Atake sa mga mamamahayag
Dalawang mamamahayag ang pinaslang, apat ang inaresto at isa ang ni-red-tag ng estado sa nakalipas na dalawang linggo.
Pinaslang ng 2nd IB ang lokal na manunulat na si Ronnie Villamor sa Barangay Matanglad, Masbate noong Nobyembre 14. Nasa lugar siya para siyasatin ang pangangamkam ng lupa ng negosyanteng si Randy Favis. Hinarang siya sa isang tsekpoynt ng militar at binaril sa pinalabas na engkwentro.
Noong Nobyembre 10, pinagbabaril ang manunulat at brodkaster na si Virgilio Maganes sa Barangay San Blas, Villasis, Pangasinan. Una na siyang tinangkang patayin ng mga pulis noong 2016.
Sa parehong araw, inaresto at idinetine ng mga pulis sa Camarines Norte ang mga brodkaster na sina Virgilio Avila Jr. at Mia Concordia. Ginamit ng mga pulis ang kasong cyberlibel na isinampa ni Gov. Edgardo Tallado. Nakalaya sila matapos magbayad ng pyansang ₱400,000. Kinasuhan din ng gobernador ang mamamahayag na si Deo Trinidad.
Parehong kaso rin ang ginamit sa pag-aresto sa brodkaster na si Jun Digamon ng Davao City noong Nobyembre 13 at si Leonardo Hijara ng Surigao del Sur sa parehong linggo.
Samantala, malisyosong iniugnay ng rehimen sa rebolusyonaryong kilusan ang manunulat ng Inquirer at direktor ng NUJP na si Nestor Burgos Jr. noong Nobyembre 5. Nakabase si Burgos sa Iloilo City.
Ang Pilipinas ang itinuturing na ika-pitong pinakadelikadong bansa sa mga mamamahayag sa buong mundo ayon sa 2020 Global Impunity Index na inilabas ng Committee to Protect Journalists noong Oktubre 28.