Magsasaka, pinaslang; 16 inaresto

,

Isang magsasaka ang pinaslang at 16 ang arbitraryong inaresto ng mga elemento ng Armed Forces of the Philippines sa nakalipas na mga linggo.

Pagpaslang. Binaril at napatay ng mga elemento ng 85th IB ang lider-magniniyog na si Armando Buisan sa Barangay Santa Maria, Catanauan, Quezon noong Nobyembre 14. Si Buisan, 60, ay residente ng Sityo Luyahan, Barangay Magsaysay, General Luna at tagapangulo ng Coco Levy Fund Ibalik sa Amin sa naturang bayan.

Halos tatlong dekadang itinaguyod ni Buisan ang karapatan ng mga magniniyog. Bago paslangin, nanawagan ang grupo ng biktima na itaas ang presyo ng kopra at magbigay ng ayuda ang gubyerno dahil sa magkakasunod na bagyong tumama sa Bondoc Peninsula.

Istraping at pag-aresto. Walang habas na pinaputukan at inaresto ng nag-ooperasyong mga sundalo ng 58th IB ang anim na magsasaka, kabilang ang tatlong menor-de-edad, sa Sityo Lanesehon, Barangay Bunal, Salay, Misamis Oriental noong Nobyembre 1.

Papunta ang mga biktima sa bukid para mag-ani ng palay nang paputukan ng mga sundalo. Matapos nito ay idinetine sila sa kampo ng militar sa baryo. Sa gabing iyon, pilit pinapirma ng kumander ng 58th IB na si Lt. Col. Canatoy ang mga biktima ng dokumentong nagsasabing hindi sila sinaktan ng mga sundalo. Tumanggi ang mga biktima.

Nang gabi ring iyon, naiulat ang pambubugbog ng mga sundalo sa isang sibilyan sa Barangay Tingalan, Opol sa parehong prubinsya.

Sa Leyte, inaresto ng mga sundalo ng 93rd IB at 802nd Brigade ang pitong magkakapatid sa Sityo Utap, Barangay Canlampay, Carigara noong Nobyembre 13. Lima sa kanila ay mga menor de edad kabilang ang isang maysakit. Dinakip sila nang ireyd ng mga sundalo ang kanilang bahay. Inaresto rin ang kanilang ina na si Nora Dionaldo na pinararatangang asawa ng Pulang mandirigma. Magdamag ding idinetine kasama nila ang 11 pang kalalakihang residente. Nananatiling nakadetine si Dionaldo at ang kanyang panganay na si Ernie.

Sa Negros Occidental, dalawang magsasakang myembro ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas ang inaresto ng 94th IB sa Sityo Basak, Barangay Buenavista, Himamaylan City noong Nobyembre 19. Inakusahan silang mga kasapi ng Pulang hukbo at sinampahan ng gawa-gawang kasong illegal possession of firearms. Kasalukuyang nakadetine ang dalawa sa Himamamaylan City Police Station.

Samantala, 20 boluntir na kabataang kasapi ng Anakbayan ang iligal na inaresto ng mga pulis sa Vente Reales, Valenzuela City noong Nobyembre 17. Dinakip sila habang nagsasagawa ng kusinang bayan dahil umano sa paglabag sa mga restriksyon ng lockdown.

Magsasaka, pinaslang; 16 inaresto