga banye-banyerang tamban na di-maibenta sa Sorsogon, Camarines Sur at Misamis Oriental. Umalma rin ang mga magsasaka ng seaweed sa Coron, Palawan dulot ng mga di-mabentang produkto. May mga positibong hakbangin ang ilang bayan sa Sorsogon na direktang binibili ang huli ng mga maliliit na mangingisda pero hindi ito naging kalakaran sa buong bansa.
Di sapat, kundi man walang ayuda
Dapang-dapa ang kabuhayan ng mga mangingisda. Kung dati ay umaabot na lamang sa ₱300 hanggang ₱500 ang kanilang kita kahit maganda ang panahon, ngayon ay nasa ₱100 hanggang ₱150 na lamang ang kanilang naiuuwi sa kanilang mga pamilya.
Sa kabila nito, tatlong beses lamang nakatanggap ang maraming komunidad ng mangingisda ng ayuda mula sa kani-kanilang lokal na pamahalaan sa mahigit tatlong buwan na enhanced community quarantine (ECQ). Bawat relief pack ay tinatayang nagkakahalaga lamang ng ₱200-₱300 o katumbas ng tatlong kilong bigas at mangilan-ngilang delata. Karaniwang ₱6,500 lamang ang tinanggap ng mga pamilyang mangingisda. Mula gitna ng Marso hanggang katapusan ng Mayo, pumatak lamang sa abereyds na ₱100 kada araw ang ayuda mula sa rehimen.
Walang ulat kung saan napunta ang ₱3-bilyong ayuda ng Department of Agriculture (DA) para sa agrikultura, hindi kailanman nabanggit o nakasama ang sektor ng mangingisda. Ang tiyak, hindi ito umabot sa kanila. Noong Oktubre, inianunsyo ng DA ang ₱96.53 milyong pondo para sa mangingisda, pero hindi ayuda kundi pautang ang pondo.
Bumagsak nang 3.2% ang produksyon ng pangisdaan sa unang kwarto ng taon kumpara sa parehong kwarto nang nakaraang taon. Ang programa ng DA para sa agrikultura sa panahon ng pandemya, tulad ng Plant, Plant, Plant Program o ang “Ahon Lahat, Pagkaing Sapat (ALPAS) Laban sa Covid-19” ay nakatuon lamang sa kung paano maibabyahe ang pagkain sa merkado, at hindi kung paano palalakasin ang produksyon sa kanayunan sa pamamagitan ng suporta sa mga magsasaka at mangingisda para tiyaking may produktong madadala sa pamilihan.
Hiling ng mga mangingisda: ₱15,000 subsidyo para matiyak na tuluy-tuloy ang kanilang hanapbuhay. Krusyal ang kanilang pagtatrabaho sa suplay ng pagkain sa buong bansa.
Mga pakanang neoliberal
Iniratsada ng rehimeng Duterte ang pagpasa at pagpapatupad ng mga proyektong magdudulot ng malawakang demolisyon sa gitna ng maigting na lockdown at mahigpit na ipinatutupad ng rehimen ang “stay-at-home policy.” Mabilis na inaprubahan ng Senado at Kongreso ang prangkisa ng San Miguel Corp. Aerotropolis Project sa Bulacan. Binabakuran naman ang pangisdaan ng mga taga Cavite para sa proyektong reklamasyon sa Manila Bay. Hindi pinahinto ng pandemya ang planong pribatisasyon ng Manila Bay, kabilang ang pagtatambak ng dolomite o mga pekeng “white sand” sa baybay ng look kaharap ng Roxas Boulevard.
Sa tayang pagbagsak pa ng produksyon ng isda sa huling bahagi ng taon, kaagad nagpanukala ang DA ng panibagong importasyon ng isda. Aabot sa 400,000 metriko-toneladang ng galunggong, tilapia, at iba pang pangunahing pagkaing isda ang planong angkatin para diumano mapunan ang kakulangan at makontrol ang pagtaas ng presyo ng isda sa merkado. Naging pangkaraniwang tugon na ng rehimen ang importasyon sa tuluy-tuloy at sistematikong krisis sa agrikultura.