Huwad na programang reporestasyon
Walang tunay na plano ang reaksyunaryong estado para muling buhayin ang mga kagubatan ng bansa. Ang National Greening Program (NGP) nito ay isang iskema lamang para sa malawakang contract growing ng mga komersyal na kahoy na kalakhan ay mapaminsala sa ekolohikal na balanse ng mga gubat. Ang pinakanakikinabang sa mga kontratang iginagawad ng NGP ay mga lokal na pulitiko at kanilang mga kasosyong negosyante sa agroforestry.
Kalakhan ng mga punong itinanim sa mga eryang saklaw ng NGP ay hindi likas sa lokal na kagubatan. Kabilang sa mga ito ang mga komersyal na kahoy na madaling tumubo gaya ng mahogany, falcata, rubber, at iba pang pang-eksport na pananim gaya ng kape at kakaw. Ang naturang mga puno at panananim ay kabilang sa nangungunang eksport ng bansa. Salungat ito sa payo ng mga siyentista na magtanim ng mga punong likas sa gubat para mapanatili ang ekolohikal na balanse ng mga ito.
Inamin mismo ng Department of Environment and Natural Resources na plano nitong anihin ang troso sa halos 79 ektarya ng mga plantasyon ng NGP sa iba’t ibang bahagi ng bansa na magbibigay ng ₱31.6 bilyong kita sa mga kasosyo nitong kontraktor. Mas masahol pa, ginagamit ng estado ang NGP para palayasin ang mga magsasaka at katutubo sa mga bulubunduking komunidad at kamkamin ang kanilang mga sakahan at lupaing ninuno.